Chapter 4

1K 20 2
                                    

*Love may be irrevocable, but happiness is still a choice. It’s either you choose to continue loving the wrong person and be miserable for the rest of your life, or you choose to let go of the past, move on, and find true contentment with the one who was destined to be with you forever. 

Cedric’s POV 

 

How do you describe yourself?

Hindi ba’t kadalasan ay isa ‘yan sa mga tanong na kailangan mong sagutan sa isang slum book? O ‘di kaya’y itinatanong ng namumuno sa isang interviewee pagdating ng assessment period? O kung minsa’y itinatanong mo sa isang taong gusto mong mas makilala? 

Habang pinapanood ko ang babaeng pinakamamahal ko na ideklara sa harapan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa lalaking buong buhay na niyang pinapangarap ay tanging tatlong salita lang ang masasabi kong lubos na lumalarawan sa akin nu’ng mga sandaling iyon.

Martir, masokista at tanga.

“I vow to always be a devoted, understanding, and patient partner. I promise that I will never let my fears overcome my love and loyalty to you, because I believe that it’s not only love that will make our marriage last for possibly more than a lifetime, but most especially due to our faith in God and each other,” pagbibigay-panata ni Lyka Santiago habang nakangiti at nakatitig sa mga mata ng kanyang muling magiging asawa na si Keith De Chavez. 

Agad kong naramdaman ang pagkirot ng aking puso, lalong-lalo na nu’ng makita ko ang pag-agos ng mga masasayang luha mula sa kanyang mga mata. Kahit na nasa kalayuan ako ay hinding-hindi ko pa rin maipagkakaila ang epekto sa akin ng eksenang aking napapanood. Sana nga talaga ay hindi na ako pumunta pa.

 “I am happily entrusting to you my heart, my soul, my entire being; and I assure you that they will belong to you and only to you for as long as we both shall live. And this ring will serve as the binding seal of that entrustment,” pagpapatuloy ni Lyka, sabay suot ng kanyang hawak-hawak na singsing sa palasingsingan ni Keith. “I will always love you, my once again soon-to-be husband, Keith Jeric De Chavez. Forever and ever.”

Tumalikod na ako at nagsimulang maglakad papalayo sa pasukan ng simbahan, bago ko pa marinig na ideklara ng pari ang pagsasakatuparan ng muli nilang pagsasama bilang mag-asawa. Bago ko pa masilayan ang pag-angat ni Keith ng belo na nakaharang sa kanyang mukha at halikan siya. At bago ko pa marinig ang maligalig at masayang palakpakan at hiyawan na ibibigay sa kanila ng mga saksi sa muli nilang pagpapakasal.

Pumasok ako sa aking kotse at nagmaneho paalis, nagmamadali sapagkat baka mamaya’y may makakita pa sa aking kakagaling lang doon. Napakarami pa namang mga miyembro ng media ang dumalo upang gawan ng dokumento ang pagdiriwang, at kung tutuusi’y malapit na rin kasing magwakas ang wedding ceremony. Ayoko namang madatnan pa ako ng ilan sa mga kakilala ko, lalo na nina Carter at Chris.

Patuloy lang ako sa pagmamaneho, hindi alam kung saan didiretso, basta’t sinisigurado lang na makakalayo ako nang lubusan sa lugar na iyon. Sa kasalang ipinagdaraos. At higit sa lahat, sa kanilang dalawa.

Pagkalipas ng mahigit isang oras ay ipinarada ko ang aking kotse sa tapat ng wari’y isang parke at huminga nang malalim. Naramdaman ko ang pagtulo ng mga luha sa aking mga mata, na hindi ko napansing kanina ko pa pala pinipigilan; magmula noong nakita ko siyang naglalakad sa pasilyo, papalayo sa akin at patungo sa lalaking kanyang pinili.

Iritable kong ginulo ang aking buhok, nauudyok na iumpog nang paulit-ulit ang aking ulo sa manibela para kahit papaano’y matauhan na rin ako sa wakas. Para kahit papaano’y maproseso na rin sa wakas ng aking sistema ang mga kaganapang aking nasilayan. At para kahit papaano’y matanggap ko na rin sa wakas ang napakapait na katotohanang kahit kailan ay hinding-hindi kami ni Lyka ang magkakatuluyan.

Ang tanga-tanga ko rin kasi e. Bakit pa ba kasi ako pumunta sa pagtitipong iyon kahit na alam kong magkakaganito lang din ako pagkatapos? Bakit ko pa kasi hindi sinunod ang plano kong doon na lang sa studio magtagal buong araw? Bakit pa ba kasi ako umalis? Para lang pahirapan muli ang sarili ko? Para lang saktan muli ang puso ko? Para lang sa pang-ilang pagkakataon ay magmumukhang-tanga muli ako?

Huminga na naman ako nang malalim at pinaandar ang makina ng sasakyan, sabay maneho nito patungo sa isang lugar na naging napaka-pamilyar na sa akin. Tutal, magmula noong nalaman kong ikakasal na muli sila ay halos araw-araw na akong nagtagal doon, nilulunod ang aking sarili sa pighati mula maghapon hanggang magdamag.

Mamaya-maya’y itinigil ko ang aking kotse sa paradahan ng Grimoire Hill, isa sa mga pinakasikat at pinakamatagal na bar sa Metro Manila, at agad na tumungo sa pasukan.

“Mukhang maaga ka ata ngayon, Cedric. Wala pa ngang alas tres ng hapon e,” salubong sa akin ng nagbabantay roong si John Santos, sabay bukas ng pinto.

Hindi ko siya pinansin at dumiretso na lang sa loob.

“O, ano namang binabalak mong i-order ngayon, Ced?” Tanong sa akin ng bartender na si Ryan Lopez pagkapwesto ko sa isa sa mga stool sa tapat ng counter.

Sa sobrang dalas ng pagpunta ko roon ay kilalang-kilala na ako ng ilan sa mga empleyado, kahit na nakasuot pa ako disguise. Kung tutuusin naman kasi’y sina Ryan at John ang kadalasang umaalalay sa akin kapag masyado na akong nalasing, at agad na nagbibigay-alam sa manager ng grupo naming “Triple C” na si Marvin San Jose tungkol sa aking kondisyon. Swerte ko lang talaga at personal na magkakilala sina Ryan at Manager Marvin.

Nilabas ko mula sa aking bulsa ang aking wallet, sabay patong ng isang libong piso sa counter.

“Kung ilang rounds ng pinakamatapang ninyong beer ang katumbas nito, ganoon din karami ang i-o-order ko,” saad ko.

Napatigil naman si Ryan sa pagpupunas ng basong hawak-hawak niya, at napatingin siya sa akin nang maigi, halatang nag-aalangan.

“Sigurado ka ba talaga, P’re?”

Tumango naman ako, mawalang-bahala at tila wala na sa sarili.

“Espesyal ang araw na ito. Kailangan ko ‘yong ipagdiriwang nang lubusan.”

The Day I Forget All about You ~ Cedric and Amethyst's Story ~ [ HIATUS ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon