Hectic sched for the last few weeks kaya hindi ko naipost agad sa scheduled time. I hope you understand. But to cover up the update that I did not get to post last week, I will post a new update before Saturday and also this Saturday. So bale tatlong update within this week. Have a good day Listeners! Happy reading :)
//
Ika--pitong Kabanata
Nakailang palit na ng doktor at ospital si Anna sa mga lumipas na araw ngunit isa lang ang sinasabi ng mga ito, wala silang ideya sa kung ano ang nangyari sa kanyang boses.
Malusog si Anna at wala namang problema sa kalusugan. Walang tabla ang lahat ng pera at yaman niya kung ang isang bagay na hindi kayang ipaliwanag ng siyensya ang magiging kalaban niya.
Ang iba sa mga endorsement at guestings ni Anna ay kasalukuyang naka on-hold samantalang ang iba naman ay hindi na siya nahintay at tuluyang nang umalis sa kontrata. Ang sinabi lang ni Toby sa kanila ay may sakit si Anna at kailangang magpahinga. Marahil ang iba ay naiintindihan iyon ngunit hindi lahat nakakaunawa.
Halos isang linggo nang nagkukulong si Anna sa kanyang silid. Natuyo na ang luha sa kanyang mga mata kakaiyak mula umaga hanggang gabi. Ayaw niyang maniwala sa sinabi ng wirdong lalaki ngunit sa bawat araw na lumipas ay napapaisip si Anna. Sumpa. Ito nga talaga ang nangyari sa kanya ngayon.
"Anna kumain ka naman. Walang mangyayari kung magmumukmok ka lang dyan. Babalik din yang boses mo. Babalik din ang lahat sa dati." pang-aamo ni Mang Tonyo sa kanya noong dinalahan siya nito ng pagkain pangatlong beses para sa araw na iyon. Gayunman ang lahat ng dinala nito ay ni hindi man lang nagalaw.
"Anna..."
Inilabas ni Anna ang cellphone at nagtext kay Mang Tonyo na matyaga siyang kinakausap magmula noong araw na malaman niyang wala na siyang boses. Tumunog agad ang cellphone ni Mang Tonyo. Binasa niya ito.
"Paano kung hindi na? Paano kung ganito na lang talaga ako?"
Huminga ng malalim ang matanda. "Anna huwag kang negatibo. Babalik din yan maniwala ka sa akin."
Nagtext si Anna bilang sagot. Sa nakalipas na araw ito na ang naging paraan nila upang makapag-usap ng maayos.
"Mang Tonyo, paano na ang career ko? Ang mga career nyo ni Toby kung hindi ito bumalik?"
"Sa ngayon wag mo munang isipin yun. Gagawaan natin ang lahat ng paraan para mabalik sayo ang boses mo."
"Mang Tonyo totoo talaga yung sinabi ko sa inyo na may wirdong lalaki ang nagsumpa sa akin."
"Anna napag-usapan na natin ito di ba? Lasing ka lang nu'n kaya kung anu-ano ang nakikita mo."
"Hindi Mang Tonyo. Nakita ko siya. Kailangan natin siyang hanapin. Siya lang ang makakapagpabalik ng lahat sa dati."
"Anna... alam mo may nirerekomenda sa aming magaling na psychiatrist, si Dra. Jimenez--"
"Totoo ang sinasabi ko Mang Tonyo. Hindi ako gumagawa ng kwento!" Galit na text ni Anna na agad namang binasa ni Mang Tonyo.
"Hija kasi naman ang imposible ng sinasabi mo. Wala namang ganun. Walang engkanto. Walang lalaki na may suot na makintab na damit at may tatlong pusa na umiilaw ang mga mata. Anna kwentong barbero lang yan na pinaniniwalaan mo."
Alam ni Anna na wala nang patutunguhan ang usapan na ito kaya pinaalis na niya si Mang Tonyo at sinarahan ng pinto bago pa ito may masabi.
Muli itong kumatok.
BINABASA MO ANG
Isandaang Halik (Montealto Brothers #1)
WerewolfFirst Book in Montealto Brothers Series.