Abala sa pagluluto si Aling Bebang sa kanilang kusina. Marami siyang kailangang iluto ngayon. Sinulyapan niya ang mga nagsusugal sa kanilang sala at napangiti siya sa nakita. Halos may nakaupo na sa lahat ng mga lamesang pang sugalan at ang ibang nakatayo ay alam niyang mga sugarol din at naghihintay lang na may mabakanteng upuan.
Ito ang kanyang naisip na pagkakitaan mula ng lumaya ang kanyang asawa sa kulungan. Mas mabuti na rin ito kumpara sa dating ginagawa nilang pagnanakaw ng baka at kalabaw. Mula ng mahuli ang asawa niya ay nahirapan din siya sa pagpapalaki ng kanyang dalawang anak na lalaki hanggang sa tuluyan na niyang pahintuin ang mga ito. Halos sumala na sila sa pagkain noon at hikahos na hikahos na silang mag-iina. Noong panahon na iyon ay naisip niya na kapag nakaraos lang sila sa paghihirap ay hinding-hindi na siya babalik sa gawaing masama.
Nang makalaya ang kanyang asawa ay nagbago ang buhay nila. Kung may mabuting naidulot dito ang pagkakakulong ay ang pagiging mahusay nito sa paghawak ng baraha. Lagi itong nananalo kapag sugal na gamit ang baraha ang pag-uusapan. Halos lahat ng pasugalan sa kanila ay pinataob na nito. Pati ang mga lamay ng patay ay hindi nito pinatawad. Tuwing umuuwi ito galing sa sugalan ay lagi itong may iniaabot sa kanya na perang napanalunan nito.
Nang magkahigpitan sa mga pasugalan, napilitang tumigil ang kanyang asawa sa "hanapbuhay" nito. Laging sinasalakay ng mga awtoridad ang mga pasugalan kaya walang nagawa ang kanyang asawa kundi ang maghanap ng mga lamay kung saan puwede siyang magsugal ng hindi mahuhuli ng mga pulis. Minsan, niloko pa niya ang asawa na hindi na hanapbuhay ang gawain nito kundi hanap-patay. Sa isa sa mga lamay na pinuntahan nito, doon nakilala ng kanyang asawa si "Chief" , isang opisyal ng pulisya na nakadestino sa kabilang bayan.
Si Chief ang humimok sa kanyang asawa na magtayo ng sugalan sa kanilang bahay. Naka "timbre" na ito sa hepe ng pulisya sa kanilang lugar kaya alam nilang hindi ito huhulihin. Noong una ay papasyal-pasyal lang si Chief sa bahay nila ngunit kalaunan ay araw-araw na ito naroon. Kung minsan pa nga ay hindi na ito umuuwi at doon na natutulog lalo na kapag magdamagan ang mga naglalaro.
Naisip ni Aling Bebang, hindi naman masama ang kanilang ginagawa. Hindi naman nila pinipilit ang mga tao na magpunta sa bahay nila para magsugal. Kusang pumupunta ang mga ito. Ang kinikita niya sa "Tong" ay ang lumalabas na upa ng mga gumagamit ng kanilang mga baraha. Kasama na rin dito ang pagkain at tubig na hinihingi ng mga ito kapag nagbababad na sila sa pagsusugal. Mahigit isanlibo ang kinikita niya kada araw, kasama na ang mga balato mula sa mga nananalo. Ang isanlibong piso ay malaking bagay na lalo na sa liblib na lugar na kagaya ng kanilang tinitirahan. Sobra-sobra na ito para sa kanilang pangangailangan.
Hindi pa kasama dito ang kinikita ng asawa niya sa pagsusugal. Lumalaban ito kapag malakihan na ang pustahan lalo na kung mga dayo sa kanilang lugar ang mga maglalaro. Ang alam niya ay hindi pa natatalo ang asawa niya kahit isang beses. Lagi itong nananalo. Kung hindi naman ito naglalaro, si Chief ang naglalaro o kaya ay isa sa mga anak niya, na lagi ding nananalo. Hindi man siya nagbababad sa panonood sa mga pagsusugal, lagi niyang nakikitang may pinaghahatian ang mga ito pagdating ng gabi. Noong una ay tutol siya sa pagsusugal ng kanyang mga anak ngunit ng lumaon ay hinayaan na lang niya ang mga ito. Para sa kanya, hindi masama ang sugal kapag lagi kang nananalo. Ang masama sa sugal ay kapag lagi kang natatalo.
" Kasalanan nila yun, alam naman nilang mahusay ang mag-aama ko sa sugal, bakit sila lumaban?" bulong ni Aling Bebang sa sarili.
Hindi niya rin maiwasan minsan ang maawa sa mga kababaryo niya na natatalo. Karamihan sa mga ito ay mag-uuling, ang karaniwang trabaho sa lugar nila. Halos isang linggo sila bundok na namumutol ng mga puno. Kapag nakarami na ay dadalhin ito sa isang lugar sa bundok kung saan sila gumawa ng malaking hukay. Ilalagay ang mga kahoy sa loob ng hukay at susunugin. Habang nagdiringas ang mga ito ay tatakpan ng lupa ang mga nasusunog na kahoy. Babalikan ito pagkaraan ng ilang araw upang hukayin at isako ang mga uling. Papasanin ang mga sako ng uling pababa ng bundok upang ibenta sa bayan. Pagkabenta ng kanilang mga uling ay agad na magtutungo sa kanilang bahay para magsugal.
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang Engkantong Lunhaw
AdventureMagkakaibigang magkakasama sa saya, lungkot at pakikipagsapalaran. Pagkakaibigan na nauwi sa pag-iibigan. Pag-iibigan na pilit hinahadlangan. Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran nina Joshua, Angelo, Pitta at Danara laban sa mga panibagong ka...