5
“Nasa field po si Sir Chino, Ma’am.”
Gustong batukan ni Lilac ang kanyang sarili. Nagtanong na rin lang siya kay Ernest kung ano ang address ng opisina ni Chino ay hindi pa niya itinanong ang numero ng telepono roon. Hindi na sana siya napagod kung hindi man niya dadatnan doon si Chino.
“Anong oras siya babalik?” tanong niya sa empleyada. Maganda ito kahit na walang makeup at naka-sports shirt lang at pantalong maong. Ang ID nito ay may nakasulat na “Dess” sa malalaking titik.
“Hindi po niya sinabi, Ma’am. Tawagan n’yo na lang po sa cellphone niya.”
Phone number nga rito sa office niya, hindi ko alam, cellphone pa kaya. Nag-walk out kasi siya nang magpunta ito at si Don Leon sa kanila sa Lokuake.
Nakaramdam kasi siya ng awa sa sarili pagkatapos niyang marinig ang proposal ng mga ito. Pakiramdam niya, para siyang isang kakaning hindi mabili kaya ipinasa at ipinag-alukan na lang sa iba.
She felt humiliated. At ang ikinainis pa niyang lalo-- nakipagkasundo na naman ang kanyang ama sa mga ito.
“Okay,” sabi na lang niya sa empleyada. “Sige, salamat.”
Habang bumababa siya ng office building ay tinatawagan naman niya si Ernest. Itinanong niya kung ano ang numero ng telepono sa opisina ni Chino pati na rin ang cellphone nito.
Kahit naman nagkasira sila ay itinuturing pa rin niyang kaibigan si Ernest. At kailangan niya ang ilang impormasyon mula rito kaya napipilitan siyang makipag-usap uli rito.
More than willing naman si Ernest na i-accommodate ang mga tanong niya. Parte marahil iyon ng paghuhugas nito ng kasalanan sa kanya. Pati ang phone number sa bahay ni Chino ay ibinigay nito.
Hindi naman niya magawang tawagan si Chino. Ano ba ang sasabihin ko? ‘Hey, tumawag ako dahil gusto kong malaman kung bakit pumayag kang saluhin ako mula kay Ernest.’ O kaya naman, ‘Bakit ka pumayag na maging panakip-butas? What’s the catch?’
Lulugu-lugong ipinarada na lang niya ang kanyang kotse sa isang park. Nag-half-day pa naman siya sa opisina ngunit walang nangyari sa lakad niya.
Nakailang ikot yata siya sa loob ng parke habang nag-iisip. Kapag napagod sa paglalakad ay nauupo siya sa mga nakakalat na benches doon. Ngunit papalubog na ang araw ay wala pa rin siyang konkretong maisip tungkol sa kanila ni Chino.
Nang umuwi siya, nakasalubong niya ang minivan ni Chino isang bloke bago ang sa kanila. Bumusina pa ito bilang pag-acknowledge sa kanya ngunit hindi huminto st nagtuluy-tuloy lang. Tiyak na galing ito sa kanila.
“Ano’ng ginawa rito ni Chino, Daddy?” bungad agad niya sa kanyang ama nang makapasok sa kabahayan. Nasa sala ito at naabutan pa niyang inililigpit ng katulong ang mga puswelo na pinagkapehan.
“Mas gusto ko siya kaysa kay Ernest,” nakangiting sabi nito sa halip na sagutin ang tanong niya.
Nainis kaagad si Lilac. Hindi niya gusto na mapalapit ang loob nito kay Chino. “Bakit siya nagpunta rito? Ano’ng pinag-usapan n’yo?”
“Tungkol sa inyong dalawa, siyempre. May mga inihain siyang plano. I tell you, hija, mas may direksiyon ang isang ito kaysa sa dating nobyo mo.”
“Bakit hindi ako ang kinausap niya?”
“Alam kasi niyang galit ka pa. Chino wanted results. Ayaw niyang magsayang ng oras. Kaya ako ang kinausap niya. Gusto na talagang mag-asawa ng isang iyon. At hindi naman siya dehado sa 'yo. Maganda ka, edukada, at—”

BINABASA MO ANG
Braveheart Series 3 Chino Villareal Helpless Romantic COMPLETED
RomancePhr Imprint Published in 2006