Chapter 16. Ang Paghuli sa Salarin

7K 392 50
                                    

                                Habang tumatakbo ay tumutulo ang luha ni Nanu. Sa kanyang nakitang paraan ng pakikipaglaban ng tatlong hinuli nila, sigurado siyang kaya ng mga  itong ubusin ang mga kalahi niya na iniwan niya.

Gaya nina Anok at Barik, hindi rin iba sa kanya ang mga Bag-ong Yanggaw na iniwan niya doon. Karamihan doon ay mga kakilala niya,mga  anak ng mga kaibigan, kamag-anak, at kababaryo.

Hindi siya maaaring bumalik sa kanilang baryo. Pagkatapos ng pangyayaring ito, tiyak na papatayin siya ng kanyang mga kababaryo kapag nalaman ang nangyari. 

Hindi rin naman siya papayag na basta na lang hayaan ang nangyari.

Babalik siya at ipaghihiganti ang mga pinatay niyang mga kalahi lalo na si Anok!


                         Mabilis na tumakbo si Balok habang sinusundan ang anino na umagaw ng Padarit. Sa bilis ng takbo nito, alam niyang aabutan niya ito. Isa siya sa pinakamabilis sa kanilang lugar pagdating sa ganitong labanan. 

Lumingon siya sa likuran at nakita niyang humahabol din sa kanila si Kapok. Hindi siya makakapayag na abutan sila nito at ito pa ang makapatay sa anino. Kailangang lalo pa niyang bilisan ang paghabol.

Pagbalik niya ng paningin sa hinahabol, nagulat pa si Balok ng makitang wala na ito. Ang sandaling paglingon niya ay sinamantala ng anino para makapagtago agad.

Sinuyod niya ng paningin ang lugar. Sa unahan ay halos patlang-patlang na ang mga puno kaya nakakasiguro siyang makikita niya ang anino kung tumuloy ito sa pagtakbo. Malamang ay umakyat iyon sa isa sa mga puno na narito at nagtago.

" Saan na nagpunta?" 

Napalingon si Balok ng marinig ang boses ni Kapok. Inabutan na pala siya nito.

" Doon," turo ni Balok sa unahan, " tumakbo siya patungo doon."

" Bakit ka tumigil dito?" tanong ni Kapok.

" Napapagod na ako. Kailangan kong magpahinga." sagot ni Balok.

Iiling -iling si Kapok na tiningnan si Balok na noon ay nagkukunwaring hinihingal.

" Arboreng napapagod?" sambit nito," walang kuwentang engkantado!"

Pagkasabi nito ay mabilis itong tumakbo patungo sa direksiyon na itinuro ni Balok.

Napangiti si Balok ng makitang lumayo na sa kanya si Kapok. Ngayon ay malaya niyang mahahanap ang anino dito sa mga puno sa paligid. Lumitaw ang mga palakol sa kanyang mga kamay. 

Nilapitan niya ang isa sa mga puno at hinawakan ito. Kung may nagtatago sa itaas ay malalaman niya. Kapag naman tumalon ito para tumakas ay nakahanda na rin ang kanyang palakol.  

Wala sa punong iyon ang kanyang hinahanap.

Ang susunod na puno naman ang kanyang hinawakan.

Wala pa rin.

Sa paglapit niya sa ikatlong puno, sandaling napatigil si Balok. Isang piraso ng manilaw-nilaw na dahon ang nahulog mula sa puno. Tinitigan niya ang dahon na nahulog.

Sa tangkay nito, makikita pa ang sariwang dagta.

Humigpit ang hawak ni Balok sa kanyang mga palakol. 

Bagaman naninilaw na ang dahon, hindi pa dapat ito nahuhulog dahil may dumadaloy pang dagta sa tangkay nito. 

May nakasagi dito kaya ito nahulog!

Hindi hinawakan ni Balok ang puno para makipagtalastasan dito. Alam niyang kung sino man ang nasa itaas, ito ang pinangangambahan nito. Bibigyan niya ito ng dahilan para makampante ang sarili.

Si Joshua Lagalag at ang  Engkantong LunhawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon