Pagsuko II

8.1K 72 8
                                    

Ngayon ang pasahan ng research paper na siyang dahilan kung bakit hindi ako nakatulog kagabi. Kahit antok na antok ay pinilit ko pa ring maligo at pumasok ngayong araw. Sumasakit ang ulo ko dahil siguro sa kakulangan sa pagtulog.

Sinuot ko ang uniporme ko na isang blusang puti at may ribbon na kulay maroon at pencil skirt na kulay maroon din. Habang pinapatuyo ang aking buhok sa harap ng electric fan ay biglang tumunog ang aking cellphone kasabay ng pag-vibrate nito. Isang mensahe mula kay Jason. Binuksan ko ito.

Good morning, baby. See you later :)

Agad akong nagtipa ng reply ko sa kanya. Pagkatapos ng sampung minuto ay bumaba na agad ako. Sinalubong ako ng aming maid at binati.

"Good morning Mia. Kakain ka ba?" Tanong nito.

"Ah hindi na muna. Mahuhuli na kasi ako sa klase ko." Tipid kong sagot at nagpatuloy sa paglakad palabas sa aming pintuan.

Naglakad ako papuntang terminal ng UV Express. Mabilis namang napuno ang UV dahil mag-aalas nuebe ng umaga at marami ring estudyanteng papasok sa Maynila.

Sa tatlumpung minuto ng aking byahe ay ito lamang ang naging pagkakataon ko para makaidlip kahit papaano. Nagising na lamang ako sa kalabit ng aking katabi na indikasyon na nakarating na kami sa terminal ng UV na malapit sa kolehiyong aking pinapasukan. Bumaba na ako at naglakad papunta sa gate ng aking paaralan.

Sa gilid nito ay nakita kong nakahalukipkip si Jason at nakasandal sa pader. Suot niya ang unipormeng panlalaki na isang polo na kulay puti at ang necktie na kulay maroon. Kapares nito ang slacks na itim na hapit na hapit sa kanya. Nagtama ang aming mga mata. Itinaas ko ang aking kanang kamay at kinawayan siya. Isang ngiti lamang ang kanyang naging tugon.

Lumapit ako sa kinaroroonan niya.

"Kanina ka pa?" Tanong ko.

"Medyo lang." Sagot niya at kinuha niya ang bitbit kong manipis na filecase.

Naglakad kami papunta sa School of Medicine na building nang walang imikan. Pakiramdam ko kasi ay pagod na pagod ako at kahit simpleng pagkausap ay tila mas nakakadagdag ng aking pagod. Huminto kami sa elevator at pinindot niya ang ika-pitong palapag.

Pag pasok sa elevator ay naramdaman ko ang mainit na kamay ni Jason. Pinagsalikop niya ang aming mga daliri. Ganoon lamang ang posisyon namin hanggang tumunog ang elevator na hudyat na nakarating na kami sa palapag kung saan ang una kong klase. Binitawan niya ang aking kamay at naglakad na kami papunta sa room 705.

Narating namin ang pintuan ng room. Hinalikan niya ako sa noo at inabot ang filecase ko na binitbit niya kanina.

"I'll fetch you later, okay?" Sabi niya ng may awtoridad na tono.

"Okay sige." Tipid kong sagot at pumasok na sa room.

Ganoon lang palagi ang buhay namin ni Jason sa unibersidad. Ang kinukuha niya kasing kurso ay Civil Engineering samantalang ako ay Pyschology. Bihira lamang kami magkita ni Jason sa paaralan dahil magkaiba kami ng building. Kapag lunch break naman ay hindi rin kami sabay sapagkat magkaiba ang aming break ngayong term. Hindi naman malaking bagay iyon para sa akin dahil kailangan naming unahin ang pag-aaral.

Nakakapagod ang naging takbo ng araw ko ngayon. Gustong gusto kong matulog sa lahat ng klase ko ngayong araw ngunit pinigilan ko bilang respeto sa aking mga propesor.

Alas sais na ng hapon at tumunog na ang bell bilang hudyat na tapos na ang huli kong klase. Sumukay na ako sa elevator. Pagkababa ay naglakad na ako papuntang Freedom Park kung saan kami palaging nagkikita ni Jason pagkatapos ng aming klase.

Nakita ko siyang nakaupo sa isang bench sa gilid ng malaki ngunit matandang puno. Hawak niya ang kanyang cellphone at abalang-abala siya rito kung kaya't hindi niya napansin ang paglapit ko.

PagsukoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon