"Inay!"Sigaw ko nang magising na naman ako mula sa pabalik-balik na masamang panaginip. Sa isang gubat, walang humpay kaming tumatakbo ni ina sa kalaliman ng bilog na buwan. May isang babaeng pilit kaming hinahabol. Ang babae ay kay dungis, marumi ang mga kuko, at hitsurang 'di ko magawang masilayan. Nagmamakaawa ang aking ina. Parating ganoon, 'di kumpleto ang kuwento. Magulo; malabo. Tumayo na ako mula sa pagkakahiga't nag-isip-isip ako sandali kung bakit madalas ganito ang aking napapanaginipan.Pansamantala ko itong ipinagsawalang-bahala at ibinaling na lamang ang aking atensiyon sa paghahanda ng aking damit para sa aking paglabas. Binuksan ko ang aking maliit na aparador at kumuha ng aking susuotin para sa araw na ito.
Isang kuwarto lang itong tinitirhan ko ngayon, walang mga pader na naghihiwalay para magkaroon ng mas maliliit pang silid. Kay ganda ng mga bulaklak sa dingding na ipininta ko gamit lamang ang aking mga kamay. Nariyan ang mga kulay pulang rosas na 'di lamang nagkalat sa kamay ng isang nakaluhod na babae, na nakapintang itim, habang mahigpit niyang hinahawakan ang karamihan nito malapit sa kaniyang mukha't inaamoy, kundi sumaboy rin ang mga ito sa kabuuan ng aking dingding. Umaangat ang larawan sa kulay puting silid. Ang aking tahanan ay mayroon ring salamin sa tabi ng lababo, mesang katabi ng aking higaan at 'yung mga pangunahing kailangan lang para sa isang bahay. Maliit lang ang aking kama subalit ito'y double deck, kaya may matutulugan kami ng maayos ng aking ina. Kaso, wala na siya at mag isa na lamang ako.
Kay ganda ng sinag ng araw ngayon. Sinubukan kong dumungaw sa labas at nasilayan ko ang aking mga bubutihing kapitbahay na naglalaro sa parke. Nariyan ang isang lola na inaalalayan ng isang dalaga, ang lalaking lagi sa aking nagbebenta ng ginto ngunit kailanma'y hindi ko pinansin, naglalakad-lakad rin sa labas ang isa sa mga kaibigan kong madalas akong bisitahin. Nasusulyapan ko rin ang kay gandang mga bulaklak na tumutubo mula sa mga mabababang halaman na tunay na nagpapaganda sa parke. Tanaw rin sa aking bintana ang isang malaking gate na pasukan patungo sa parke't aming kabahayan.
Para akong tinakasan ng aking hininga nang may biglang katok sa aking pinto. Agad akong napalingon at biglang kumalma nang makita ko si Nancy sa likod ng bintana ng pinto.
"Deng tara na! Kamusta, ayos ka na ba?" wika ni Nancy na aking kaibigan. Lumapit ako't pinagbuksan ko siya ng pinto. "Tara na!" giit pa niya.
"Ito na! Nagmamadali ka naman masyado." tugon ko. Naghilamos na lamang muna ako pansamantala, nag-ayos ng suot, at naghanda para sa aming pag-alis.
"Mahuhuli na kasi tayo. 'Yung paborito mo nang music class." tinignan niya ako, "Sandali, ano nakakain ka na ba?" Tumuro si Nancy sa aking hapag, "Sayang naman 'yung nakahain na iyon sa mesa mo o."
'Di ko lang masabi pero minsan naiingayan na talaga ako kay Nancy. "'Di na, tara na."
"Sigurado ka? Ikaw bahala." tugon ni Nancy.
Lumabas na kami ng bahay at ini-lock na rin niya ang pinto. Nagpatuloy pa ang aming usapan habang naglalakad patungo sa aming music class. Palingon-lingon ako sa paligid habang sabay ang aming hakbang. Nasusulyapan ko ang iba sa aking mga kapitbahay sa likod ng binta ng pinto ng kani-kanilang bahay, mukhang inaantay rin ang kanilang mga kaibigan. May ibang nakikidungaw rin kaya naman kinakawayan ko sila.
Biglang napatanong si Nancy sa akin, "Ano'ng pangarap mo, at bakit?"
"Ang biglaan naman no'n. Sige, Chef!" maligaya kong sambit.
"Aba, ang saya naman makita 'yang pagmamalaki sa mukha mo. Mabuti yan, pero bakit nga?" usisa pa niya.
"'Di ko pa alam." umiling-iling ako at nag-isip.
BINABASA MO ANG
Kalam
Mystery / ThrillerSabi nila, "Mas masarap ang pagkain kapag gutom na gutom ka na." Sabi rin nila, "Ang linamnam ang bumubuhay sa pagkain." Paano kung ang linamnam ang bumubuhay sa iyo? (Date Published: February 8, 2018)