***
Pinagmamasdan nilang maigi mula sa rooftop ang karumal-dumal na nangyayari sa buong lugar. Naririnig nila ang mga nakabibinging sigaw mula sa mga taong inaatake ng mga halimaw. Hinahabol ang mga ito ng mga buhay na bangkay - mga zombies. May ilang mga zombies na mabibilis tumakbo samantalang may iba naman na hindi. Inabutan ng mahigit isang dosenang zombies ang grupo ng apat na magkakaibigang lalaki. Kitang-kita nila kung paano unti-unting namamatay ang apat na lalaki. Humihiyaw ang mga ito sa takot at sa sakit na dulot ng mga ngiping bumabaon sa laman nila. Bumubulwak ang pulang dugo mula sa katawan ng nila. Umaalingawngaw ang malalakas na sigaw na mas lalong ikinababaliw ng mga zombie. Dinagsa pa ng maraming zombies ang apat na lalaki. Kanya-kanyang kagat ang mga ito at unti-unting inubos ang lamang loob ng mga kawawang biktima.
Hindi makapaniwala si Adrian sa kanyang nasaksihan. Ito ang unang beses na nakakita siya ng mga taong namamatay - at ito rin ang unang beses na makakita siya ng mga totoong zombies. Para siyang nanonood ng isang eksena sa pelikula. Gusto sana niyang isipin na panaginip lang ang lahat ng ito ngunit ang pakikipaglaban niya kanina mula sa mga zombies ay senyales na hindi ito isang panaginip. Gulong-gulo ang utak niya. Hindi siya makapag-isip ng maayos. Tila hindi makaya ng murang sistema niya na tanggapin ang mga kasalukuyang nangyayari. Napaluhod siya at napaiyak. Biglang sumagi sa isip niya ang mga taong importante sa kanya. Nag-aalala siya sa mga kaibigan at sa mga katrabaho niyang naiwan sa Jollibee. Iniisip din niya ang kalagayan ng kanyang mga magulang na nasa Cebu. Nangangamba siyang hindi na niya ito makausap pang muli.
Sinusuntok ni Adrian ang sahig. Palakas nang palakas ang mga binibitawan niyang suntok. Nakararamdam siya ng sakit subalit wala ng mas sasakit pa sa katotohanang kinakaharap niya ngayon. Hindi mapapantayan ng kirot ng mga kamao niya ang nararamdaman niyang kirot sa puso. Tatama na sana ang huling suntok na pinakawalan niya nang bigla itong pinigilan ng lalaking tumulong sa kanya kanina sa pakikipaglaban sa mga zombies. Kaagad lumingon si Adrian sa lalaki.
"Bata, 'di ko alam kung ano nararamdaman mo pero sa ginagawa mong 'yan, siguradong mababalian ka ng buto sa kamay at baka hindi ka pa makalaban ng maayos niyan," sabi ng lalaki. "Hindi kita masisisi kung iiyak ka d'yan pero bibigyan kita ng trenta minutos para tanggapin ang reyalidad. Ito na ang mundo ngayon kung saan mamamatay ang mga mahihina at ang mga malalakas lang ang makakaligtas."
Nanlaki ang mga mata ni Adrian. Tinignan niya ang lalaki na may namumuting buhok at may namumuong kulubot ng balat sa gilid ng mga mata. Hindi maikakaila ang mga senyales ng kantandaan ng lalaki ngunit matipuno pa rin ang pangangatawan nito na parang matayog na puno. Bakas sa mga balikat nito ang mga malalaking peklat na nakalitaw dahil sa suot nitong puting sando.
Muling napa-isip si Adrian dahil sa sinabi ng lalaki. Tumayo siya mula sa pagkakaluhod saka pinunasan ang luha mula sa namumugtong mga mata. Naisip niya na tama ang sinabi ng lalaki. Kailangan niyang tanggapin ang mga nangyayari kung gusto niyang mabuhay. Dapat maging matatag siya.
"Tignan nga natin 'yang kamay mo, baka napa'no na 'yan." Isang babae ang lumapit kay Adrian. Ito ang babaeng tinulungan ni Adrian para makapunta dito sa hardware store ng lalaki. May mahaba itong buhok na umaabot sa balikat nito. Katamtaman lamang ang pangangatawan ng babae at kayumanggi ang balat nito. Tinignan ng babae ng kamay ni Adrian at minasahe ang kamay ng binatilyo.
"Mabuti at hindi napilay 'tong kamay mo," sabi ng babae.
"Ano ng gagawin natin? Dumadami na ang mga zombies sa kalsada. Makakalabas pa ba tayo dito sa tindahan mo, kuya? Wala akong balak mamatay dito."
Isa na namang babae ang nagsalita. May kaliitan ang babae, mas matangkad pa si Adrian ng ilang dangkal sa kanya. Maganda ang babae. May mahaba itong buhok na umaabot hanggang sa likod nito. Matangos ang ilong at may mapupungay na mga mata. Maputi at makinis ang kutis nito. Mahahalata sa kanyang pananalita ang pagiging edukada.
"Ako nga pala si Roger. Sarge ang tawag ng mga tao dito sa lugar namin dahil isa akong retiradong sundalo at beterano sa mga sagupaan sa Mindanao. Kayo, anong panagalan niyo?" Maayos na nagpakilala si Roger sa kanyang mga kasama.
Sumunod na nagpakilala ang babaeng humihilot sa kamay ni Adrian. "Ako si Tala, nurse ako sa Saudi, kauuwi ko lang kahapon."
Napabuntong-hininga ang babaeng may kaliitan. Dismayado ito dahil wala man lang sumagot sa kanyang tanong. Napalitan na lang itong magpakilala.
"I'm Vaseline, Project Supervisor ako sa isang outsourcing company."
Napatingin silang tatlo kay Adrian. Hinihintay nilang sumagot ang binatilyo. Napansin ni Adrian na nakatingin sa kanya ang mga kasama niya kaya dali-dali siyang nagsalita.
"A-ako po si Adrian, service crew po ako sa Jollibe."
"Hindi ka nag-aaral?" tanong ni Roger na tila napakunot-noo dahil sa nalaman kay Adrian.
Tanging iling lang ang isinagot ni Adrian sa kay Roger. Nakaramdam naman siya ng hiya dahil sa kanyang isinagot.
"Hey! Ano ba? Tapos na ba tayo sa introduction? Ano ng gagawin natin? Wake up, guys!" Naiiritang sabi ni Vaseline habang pilit naghahanap ng sagot ang babae mula sa mga kasama.
Muling tumingin si Roger sa kalsada na napupuno ng mga dugo at natitirang mga lamang-loob ng ibang mga tao. Lumingon siya sa mga kasama niya saka nagsalita.
"Magpahinga na muna kayo, sasabihin ko sa inyo ang plano ko."
ITUTULOY...
BINABASA MO ANG
Philippine Outbreak
HorrorKahirapan, Korapsyon, Traffic, Baha, Unemployment, Prostitution, tambak na mga basura at kung ano-ano pang mga problema ang kinakaharap ng mga Pilipino. Paano kung sa isang iglap. Sa isang kisap-mata. Ang bansang kinalakihan mo - ang mundong kinagis...