CHAPTER FOUR

11.4K 209 5
                                    


Kinabukasan, humahangos na dumating si Doy sa bookshop ni Eliza. Bakas sa mukha nito ang pagkapahiya at takot.

Mukhang gusto siya nitong konsiyensyahin dahil umuwi siya kahapon nang hindi ito kasama.

"Naghintay ako sa 'yo nang matagal. Alam mo naman 'yon, hindi ba?" sumbat nito sa kanya. "Hindi ba may usapan na tayo?"

"I'm sorry, Doy. Pero nakita mo naman, natakot ako sa dalawang lalaking 'yon. Nagkataon na naroroon si A—Mr. Buenaventura at nilapitan niya ako. Kung hindi niya iyon ginawa baka kung ano na lang ang ginawa sa akin ng dalawang lalaki. At ikaw, bakit hindi ka agad lumapit?" ganting-sumbat niya.

Hindi nakasagot si Doy.

Sa isang banda ay hindi niya ito masisisi. Mukhang goons ang dalawang lalaki na humarang sa kanya at nanakot. Kung ikukumpara nga naman ang katawan ni Doy sa katawan ng mga ito, di-hamak na dehado ang kanyang boyfriend. Matangkad nga ito, pero manipis ang pangangatawan. Dahil sa kaguwapuhan, pihadong mag-iisip muna ito nang maraming beses bago makipagbasagan ng mukha.

Kabisado na niya ang ugali ni Doy. Kilala niya ang pagiging banidoso nito. Sa katunayan, mas maalaga pa nga ito kaysa sa kanya pagdating sa kutis. Regular ang punta nito sa dermatologist. Tubuan lang ng butlig sa mukha, nagpa-panic na.

Hindi talaga mawala sa isip niya ang ginawa nito kahapon. Iginigiit ng isip niya na dapat ay lumapit agad ito para maagapan siya at maprotektahan kung may binabalak mang masama sa kanya ang dalawang lalaki.

"Malaki na rin ang pasasalamat ko't naroroon si Mr. Buenaventura—"

"Eh, de hindi ka na galit sa lalaking iyon?" Nang-uuyam ang tono nito. "At pumayag ka pang pahatid kahit alam mong naroroon ako!"

"Pumayag ka naman, hindi ba?"

Nagdilim lalo ang anyo ni Doy. "Dahil nakasakay ka na sa kotse niya." Nasa himig nito ang matinding selos.

"Nilubos-lubos na niya ang pagtulong sa 'kin."

"Tinanong ba niya kung ano mo ako?"

"Hindi siya nagtanong," pagkakaila ni Eliza na nakuha ang ibig sabihin nito. Nag-iwas siya ng tingin dito. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit nakuha niyang magsinungaling tungkol sa bagay na iyon.

"Obvious na interesado sa 'yo ang lalaking 'yon, Eliza."

"Nagmagandang-loob lang siya, Doy. Huwag mong lagyan ng malisya ang ginawa n'ong tao," katwiran niya.

"Kung hindi mo gusto, hindi ka niya mapipilit. Kilala kita, Eliza. Kung ayaw mo, ayaw mo. Bakit nagpahatid ka sa lalaking iyon? Pinagmukha mo akong gago!"

Nag-init ang mga tainga niya sa akusasyon nito. "Watch your tongue, Doy. Ikaw na itong may pagkukulang, ikaw pa itong may ganang manita at magalit. Puwede ba, ayoko nang pag-usapan ang nangyari?"

"Mabuti pa nga," ayon ni Doy na bahagyang nag-mellow ang boses. "Pero kagabi pa ako naha-high blood sa nangyari. Gustong-gusto na kitang puntahan sa inyo. Inisip ko lang na baka bisita mo pa si Alec; matataranta ka lalo kapag nakita mo ako sa bahay mo."

Hindi siya nakakibo.

"Okay, aalis lang ako sandali, 'tapos babalik din ako agad. Magdi-dinner tayo."

Naalarma siya. Naalala niya ang sinabi ni Alec. "B-baka mainip ka na naman. May dapat lang kasi akong ayusin dito. Baka matagalan."

"I don't mind waiting for you," bulong nito.

Hindi niya malaman kung paano ipagtatabuyan ang boyfriend. Pero mukhang nahalata nito ang pagkabalisa niya.

"May problema ba?" nakakunot ang noong tanong nito.

MIDNIGHT BLUE SOCIETY SERIES #6 ALEC (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon