Pagsuko III

5.3K 50 4
                                    

Mabilis na lumipas ang mga araw. Mahigit dalawang buwan na rin pala ang nakalipas simula noong anniversary namin ni Jason. Ito nga at malapit nang matapos ang terminong ito. Tatlong linggo na lang natitira sa kalendaryo bago ang hinihintay na bakasyon. Papalapit na ang pasko.

Nitong mga nakaraang araw ay masyado kaming naging abala ni Jason sa pag-aaral. Crucial year ko kasi ngayon dahil nasa ikatlong taon ko na sa kolehiyo. Samantalang si Jason ay graduating na. Pagkatapos ng term na ito ay magiging abala naman siya sa OJT. Madalas ay hindi na rin ako naiihahatid ni Jason dahil babad siya sa paggawa ng kanyang thesis. Ako naman ay abala sa paggawa ng patong-patong na research papers. Kahit nasa relasyon kami ni Jason ay alam namin kung ano ang kailangang mas bigyang pagpapahalaga – ang pag-aaral.

Naglakad na ako papunta sa tagpuan namin ni Jason. Umupo ako sa bench sa gilid ng puno. Inilabas ko ang aking cellphone at nagtipa ng mensahe para kay Jason.

I'm done na. Text ka kapag palabas ka na. :)

Pinindot ko ang send button. Habang naghihintay sa reply at paglabas ni Jason ay naglaro muna ako ng Wordscapes upang libangin ang aking sarili.

Napansin kong nagdidilim na. Lagpas tatlumpung minuto na rin ang nakalipas at hindi pa rin nagrereply sa akin si Jason. Kung tutuusin ay dapat kanina pa si Jason dito dahil mas maaga ng labinlimang minuto ang dismissal niya kumpara sa akin.

Ayaw ko rin siyang tawagan dahil baka gumagawa ito ng thesis at maistorbo ko lamang. Kaya nagtipa na lang muli ako ng mensahe sa aking cellphone.

Jace, where are you? Dito ko kanina pa sa bench.

Pinindot kong muli ang send button. Hindi ako sigurado kung nakauwi na ba siya at nagmamaneho na kung kaya't hindi siya nakakasagot sa aking mga text. Naisipan kong hintayin pa siya dahil baka nandito pa siya at may pinagkakaabalahan lang. Nagkasundo kasi kami na ihahatid niya ako pauwi ngayon.

Lumipas muli ang tatlumpung minuto at wala pa rin. Konti na lang ang tao sa Freedom Park at halos nag-uuwian na rin ang mga estudyante. Isang oras mahigit na rin akong naghihintay. Nagpasya ako na umuwi na lamang dahil baka matagalan pa siya sa kanyang ginagawa o kaya naman ay nakauwi na pala siya sa bahay at nakatulog. Hindi ko alam.

Binitbit ko na ang aking mga gamit at nagsimulang mag-martsa paalis sa Freedom Park. Kahit medyo naiinis dahil sa pagkasayang ng oras ko sa paghihintay, sinubukan ko pa ring pakalmahin ang aking sarili at pigilang magsimula ng away.

Sa may Central Building na lang ako dadaan dahil mas malapit ito sa gate kung saan kakaunti na lamang ang lalakarin ko papunta sa terminal ng UV Express. Habang naglalakad sa gilid ng Central ay may nakabangga sa akin.

"M-mia?" Aniya na parang nakakita ng isang multo.

Tinaasan ko lamang siya ng kilay bilang tugon.

"Bakit nandito ka pa? Diba kanina pa uwian mo?" Tanong ni Jason sa akin. Nairita ako bigla sa kanya.

"Diba may usapan tayo? Teka, asan ba kasi phone mo?" Pinipigalan ko pa rin ang aking sarili at sinusubukang manatiling kalmado.

"Ah-eh... Kasi ano. Nasa loob ng bag ko yung phone ko." Putol-putol niyang sagot.

"Kanina pa ako nagtetext hindi ka naman sumasagot." Reklamo ko at humalukipkip.

"Sorry na. May ano kasi. Tinatapos lang yung results and discussion part ng thesis." Sagot ni Jason at inakbayan ako.

"Sorry na. Tara na. Uwi na tayo." Malambing na sabi ni Jason at hinalikan ako sa aking sentido.

Medyo humupa ang pagkainis ko dahil naging panatag naman ako sa kanyang rason. Naawa pa nga ako dahil madalas ay ginagabi na siya para lang matapos niya ang kanyang thesis.

"Kunin ko lang gamit ko, baby." Ani Jason at kinalas ang pagkakaakbay niya sa akin.

"Okay. I'll go with you na lang." Suhestyon ko dahil gusto ko rin magpaalam ng pormal sa kanyang mga ka-grupo sa thesis. Naging kaibigan ko na rin naman sina Regan at Sid. Kasa-kasama ko sila kapag may lakad kami o di kaya'y nagkakayayaang mag-inuman kapag walang pasok.

"Ha?! No need babe. Dito ka na lang. Mapapagod ka pa!" Bulalas ni Jason at animo'y kabado sa aking sinabi.

"Fine." Tipid kong sagot.

Kagaya nang napag-usapan ay hinintay ko si Jason sa labas ng Central. Inabot din siya ng halos sampung minuto bago makabalik kasama ang kanyang mga gamit.

"Tagal mo naman kuhain." Reklamo ko.

"Ah... Eh kasi si Regan ang daming binilin na kailangang i-revise pa raw."

Hindi na ako kumibo at nagpatuloy na lang sa paglalakad papunta sa parking lot kung saan nakaparada ang kanyang sasakyan.

Tahimik lang kami sa kabuuan ng aming byahe. Hanggang sa marating na namin ang aking bahay. Kinalas ko ang seatbelt na nakapalibot sa akin.

"Thank you." Ani ko sabay halik sa kanyang pisngi.

"Welcome." Tugon ni Jason at sabay ngiti.

Lumabas na ako ng sasakyan bitbit ang aking mga gamit sa school. Pinasadahan ko ng tingin ang kotse ni Jason habang tumatakbo ito paalis ng street namin sa subdivision.

PagsukoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon