Pagkatapos na matiyak na nagawa niyang maipasok sina Joshua at Angelo sa teritoryo ng mga laman-lupa ay agad na tinungo ni Kapok ang kinaroroonan ni Yakal.
" Ano'ng nangyari?" tanong ni Yakal ng makitang naroon na si Kapok sa kanilang lugar.
" Naipasok ko na sila ilalim ng lupa," sagot ni Kapok, " Pagkakataon mo na na paslangin si Lagalag at ang kanyang kaibigan."
" Hindi ka ba sasama sa akin?" tanong ni Yakal, " Akala ko ba gusto mo rin paslangin ang dating kasintahan ni Danara."
" Parang nawalan na ako ng gana sa kanya," sagot ni Kapok, " Nandirito na si Danara sa ating kaharian . Wala ng saysay kung pag-aaksayahan ko pa siya ng panahon. Ang isa pa, napakadali lang niyang paslangin. Isang hamak na tirador lamang ang kanyang sandata at ang bala nito ay ang bunga ng dalugdug."
Natawa si Yakal ng marinig ang kuwento ng kaibigan.
" Ang sinasabi nilang katuwang ni Lagalag sa kanyang pakikipaglaban ay dalugdug lamang ang sandata?"
" Tama ka," sagot ni Kapok, " Laruan lamang natin ang ganoong sandata. Kung iyong nais, isama mo na siyang paslangin pagkatapos mo kay Lagalag at kung tinatamad ka naman ay hayaan mo na siyang kainin ng mga laman-lupa."
" Sino ang kakainin ng mga laman-lupa?"
Napalingon ang dalawa ng marinig ang boses ni Balau.
" Nagawa na ba ninyo ang ipinapagawa ko?" muling tanong nito sda dalawa.
" Si Lagalag at ang kanyang kaibigan ay nasa teritoryo na ng mga Lagumon," sagot ni Yakal. " Anumang oras ay maaari na silang lapain ng mga laman-lupa."
" Nagbigay na ako ng utos na ipaalam sa akin bago nila paslangin at kainin ang dalawang mababang-uri. Kung hahayaan lang natin ang mga masisibang mga laman-lupa, baka ubos na si Lagalag at ang kanyang kasama bago tayo makarating doon. " sabi ni Balau, " Ipapaalam nila sa akin kapag nahuli na nila si Lagalag at Angelo."
Nagkatinginan sina Yakal at Kapok. Hindi matutuloy ang balak nila kapag nahuli ng mga laman-lupa na kapanalig ni Balau ang dalawa.
" Ano po ang gagawin namin?" tanong ni Yakal sa ama.
" Magtungo kayo sa timog na bahagi nitong gubat," utos ni Balau, " May nagsabi sa akin na may ipinadalang isang elemento ang mga Aves para iligtas si Lagalag. Abangan ninyo ang pagdating niya doon."
" May mga mandirigma na nakatalaga doon para magbantay," sagot ni Yakal, " bakit kailangan pa naming magtungo doon?"
" Wala aakong tiwala sa mga Arbore na naroon," sagot ni Balau, " maaaring hindi isang elemento ang ipadala kundi isang Aves mismo. Mahihirapan ang mga Arbore doon na hulihin siya. Kailangan nila ang kagaya natin para mahuli ang ipinadala doon ng mga Aves . Kapag napatunayan natin na inutusan siya ni Falcon, maaari natin itong gawing dahilan upang lalo siyang pasamain sa mata ng Pamunuan.Kapag nangyari iyon, wala na siyang pag-asa na makabalik pa sa pamumuno sa Pamunuan."
" Masusunod po," sagot ni Yakal, " ngayon din ay magtutungo kami doon."
Mabilis na umalis ang dalawa ngunit ng mapansin na malayo na ang ama ay agad na binulungan ni Yakal si Kapok.
"Magbalik ka sa teritoryo ng mga Lagumon. Ako na lang ang pupunta sa lugar na sinasabi ni Ama. Sabihin mo sa kanila na huwag paslangin si Lagalag kahit pa iutos ito ng aking ama. Akin lang siya."
" Ngunit may pinagsabihan na ang iyong ama." sagot ni Kapok, " natitiyak kong hindi nila ako susundin. Matitigas ang ulo ng mga laman-lupa."
" May mga kaibigan tayong laman-lupa," sabi ni Yakal, " kausapin mo sila. Dapat ay maunahan nila ang mga kalahi nila na kapanalig ni Ama. Sila ang dapat makahuli kay Lagalag."
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang Engkantong Lunhaw
AventuraMagkakaibigang magkakasama sa saya, lungkot at pakikipagsapalaran. Pagkakaibigan na nauwi sa pag-iibigan. Pag-iibigan na pilit hinahadlangan. Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran nina Joshua, Angelo, Pitta at Danara laban sa mga panibagong ka...