Dahan-dahang lumapit si Angelo patungo kina Kirkuk at Joshua matapos niyang marinig ang sinabi nito.
Bigla siyang natigilan ng mapansin ang nasa harapan.
Dalawang magkatabing puno at hindi ang inaakala niyang mga kasama.
" Saan kayo?" pabulong na sabi ni Angelo, " bakit bigla kayong nawala?"
Nagtatakang nilingon ni Joshua ang kaibigan ng marinig niya ang sinabi nito. Nasa likod lang niya ito ngunit hindi sila makita.
Nagulat pa ang binata ng hindi makita ang kaibigan sa likuran.
Paglingon niya sa harap ay wala na rin si Kirkuk.
" Angelo, nandito lang ako," sabi ni Joshua, " Saan ka?"
" Dito lang din!," sagot ni Angelo, " ikaw ang hindi ko makita."
Nagkakarinigan sila ngunit hindi nagkakakitaan!
" Humanda kayo!" narinig nilang sabi ni Kirkuk, " Pinaghiwa-hiwalay tayo ng mga Unggulado. Susugurin nila ang bawat isa sa atin!"
" Putek, hindi ko kayo makita!," reklamo ni Angelo, " baka tamaan ko kayo!"
" Hindi tayo magtatamaan," sagot ni Kirkuk, " Ang harang na nilikha ng mga Unggulado upang hindi tayo magkita ay siya ring magsisilbing harang upang hindi tayo magkatamaan. Ginagawa nila ito para din sa sarili nilang kaligtasan. Ayaw din nilang matamaan ang isa't isa."
Napahinto sa pagsasalita si Kirkuk ng makitang isang Unggulado ang nakatayo sa kanyang harapan. Hawak nito ang isang malaking pamalo na may mga nakausling malalaking tinik sa dulong bahagi.
" Ano ang ginagawa ng isang Batingilan sa lugar na ito?" tanong ng Unggulado, " malayo ka na sa iyong teritoryo."
" Huwag momg papatayin 'yan," sigaw ng isa pa na hindi niya nakikita, " mainam na gawing alipin ang isang Batingilan. Hahatian na lang kita dito sa makukuha ko."
" Wala akong pakialam sa 'yo!" sagot ng Unggulado na nasa harap ni Krikuk, " gagawin ko ang nais kong gawin."
Bigla nitong sinugod si Kirkuk at buong lakas na hinampas ito ng kanyang pamalo. Mabilis na nakailag si Kirkuk . Lumitaw sa mga kamay nito ang isang espada.
Sa kabilang bahagi, naririnig ni Joshua ang mga naglalaban ngunit hindi niya makita ito.
" Angelo, ikaw na ba ang napapalaban?" tanong ng binata, " mag-iingat ka!"
" Hindi ako!" sagot ni Angelo, " Wala pa akong kalaban..putek, meron na pala!"
Napailag si Angelo ng sumugod ang Unggulado sa kanya mula sa likuran. Hawak nito ang dalawang piraso ng kahoy na may nakataling matulis na bato sa magkabilang dulo. Gaya ng sinabi ni Kirkuk, iba ang mga Unggulado sa lugar na ito kumpara sa nakita nila noon sa Bundok Mari-it. Malalaki ang katawan ng mga narito at mukhang mabangis.
Hindi magawang asintahin ni Angelo ng kanyang tirador ang kalaban dahil sa bilis ng pagkilos nito. Kaliwa't kanang palo ang pinakawalan nito kay Angelo na walang magawa kundi ang umilag.
Alam ni Joshua na napapalaban na ang dalawang kasama ngunit wala siyang magawa upang tulungan ang mga ito. Wala pang lumilitaw nakalaban ngunit nakahanda na ang kanyang pana. Biglang napaigtad ang binata ng maramdaman na umiinit ang kanyang batok.
May kalaban na!
Sa likod!
Sabay sa pagpihit niya ay nakita niya ang isang malaking lambat na patungo sa kanya.
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang Engkantong Lunhaw
AdventureMagkakaibigang magkakasama sa saya, lungkot at pakikipagsapalaran. Pagkakaibigan na nauwi sa pag-iibigan. Pag-iibigan na pilit hinahadlangan. Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran nina Joshua, Angelo, Pitta at Danara laban sa mga panibagong ka...