Dear Camara, Love Derie by QueenEuOfHearts

115 13 4
                                    

Dear Camara,

Kumusta na aking kaibigan?

Pasensiya na nga pala kung ngayon lang ako makakapagpadala ng liham. Matagal na pala tayong hindi nagkikita noh? Ay oo nga pala, hindi naman talaga tayo nagkita dahil madilim ang kinalakihang mundo ng isa saatin. Nais ko sanang itanong kung nagpipinta ka parin ng mga larawan na nakikita mo mula sa iyong panaginip. Nais ko rin sanang tignan ang iyong mga ginawang obra ngunit hindi ako maaaring bumisita at napakaimposible dahil nasa malayong lugar ka at hindi kita pwedeng abutin.

Pano ko nga ba sisimulan ang liham na to?

Marami kasi akong gustong ikwento sayo kaya hindi ko na alam kung saan ako magsisimula.

Ah, siguro sisimulan ko sa aking buhay ngayon. Masaya ako sa aking bagong tahanan. Napakamasayahin at napakabait ng mga kasama ko. Minsan ay naglalaro kami ng tago taguan at naghahabulan. Napakasaya nilang kasama, sayang nga lang dahil hindi kita maipapakilala sa kanila. Pero palagi kitang kinukwento! Palagi akong nakangiti habang kinukwento ka sa kanila at ang ngiti nila sa tuwing binabanggit ko ang pangalan mo ay hindi matatawaran.

Gusto ka nilang makilala. Siguradong magkakasundo kayong lahat kapag nagkita muli tayo. Alam kong matagal pa yun mangyayare pero nasasabik na ako eh. Miss na miss na kita kasi Camara, kahit na may bago akong mga kaibigan dito, nalulungkot parin ako paminsan minsan. Nangungulila parin ako sayo kahit ilang taon na ang lumipas. Ikaw? Namimiss mo narin kaya ako?

Nangungulila ka rin kaya saakin? Ang hirap malaman ng sagot Camara. Hindi kasi tayo maaaring magkita. Dibale na nga, malalaman ko rin ang sagot sa tamang panahon. Itigil ko na nga itong kadramahan ko, balikan nalang natin ang nakaraan natin. Naaalala mo pa ba ang unang pagtatagpo ng landas natin? Dahil ito sa cartoon movie na Frozen.

Aksidente ko kasing napasok ang kwarto mo dahil naririnig kong may kumakanta. Sinundan ko kung saan nanggagaling ang musika at nakarating ako sa silid mo. Napagkamalan mo akong magnanakaw dahil nadapa ako at nahila ko ang wire na kumukonekta sa tv.

Alam mo ba na sobra ang kaba ko ng araw na yon?

Akala ko ipapapulis nila ako dahil sigaw ka ng sigaw. Akala ko sumigaw ka dahil napasok ko ang iyong silid pero yun pala, sumigaw ka dahil hindi na natuloy ang Frozen. Simula rin noon, palagi ko ng binibisita ang kwarto mo. Magkatabi lang naman ang kwarto natin kaya hinahayaan nila tayo. Palagi na tayong nanunuod o nakikinig sa bawat palabas na ilalabas sa tv. Mayroon ding nagtuturo saating dalawa sa pagsusulat at pagbabasa.

Palagi tayong naglalaro ng tago taguan at ikaw palagi ang taya. Dumating ang kaarawan ko at nagkaroon ng maliit na salo salo saaking silid. Naroon ka sa tabi ko at tinulungan akong hipan ang cake na binili ng magulang ko. Sa buong buhay ko, naranasan kong magkaroon ng kaibigan. Katulad mo, nakakulong rin ako sa apat na sulok na silid at halos binalot na ng kadiliman ang aking buhay. Buti nalang nakilala kita Camara, ikaw ang nagbigay ilaw sa buhay ko.

Sa unang pagkakataon sa aking buhay, naranasan kong magkaroon ng kaibigan. Sabay tayong pumunta sa hinanda nilang malaking entablado sa hospital dahil magkakaroon daw ng patimpalak ang may ari nito. Hindi ko mapigilang matawa ng makita kang sumimangot at sinabing nang iinsulto sila. Oo nga naman noh? Pero sumali parin tayo dahil gusto rin naman nating dalawa.

Minsan lang ito mangyare sa ating buhay at ito rin ang unang beses na nakihalubilo ako sa napakaraming tao, ganun rin ang sayo kaya abot langit ang naramdaman nating saya. Hindi rin nagtagal ang kasayahang naramdaman natin dahil bumalik sa lahat ang mundo nating dalawa. Camara, tinanong mo ako kung kuntento na ako sa buhay nating dalawa pero hindi ako nakasagot. Alam kong alam mo ang sagot. Alam mong kuntento ako pero hindi yun sapat para sabihing masayang masaya talaga ako.

Gusto kong makalaya mula sa apat na silid. Gusto kong hagkanin ang maaliwalas na hangin. Gusto kong damhin ang malakas na alon ng dagat. Gusto kong makipaglaro sa mga ibon at pakinggan ang mga huni nila. Gusto kong makasama ka Camara habang magkahawak kamay tayo at pinapanuod ang papalubog na araw sa kanluran.

Hindi ba't napakaganda nitong tignan? Ang kahel at dilaw nitong kulay ay sumasama sa napakagandang asul na kalangitan. Sa dagat naman ay nakikita ang repleksyon nito at parang dinadala ka sa paraiso. Napakaganda ng aking pangarap hindi ba? Simple ngunit nakapagbibigay saya sa aking puso kapag iniisip kong balang araw, makakamit ko ang pangarap at sabay nating aabutin yon.

Isang gabi, tumakas ako sa silid ko at pinuntahan ang kwarto mo. Kakaunti lamang ang nakita kong mga bantay at nagpagala galang nars kaya mabilis akong nakapasok at ginising ka. Tinanong mo ako kung bakit pabulong akong magsalita at sinabi ko naman sayo na tatakas tayo. Nanlaki ang walang buhay mong mata at pinagalitan ako dahil kapag nahuli ako, baka sa sunod ay hindi na ako palabasin ng kwarto at magkaroon pa ng bantay.

Napakamot ako sa batok at binulong sayo ang dahilan ko sa pagtakas. Ang kaninang walang buhay mong mata ay napuno ng kagalakan at kung hindi lang talaga pasikreto ang gagawin natin, malamang tumili ka na sa sobrang saya. Natawa ako ng ikaw na mismo ang humila saakin at sinabing makupad akong kumilos dahil baka mahuli kami sa pagdating.

Hinawakan ko ang kamay mo at sumilip sa labas ng pintuan. Pinakiramdaman ko kung may papadaang nars o doktor at ng masigurado ko ng wala, nilakihan ko na ang pagkakabukas ng pinto at dahan dahan kang hinila palabas. Nagtanong ka kung pwede na tayong maglakad at hindi na ako sumagot ng oo dahil sa pagmamadali ko. Ang sabi mo ay dahan dahan lang dahil baka mapano tayong dalawa pero hindi kita pinakinggan. Ang alam ko kasi, malapit ng magsimula.

Napapahinga rin ako ng maluwag dahil sa liit ng katawan nating dalawa, madali tayong makakapagtago kapag may mga makakasalubong tayong matatanda. Muntikan na tayong mahuli ng humagikhik ako dahil inakala ng isang matandang lalaki ay mayroong pusa sa loob. Napasigaw na ako sa sobrang saya ng makalabas na tayo ng hospital. Umikot ikot ako at patuloy na sinisigaw na napakasaya ko, nawala lang ang ngiti saaking labi ng makita kang nakangiti sa isang sulok pero hindi ito umabot saiyong mata.

Hindi ko mapigilang lumuha dahil nakalimutan kong kahit gaano pa tayo kalaya dito sa labas, hindi parin mababago na mananatiling madilim ang mundo mo. Niyakap kita ng mahigpit at ginantihan mo rin ako, kasabay nito ay ang pagsabog at pagkislap ng kalangitan at pinapakita nito ang iba't ibang kulay. Kumislap ang mga mata ko ng makita ko ito at ikaw ay mayroong nagtatakang mukha. Nakangiti akong tumingala at sinabi sayo na ang naririnig mong ingay ay galing sa fireworks.

Pinaliwanag ko sayo ang ibig sabihin ng fireworks at namangha ka ng sinabi kong iba't ibang kulay ang nilalabas nito at minsan ay mayroon pang hugis. Ito ang gusto kong makita mo Camara, ang fireworks. Alam kong sa isip mo, nabubuo mo na ang imahe nito at hindi ko maiwasang mapangiti. Napakaswerte ko dahil nagkaroon ako ng kaibigang katulad mo Camara. Palagi kang nakangiti kahit na mabigat ang dinadala mong problema. Pinangako ko sa sarili ko na dapat maging katulad mo rin ako, palangiting tao at tignan ang liwanag ng buhay.

Pabalik na sana tayo ng may marinig akong tinutugtog na sa palagay ko ay instrumento. Hinila kita palapit dito at napunta sa harapan ng isang matanda na hawak hawak ang isang gitara at sa kanyang tapat naman ay may lata na mayroong lamang barya.
Napakaganda ng kanyang ginagawang musika at labis mo itong ikinatuwa dahil ngayon ka lang nakarinig nito sa buhay mo. Kadalasan kasi na naririnig mo ay galing lamang sa telebisyon kaya iba parin sa personal.

Mabuti nalang at may nadala akong pagkain sa bulsa ko kaya ito nalang ang binigay doon sa matanda bilang pasasalamat sa kanyang magandang musika. Nanatili pa tayo ng ilang oras at magkahawak kamay na sinasabayan ang bawat nota sa gitara. Pansin ko ang pamumungay ng iyong mga mata kaya niyaya na kitang babalik na tayo sa loob dahil inaantok na rin ako. Kinabukasan ay hindi ako nakadalaw sa silid mo dahil nagkaroon ng komplikasyon ang aking karamdaman.

Gumanda ang pakiramdam ko ng makita kitang bumisita sa kwarto ko kaya hindi na ako nagtampo pa sa magulang ko. Tabi tayo sa kamang hinihigaan ko at sabay na nakinig sa musika na nanggagaling sa tv. Napag usapan nating dalawa na tatakas muli tayo sa pagkagat ng dilim kahit wala ng fireworks. Dadamhin lang natin ang pakiramdam ng nasa labas ng ospital. Nandoon parin ang matandang naggigitara at binigyan naman ulit natin siya ng pagkain hanggang sa araw araw na natin itong ginagawa.

Hihintayin ang pagkagat ng dilim. Magtatago. Tatakas. Makikinig ng musika. Bibigyan ng pagkain ang matanda. Sasabay sa kanya. Maghawak kamay at lilibutin ang buong nasasakupang lupa ng ospital hanggang sa tayo ay dalawin na ng antok.

Pero natapos ang kalayaan natin ng mahuli tayo ng isang doktor sa labas at sinumbong sa magulang natin. Nagkaroon na tayo ng bantay at kahit pagbisita ay pinagbawalan na tayong dalawa. Nalungkot ako dahil bumalik na naman muli ang emosyon nararamdaman ko ng hindi pa kita nakikilala. Parang isa ka ng parte sa buhay ko at hindi ako makukumpleto kapag wala ka.

Mas lalo akong nalungkot ng malaman kong lumala ang kondisyon ng mga mata mo at kailangang makahanap agad ng eye donor para maagapan agad ang pagkabulag mo. Hindi ako mapakali dahil hindi ako pinapayagang lumabas at baka raw mas lalong lumala ang kondisyon ko kapag nakita ko ang kalagayan mo. Hindi ba nila alam na kailangan mo ng kaibigan? Kailangan mo ng masasandalan? Ako ang kailangan mo diba?

Ang araw na hindi nating pagkikita at pagbisita ay umabot ng linggo, buwan, hanggang sa ito ay maging isang taon. Wala na akong balita na nalalaman sayo dahil nilipat na nila ang private room ko. Ang alam ko lang ay nakakaramdam ka ng pagkamuhi saakin. Camara, humihingi ako ng tawad dahil sa hindi pagbisita sayo. Kahit anong pilit ko sa kanila ay hindi parin nila ako pinapayagan. Lalong nadagdagan ang kalungkutan ko kaya nagdesisyon akong hahanapin kita kapag tulog na ang mga tao. Gagawa ako ng paraan para makita ka ulit.

Magsasama muli tayong dalawa at pinapangako kong lalabas muli tayo para tignan ang fireworks kahit ako lang ang nakakakita. Sinadya kong magtulog tulugan at hinintay ang bumabantay saakin na makatulog. Dahan dahan akong bumaba sa kama at sinampa ang maliliit kong paa sa malamig na sahig. Dahan dahan kong pinihit ang seradura ng pinto at walang tunog na tumakas sa silid ko. Hindi ko alam kung saan ako magsisimulang hanapin ka dahil hindinako pamilyar sa mga bagng pasilyo. Tulog ako ng ilipat ako ng silid kaya hindi ko alam kung nasa taas ba ang dati nating magkatabing kwarto o nasa baba.

Nagmamadali ako sa paghahanap ng silid mo dahil anumang oras, malalaman na ng bantay na nawawala ako at hindi imposibleng walang makakita saakin dahil hinahanap ko ang pamilyar na pasilyo. Alam mo bang muntikan na ako noon mawalan ng pag asa? Aaminin kong nagtatampo ako sayo dahil hindi ko alam kung gumawa ka ng paraan para magkita muli tayo.

Pero dahil kaibigan kita, hindi ko magagawang magalit sayo.

Mabibilis ang mga yapak ko at bumibigat narin ang hinga ko sa paghahanap ng silid mo. Alam ko kasing hinihintay mo ang pagdating ko kaya yayakapin agad kita ng mahigpit at ikekwento ko sayo ang panibagong movie na napanuod ko. Ang mabagal kong hakbang ay unti unting bumibilis ng makita ko ang isang pamilyar na pasilyo at kwarto. Nararamdaman kong nandyan ka sa loob Camara kaya hindi na ako nagdalawang isip pa na tumakbo ng mabilis at hinihingal na binuksan ang kwarto mo.

Napakasaya ko ng makita kang mahimbing na natutulog. Mahina ang hakbang ginagawa ko patungo sa direksyon mo at kasabay nito ay ang pagbilis ng aking puso pero sa bawat tibok nito ay pahina ng pahina. Nanginginig kong hinawakan ang mga kamay mo at binulong sayo na nandito na ako. Dumilat ang mata mo at kapansin pansin ang pagiging matamlay nito. Sumilay ang ngiti saiyong labi at binanggit ang aking pangalan. Hinaplos ko ang pisngi mo at binalita sayo na gagaling ka na. Na makakakita ka na muli.

Lumuha ang mga mata mo sa saya at niyakap ako. Niyakap rin kita at hindi na mapigilan ng aking mata ang lumuha dahil sa saya...at lungkot. Patagal ng patagal ang segundo ng yakap nating dalawa at ang hinga ko ay pabigat ng pabigat at tila kinakapos. Naramdaman mo ang mabigat kong paghinga kaya tinanong mo ako kung ano ang nangyayare saakin. Hindi kita sinagot at mas lalong hinigpitan ang pagkakayakap sayo hanggang sa unti unti ko ng pinipikit ang mata ko na nakapagpawala ng ngiti sayong labi.

Patawarin mo ako Camara kung tumakbo ako kahit alam kong bawal. May butas ang puso ko kaya hindi ako maaaring mapagod pero hindi ko pinagsisihan ng gabing yon ang ginawa ko. Alam ko kasing wala na akong pag asa pang gumaling kaya ikaw ang gusto kong magpatuloy sa naudlot kong buhay sa pamamagitan ng pagbibigay ko ng mata ko sayo.

Matagal ko na itong hiniling sa magulang ko na kung sakaling bawian ako ng buhay, gusto kong ibigay sayo ang mga mata ko. Ang mga nakikita mo ngayon ay nakikita ko rin. Yan ang munti kong regalo sayo sa pagpapaalam ko.

Sinusulat ko itong liham ngayon dahil alam kong hindi pa sayo malinaw ang lahat. Miss na miss na kita Camara. Matatanggap mo ang sulat na ito sa oras na kailangan ng bumaba ng mga kaibigan kong anghel at magbibigay sila saya sa mga katulad mong humihinga pa.
Huwag mo sanang sisihin ang sarili mo sa aking pagkawala. Wala kang kasalanan dahil hindi naman talaga ako tuluyang nawala. Nakaukit ako diyan sa puso mo at dala mo ang bagay na gustong gusto kong ibigay sayo. Mahal na mahal kita aking una at pinakahuling kaibigan.

Hanggang dito na lamang Camara. Hanggang sa muli nating pagkikita.

Love, Derie  

One-Shot Writing Contest 2018 CompilationWhere stories live. Discover now