CHAPTER EIGHT

12.3K 234 4
                                    


"Salamat na lang at naagapan ang problema. Kung hindi, tiyak na apektado ang reputasyon at kredibilidad ng Kings Pharma. Pero may dapat pang ayusing problema sa BFAD authorities.

"Hindi mo ba sasampahan ng kaso ang lalaking iyon? Sabihin mo lang habang maaga at nang maasikaso ko na," sabi ni Attorney Lim.

Tahimik at halatang malalim ang iniisip ni Alec. Nang mga sandaling iyon, okupado ng isang babae ang isip niya. Nakumpirma na niya ang relasyon ni Doy kay Eliza Jose. Nang malaman niya iyon ay sumulak ang dugo niya sa matinding selos.

Hindi niya ininda ang pagkasangkot sa gusot ng pangalan ng Kings Pharma dahil sa kalokohan ni Doy. Naniniwala siyang kaya pa iyong remedyuhan. Pero ang pagkakasangkot ni Eliza sa lalaki ay lumikha ng kakatwang pakiramdam sa kanya. Nanghihinayang siya para sa magandang dalaga, hindi ito nababagay sa isang masamang taong tulad ni Doy.

Napag-alaman niyang matagal na ang relasyon ng dalawa. Siguro kaya nakagawa ng ganoong kalokohan si Doy ay para na rin sa girlfriend nito. Gusto siguro nitong mabigyan ng luho o ng magagandang bagay at maayos na buhay si Eliza.

Hindi nga ba't iyon ang naging rason ni Doy na malapit na itong ikasal?

"Ano'ng plano mo ngayon, hijo?" nababahalang sabi ng abogado.

Bakas ang pag-aalala sa anyo nito. Palibhasa'y kabisado ni Attorney Lim ang ugali niya.

"Alam ko ang iniisip mo, Alec. Pero hindi ko gugustuhing kumilos ka nang lihis sa batas."

Matamlay siyang ngumiti. Inakala ni Attorney Lim na sobra ang galit niya at magiging marahas sa mga tiwaling empleyado ng Kings Pharma. Nang dahil sa mga ito ay may posibilidad na masira ang magandang reputasyon ng kanyang kompanya.

Pero sa dalawang tao lang nakatuon ang isip niya: kina Eliza at Doy.

Huminga muna siya nang malalim. "Ang gusto kong unahin mo ay ang settlement kay Mr. Regalado. Gusto kong mapabilis ang paglilipat ng bookshop sa lugar na iyon."

"Hindi pa pumapayag si Miss Jose," paaalala nito.

"Ako na ang bahala sa kanya."

Nagkibit na lang ng mga balikat ang abogado. Matapos kunin ang mga papeles sa ibabaw ng mesa ay umalis na ito.

Naiwang nag-iisip si Alec sa mga susunod na hakbang.


NASINDAK si Eliza nang madatnan na parang dinaanan ng bagyo ang loob ng bookshop. Nagkalat ang maraming libro, mga nangabasag na paninda gaya ng mga pigurin at mga clay pots. Maging ang mga libro ay sinadyang basain ng tubig.

Nanghina siya nang makita ang mga iyon. May palagay siyang kaunti na lang ang pakikinabangan sa kanyang mga paninda.

"Oh, my God!" Nanghihinang nilapitan niya ang counter. Kahit saan niya ibaling ang tingin, magulo.

Hindi makapaniwala si Eliza na mangyayari iyon sa kanya. Nangilid ang luha niya sa labis na frustration.

Paanong nangyari ito? Ang alam niya, may nagro-rove na guwardiya sa buong building. Nasalisihan kaya ito? Pero kung ang motibo ay pagnanakaw, bakit hindi tinangay ang mahahalagang gamit, tulad ng TV, component...

At isa pa sa napansin ni Eliza, sinadyang wasakin ang mga paninda niya. Hindi birong halaga ang mga iyon. Paano na siya ngayon? Oo nga't may naiipon siya, pero malaking kawalan sa kanya ang laman ng bookshop.

Iisa lang ang iniisip niyang may pakana niyon—si Alec Buenaventura. Maaaring nainip na ito sa paghihintay sa kanyang umalis sa pag-aari nitong building. Kaya gumawa na ito ng paraan para siya na ang kusang sumuko.

MIDNIGHT BLUE SOCIETY SERIES #6 ALEC (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon