4. The Substitute Fiancé

7.4K 225 25
                                    

4

“Ano ba talaga ang sorpresang sinasabi mo at halos kaladkarin mo kami ng mommy mo papunta sa Lokuake?”

Nginitian lang ni Lilac ang kanyang ama na noon ay nakalingon pa sa inuupuan nilang mag-ina habang lulan sila ng kanilang sasakyan. Katabi ito sa unahan ng kanilang driver.

Parang kailan lang ay siya ang nagpipilit dito na ipaalam kung ano ang sorpresang sinasabi nito. Ngayon ay nagkapalit na sila ng sitwasyon. Sana lang pumabor sa kanya ang magiging desisyon ng mga ito sa ipagtatapat niya.

“It better be important. Kinansela ko pa ang appointment ko sa isang kliyente para lang mapagbigyan ka.”

“Kasinghalaga ko ang sorpresang ito, Daddy.”

“Pero bakit kailangan pang magpunta tayo sa Lokuake?” sabad ng kanyang ina.

“Dahil kailangang kaharap ang mga Villareal kapag ipinaalam ko sa inyo ang sorpresa.”

“Tungkol ba ito sa inyo ni Ernest?”

“Sort of.”

“Hija, huwag mong sabihing binuntis ka na niya?” hindik na wika ng kanyang ina.

Nilukutan niya ng ilong ito. “Mommy!”

Tila nakahinga ito nang maluwag. “Okay, kung hindi ka buntis, baka naman magpapakasal na kayo?”

“Kung iyon ang dahilan ng pagpunta natin sa Lokuake, dapat sana kasama natin si Ernest. Huwag na kayong manghula, Mommy, Daddy. Bago matapos ang araw na ito, malalaman n’yo rin naman.”

“Good news ba o bad news?” hirit pa rin ng kanyang ama.

“Both,” misteryosong sagot niya. Saka pa lang natahimik ang mga ito.

Sa halip na tumuloy sa kanila ay ipinadaan niya sa driver ang kanilang sinasakyan sa mansiyon ng mga Villareal.

Nagulat ang mag-asawang Don Leon at Doña Alicia sa biglaang pagdating nila. Ngunit malugod silang tinanggap ng mga ito.

“Ano ba ang atin? May problema ba?” tanong agad ni Don Leon nang magkakaharap na silang lima sa den.

“May gusto lang po akong ipakita sa inyo,” walang nadaramang kaba na sabi niya. “At pagkatapos ay pag-uusapan natin ang tungkol doon.”

“Tungkol ba saan?”

Sa halip na sagutin ito ay humingi siya ng pahintulot na maisalang sa VCR ang dala niyang tape. Pumayag naman ito kahit nagtataka.

Nang mga sumunod na sandali ay wala nang naririnig na usapan sa kanilang lima. Lahat ng mga mata ay nakatutok sa TV screen. Medyo madilim at magalaw ang pagkakakuha ng cameraman sa subject. Ngunit malinaw na makikita roon ang nakatalikod na bulto ni Ernest, ang karga nitong sanggol, ang babaeng nasa wheelchair kasama ng usapan ng mga ito.

Walang makapagsalita nang matapos ang maikling eksena na pinanood nila.

“Hindi ko alam ang tungkol dito,” napapailing na turan ni Don Leon.

“Kailangang makausap natin si Ernest,” medyo galit na sabi naman ng kanyang ama.

“Hayaan ninyo, ngayon din ay pauuwiin namin siya rito sa Lokuake.”

MAAGANG nakatapos sa pag-aayos ng sarili si Lilac. Siya yata ang pinakamaagang nagising sa kanila. Siya rin ang nakatanggap ng tawag ni Don Leon. Nakauwi na raw si Ernest. Pupunta raw ang mga ito sa kanila bago mag-alas-nuwebe ng umaga.

Ewan ba niya pero nakalalamang ang kaligayahan niya kaysa sa lungkot. Iyon ang naiwang pakiramdam nang mahimasmasan siya sa inisyal na pagkagalit kay Ernest.

Braveheart Series 3 Chino Villareal Helpless Romantic COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon