First love (III)

8 0 0
                                    

Nang gabi na 'yun..

Sana inintindi ko nang maige 'yung paliwanag mo kung pa'no nilalaro ang basketball. Sana rin minemorize ko lahat ng pagmumukha ng mga basketball players na yun na isa-isa mong pinakilala sa'kin habang nanonood ng game sa TV. Sana man lang, naging bahagi rin ng buhay ko 'yung ilan sa mga hilig mo.

Sana rin tinawanan ko lahat ng jokes mo, at nagkomento rin sa lahat ng opinyon mo sa kung anu-anong mga bagay-bagay. Sana nakapagpayo ako sa'yo tungkol sa mga inihambalos mong bitterness sa buhay para naman kahit papano naramdaman mo 'yung pagiging kaibigan ko sa'yo.

Sana tinanggap ko 'yung inaalok mong yosi kahit hindi ako maalam kung paano hihithitin yun. At least man lang, ma-experience ko at masubukan 'yung pinagyayabang mong nabubuong "art" kuno sa mga binubuga mong usok.

Sana mas sinayahan ko pa 'yung paghihilahan natin ng kumot. Sana nilakasan ko pa yung tawa ko para malaman mo kung gaano ako kasayang kasama ka. Sana tinodo ko pa 'yung pangingiliti sa'yo. Kung alam mo lang na musika sa'kin ang bawat paghagikhik mo.

Sana hindi ako nahiyang kantahan ka ng "Kundiman" ng Silent Sanctuary. Kahit man lang sa awitin na 'yun, mabigyan ko ng tono ang nararamdaman ko para sa'yo.

Sana hindi ko winaglit 'yung titig ko sa'yo maski isang segundo. Sana minemorize ko ang buong anatomy mo. Sana mas hinigpitan ko pa yung yakap ko sa'yo; mas diniinan ang bawat halik. Sana pinadama ko sa'yo na sa piling ko, never mo mararamdaman ang pag-iisa at pangungulila.

Sana kinuhanan kita ng picture habang natutulog para naman kahit papa'no may maitatago akong alaala mo.

Sana na-record ko ang paghihilik mo.

Sana ninamnam ko pang maige 'yung bigat ng dantay mo sa 'kin, 'yung higpit ng yakap mo, 'yung init ng palad mo habang nakahawak sa pisngi ko.

Sana habang nilalaro ko ang tenga mo ay naibulong ko sa'yong mahal kita.

Sana napanaginipan mo ako.

Sana hindi ako nakatulog.

Kung alam ko lang na iyon na ang huling gabing makakapiling kita, eh di sana nag-extend pa tayo ng another 12 hours.

Hinding hindi ko makakalimutan yung titig mo na yun the last time na nagkita tayo. Ewan ko pero para kasing nanunuot, na parang may binabasa ka sa mga mata ko, parang sa pamamagitan nun e magagalugad mo ang kalooban ko, kung anong dina-digest ng bituka ko, kung ano nga ang nararamdaman ko that very moment. Sinubukan ko lumaban, tinitigan din kita na parang nagtatanong, "bakit ka ganyan makatingin?". Pero walang salitang namutawi galing sakin, agad din ako nagbawi ng tingin. Ewan, siguro natakot ako na baka mabasa mo nga ang ayoko ipabasa sayo.

Pagkatapos, hinawakan mo kamay ko. Mahigpit. Yun na ata yung pinakamahigpit mong hawak sakin. Tapos yumuko ka na, habang hawak hawak pa rin ang kamay ko. Pinagmamasdan lang kita.

Parang antagal ng moment na yun for me. Nakaupo tayo pareho sa loob ng 7eleven, bandang alas-tres ng madaling araw. Hawak mo kamay ko habang nakayuko na parang ewan. At titig na titig lang ako sa ginagawa mo. Hahay, lasing ka na naman at umiikot na siguro paningin mo.

"Na-miss kita."

Nagulat ako pero syempre di ko pinahalata. Sabay sabing "Weh?!"

"Oo nga. Ikaw ba, di mo ko miss?"

Lintek, ang cute mo magpa-cute. At ayun, nasilayan kong muli ang dimples mo. Hay jusko, nalaglag ang puso ko.

"Hindi noh, asa ka!"

At ngumiti ka lang. Di mo na ko pinilit umamin. Marahil dahil nabasa mo na nga sa mga mata ko na kanina pa kita gustong dambahan ng sang milyong yakap at halik.

ONE SHOT COLLECTION♡♥Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon