Patay na ba ako?
Nasaan ako? Napuno ng pagtataka ang isipan ko. Mga ilang saglit lang kanina kasama ko pa ang mamang nagpahirap sa akin. San ito? Kanina nasa isang kulungang bakal pa ako. Anong pahirap na naman ang dapat kong maranasan? Ano bang ginawa ko sa kanya? Tinignan ko ang paligid. Hindi masukat na kadiliman lang ang sumagot sa mga tanong ko.
Tinignan ko ang katawan ko puno ng galos at sugat. Bakit ganito? Wala akong kahit anong emosyon na nararamdaman. Tuwa dahil nakatakas na ako sa nagpahirap sa akin? Wala. Lungkot dahil hindi ko man lang nalaman kung sino ako bago mamatay? Wala. Para bang kontento na ang utak ko sa nangyari sa akin. Hinayahaan ko ang katawan kong magpalutang-lutang. Ayoko nang humanap ng daan palabas. Dito walang mananakit sa akin, walang mangaapi. Mas maganda dito, mas payapa.
“Henry.. Henry..”
Nagulat ako. Akala ko ba ako lang mag-isa dito? Napuno ng takot ang katawan ko. May mananakit na naman ba sa akin?
“S-sino ka!” takot na takot kong tinanong sa kung kanino mang boses ang gumambala sa akin.
Nakarinig ako ng takot na takot na boses. Tila tinig ng isang babaeng balisang balisa at nagbibigay ng babala. Pamilyar siya pero hindi ko matandaan kung saan ko siya narinig. Pinilit kong inisip kung sino siya sa buhay ko pero wala pa rin. Halos sumabog na ang utak ko dahil sa sapilitan kong pagalala pero wala.
“Henry.. makinig kang mabuti..” mas lumakas ang boses. Pero ngayon ay may nadagdag ang isang batang humahagulgol.
“ma-MAGPAKITA KA SA AKIN!” pilit ‘kong hinanap kung sino ang may-ari pero tulad noong una walang hanggang dilim lang ang humarap sa akin. Iba na ang kutob ko. Sino ba si henry? Ako ba siya? Biglang binaha ng napakaraming tanong ang utak ko. Nawala na ang payapang paraiso na tinatamasa ko mga ilang saglit lang kanina. Pero ang pinakabumagabag sa akin,
“Kilala niya ba kung sino ako?”
Baka nga. Baka alam niya kung sino ako. Biglang bumigat ang pakiramdam ko. Masaya na ako kanina dito. Bakit kailangan pang may gumulo?
“Henry.. magtago ka na.. magtago ka na!” Iba na ang pagaalala ang naramdaman ko sa tinig niya. Mas lumakas ang iyak ng bata.
Nagkaroon ng nakabubulag na liwanag sa harap ko.
Wala akong magawa kung hindi takpan ang mga mata ko ng braso ko. Ito na ba ang daan sa labas? Dito ba nanggagaling ang mga boses?
“Anak, parating na ang papa mo. Magtago ka na!” nagsimula na ring umiyak ang babae. Mag-ina pala sila. Ako, sino kaya ang nanay ko? Buhay pa kaya siya? Ano kaya pangalan niya?
Sigurado na ako. Nanggagaling sa liwanag ang tinig ng mag-ina. Pinaghalong kaba at sabik ang bumalot sa buong katawan ko. Pero nahahati pa rin ang isipan ko. Kailangan ko pa ring sagutin ang isang tanong. iwanan ko ba ang munti kong paraisong ito o isugal itong kasiyahan ko para malaman kung sino ako?
Pinagpapawisan ako ng malamig. Huminga ng malalim at tumungo papunta sa liwanag.
“Henry.. Henry..”
Nagising ako sa boses ni mama. Parang takot na naman siya. Naglasing na naman ba si papa? Agad kong inalis ang kumot na bumabalot sa akin at pumunta kung saan galing boses. Lumabas ako ng kwarto at nakita si mama sa pasilyo. Morena si mama hanggang balikat ang buhok. Agad akong tumakbo papunta sa kanya at niyakap siya.
“Henry.. makinig kang mabuti..” bulong niya sa akin.
Itong linya na naman? Agad tumulo ang luha sa mata ko. Hindi ko napigilan humagulgol. Lasing na naman si papa? Sasaktan na naman niya si mama? Pilit kong pinipigilan pero hindi ko talaga magawa. Sumiskip ang dibdib ko. Nahihirapan akong huminga. Niyakap niya ako ng mas mahigpit. Nakarinig ako ng yabag na papalapit.
BINABASA MO ANG
Pagsisisi ni Henry (Complete)
SonstigesKung kaya mong suwayin ang tadhana, anong gagawin mo? (If ever may nakita kayong typo, wag magatubiling magcomment salamat katoto! haha) Feel free to leave any reviews/comments. All Rights Reserved 2014 © Kyubiform