Chapter Nine

7.4K 134 11
                                    

"ANO'NG ginagawa mo rito?" tanong ni Lauren nang makita ang sekretarya ni Tyrone. Alam niyang kasangkapan din ito sa mga plano ng binata.

Hindi sumagot ang secretary at sa halip ay ibinigay sa kanya ang isang maliit na kahon at agad na ring umalis.

Inilapag niya ang kahon. Nag-aalangan siyang buksan iyon pero tila may sariling isip ang kanyang mga kamay. Nakita niyang nasa loob ang kanyang paboritong libro, iyon ang naging umpisa ng lahat.

Katabi ng libro ay isang maliit na recorder. Naramdaman niya ang panginginig ng kamay habang pinipindot ang Play button.

"Gusto ko sanang personal na isauli ang librong 'yan pero wala na akong mukhang maihaharap sa 'yo."

Hindi siya maaaring magkamali, boses iyon ni Tyrone.

Gusto niyang ihinto ang recorder at huwag nang magpatuloy sa pakikinig, ngunit mas nananaig ang kagustuhan ng kanyang pusong pakinggan ang sasabihin ng binata.

"Ang librong iyan ang dahilan kung bakit tayo nagkakilala at maniwala ka man o hindi, hindi iyon parte ng plano ko. Hindi parte ng plano ko ang mahalin ka, kusa kong naramdaman iyon sa puso ko."

Her tears threatened to fall.

"Tadhana ang may kagagawan kung bakit nagtagpo ang mga landas natin at sa kabila ng lahat, sana'y huwag kang tumigil na maniwala sa tadhana dahil totoo iyon."

Hindi na niya napigilan ang pagtulo ng mga luha.

"Sa libo-libong kasinungalingang sinabi ko sa 'yo, isa lang ang totoo... mahal kita."

Pinahid niya ang mga luha pero patuloy pa rin iyon sa pag-agos.

"Habang pinakikinggan mo 'to ngayon, nagawa ko nang isaayos ang lahat. Patawarin mo sana ako at paalam."

Hindi man magawang aminin ni Lauren sa sarili, ramdam niya ang bawat katagang iniusal ni Tyrone. Dama niya ang hinagpis at luha sa mga salitang binigkas nito. Pero hindi pa siya handang magpatawad. Hindi pa bukas ang kanyang puso na makalimot sa lahat ng pait na idinulot ng mga ito sa buhay niya.

"NAPAGDESISYUNAN namin na ibalik ka bilang chairman ng Samaniego Group of Companies," anunsiyo kay Lauren ng isa sa mga stockholder na naroon sa conference hall, ilang linggo matapos ang gulong nangyari sa SGC. "Nararapat para sa 'yo ang posisyon na 'to."

"Malaki ang utang-na-loob namin kay Florante at bilang kapalit ng kanyang kabutihan ay tutulungan ka naming pagyamanin pa ang kompanyang ito," sabi ng isa.

Gusto niyang maiyak sa sobrang kaligayahang nararamdaman. Sa wakas ay tapos na ang lahat.

"Pinagdudahan namin ang kakayanan mo, pero napatunayan namin ang tunay mong motibo at saludo kami sa 'yo."

"Nalaman namin ang lahat ng naging plano nina Tyrone upang pabagsakin ang kompanya," dugtong ng isa. "Pinaimbestigahan namin ang lahat. Naging masama siya ngunit naging kasangkapan lang siya sa mga plano ni Eduardo Bustamante."

"Pero pa'no naibalik lahat ng shares?" tanong niya. "Ang pagkakaalam ko ay naibenta na ang lahat ng iyon."

"Hindi alam ni Eduardo Bustamante na si Tyrone ang bumili lahat ng shares," paliwanag ni Sansa, ang sekretarya ng binata. "Ginamit niya ang pangalan ng maliliit niyang negosyo upang bilhin ang mga iyon. Tinumbasan niya ang halaga ng shares sa mga kompanyang pinagbilhan ni Eduardo Bustamante. Ginamit niya ang lahat ng kanyang pera para maibalik sa 'yo ang posisyon na 'yan."

Natigilan si Lauren. Hindi niya inakalang gagawin iyon ng binata para sa kanya.

"Nagkasala siya pero kahit papa'no ay kailangan din natin siyang pasalamatan sa kanyang ginawa para sa kompanyang ito," wika ng isa.

PLANNED DESTINY by RICA BLANCA (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon