8. Little Secret

8.6K 212 36
                                    

8

Nasa kalagitnaan ng pagsusulat si Lilac nang tumunog ang cellphone sa tabi ng kanyang laptop. Kasalukuyang nasa itaas siya ng tree house. Mas gusto niyang magsulat doon dahil bukod sa tahimik ay palagi pa siyang inspired tuwing makikita niya ang magandang tanawin sa paligid niyon.

Si Chino ang tumatawag sa kanya. “Yes, darling?” masiglang bungad niya.

“Uhrmm,” maingay na tikhim nito. “Ah, sweet love, puwede mo bang hintayin ang guwapo mong asawa mamayang tanghalian? Ilang oras ka na niyang hindi nahahalikan. Miss na miss na niya ang matatamis mong lips,” anito na pinalaki ang boses na animo ay trying hard na announcer sa radio.

May ka-corny-han din talaga ang asawa niya. Nagpaka-corny rin siya. Ginaya niya ito. Pigil ang tawang sumagot siya. Pinalaki rin niya ang tinig. “Ahm, darling, ready na ang lunch any time you want it. At, ahm...” nilambingan na niya ang boses, “ready na rin ang lips ko para sa kiss mo.”

Narinig niya ang tawa nito sa kabilang linya. Nag-iwan pa ito ng matunog na halik bago magpaalam sa kanya.

Napapangiti na itinuloy niya ang isinusulat.

Dalawang buwan na silang kasal ni Chino. Hanggang makabalik sila sa Pilipinas mula sa honeymoon sa Europe ay wala pa ring pagbabago rito. Kung mayroon man, iyon ay lalo lang naging loving at romantic sa kanya.

Noon lamang niya napagtatanto na may katwiran ang kanyang ama na ipagpilitang ituloy niya ang pagpapakasal kay Chino. Liligaya nga pala siya sa piling nito.

Alas-onse na nang bumaba siya sa tree house. Nadatnan niyang ipiniprito na ni Mila ang chicken lollipop na ibinabad niya kagabi at nakatabi lang sa refrigerator. Tinimplahan naman niya ang chef’s salad na hiniwa nito.

Nang dumating sila ni Chino mula sa kanilang honeymoon ay isinama na niya si Mila sa kanila. Mas panatag ang loob niyang ito ang kasama. Upang sa mga panahon na hindi siya makapagluluto o may rush siyang trabaho ay makakatiyak siya na makakakain pa rin nang maayos na pagkain ang asawa. Limitado lang kasi ang alam ng houseboy nito sa pagluluto. Samantalang masarap magluto si Mila dahil naturuan na ito ni Nana Ising.

Pagkatapos gawin ang salad ay mabilisan siyang nag-shower. Nagsusuklay na siya nang maulinigan niya na parang may taong dumating. Napaaga yata ang asawa niya. Lumabas siya ng silid.

Si Ernest at hindi si Chino ang nakita niyang kausap ni Mila sa front door.

“Ernest! Naligaw ka?” masiglang bati niya rito. Pinapasok niya ito sa loob.

“Dumadalaw lang,” tugon nito habang pinapasadahan siya ng tingin.

Pinaupo niya ito sa sofa. “May sadya ka?”

“Ikaw sana.”

“Ano’ng sadya mo sa 'kin?”

“Nami-miss lang kita. Mula nang suntukin ako ni Tito Chino noon, hindi na ako komportable na makaharap siya. Kaya itinaon ko ang pagpunta rito na wala siya.”

Siya naman ang hindi na komportableng kaharap ito habang ang hitsura nito ay parang isang lovesick na teener.

“Lalo kang gumanda ngayon. Kahit masakit sa akin na malaman na hiyang ka sa pagpapakasal kay Tito Chino, natutuwa pa rin ako para sa 'yo.”

Minabuti niyang prangkahin ito. “Ahm, Ernest, kuwan kasi. Medyo hindi maganda ang timing mo sa pagpunta rito. Parating na ang asawa ko. Alam mo kasi, may nakaplano akong sorpresa sa kanya ngayon. Ayoko sanang masira iyon kaya kung puwede, kung hindi mo naman ikagagalit, sa ibang araw ka na lang pumasyal dito.”

Braveheart Series 3 Chino Villareal Helpless Romantic COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon