2. Mr. Sungit

8.2K 221 19
                                    


Sabik na sinuso ng sanggol ang tsupon ng feeding bottle na hawak ni Sarah. Napapangiti siya tuwing pagmamasdan ang inosenteng mga mata nito na nakatingin sa kanya. Para bang tanggap ni Chesie na siya na ang ina nito.

Tatlong araw na sa kanya ang bata. Sa mga nagtatanong na kapitbahay ay sinasabi na lang niyang inampon niya ito. Hindi siya nag-e-elaborate. Mabuti na ang ganoon upang makaiwas sa posibilidad na may makaalam ng tunay na pagkatao ni Chesie.

Tanging sa Tita Sophia niya ipinagtapat ang totoo. Sinang-ayunan naman ng tiyahin niya ang kanyang pasya na kupkupin si Chesie. Nangako pa ito ng suporta para sa bata. Biniro pa siya nito. Puwede na raw siyang tawaging “makabagong ina ng laging saklolo,” una sa lola niya, at ngayon naman ay kay Chesie.

Bago sila maghiwalay ng Ate Ruffie niya ay tinanong niya kung kailan sila magkikita nito. Wala na raw itong balak na bumalik pa sa Marbel. Hindi na raw nito babalikan ang sanggol. Ariin na raw niyang tunay na anak si Chesie. Sa katunayan, na labis niyang ipinagtataka hanggang ngayon, ay may iniwan itong rehistro ng sanggol sa kanya. Pangalan  niya ang nakalagay na ina ng bata.

“Wow! Ubos mo na agad? Ang lakas namang dumede ng baby ko.”

Tumatawa ang bata habang kinakausap niya. Napakaganda talaga nito. Sayang at magulo ang buhay ng mga taong pinagmulan nito.

Ngunit sa piling niya, sisiguruhin niya na magiging isang mabuting tao ang bata. Ipamumulat niya rito ang takot sa Diyos at pagmamahal sa kapwa. Aariin talaga niyang anak ito.

Hinalik-halikan ni Sarah ang matambok na pisngi nito at pagkatapos ay bumaba na siya ng hagdan. Lumabas sila ng bahay at pinaarawan niya ito sa tapat ng kanyang silid.

Habang naroon sila ni Chesie ay napuna niyang may mga nagsisipagtrabaho na pala sa katabi nila. Nakapatas ang mga hollow blocks, kahoy, bakal, buhangin at semento sa isang lugar. Nakikita sa gawi niya ang loob ng giba nang bahay. Palibhasa ay may malaking puwang sa pagitan ng yero at sawaling nakabakod doon.

Hindi pa sila nagtatagal doon ni Chesie nang may humintong kotse sa tapat ng ginagawang bahay. Isang lalaki ang bumaba mula roon. At kahit na nagpatubo ito ng balbas at bigote, hindi niya makakalimutan ang mukhang iyon.

“Mon...” wala sa loob na nausal niya.

NAGTULOY sa loob ng site ang lalaking nakita ni Sarah. Kinausap nito ang isang lalaki na sa tingin niya ay siyang foreman doon. Pagkatapos ay nag-ikot ito roon.

Pormal ang ekspresyon ni Harmon. Mukhang istrikto ito. Samantalang ang Harmon na nakita niya noon ay isang masayahin at palangiting lalaki. And he had his smile for only one woman...

Napakaguwapo pa rin nito. Hindi kumupas iyon sa loob ng mahigit dalawa at kalahating taon mula nang huli niyang makita ito. Medyo makapal ngunit makurba ang mapupulang labi nito na katulad ng sa Hollywood actor na si Brendan Fraser.

Noon, ang mga mata nito ay makikislap na parang laging excited. Bukas ang mukha nito na parang laging nag-aanyaya ng pakikipagkaibigan. Sa kabuuan ay charismatic ang personalidad nito.

Noon iyon. ibang-iba na ito ngayon. Napalitan na ng kapanglawan at kapormalan ang dating bukas na mukha nito.

Nang uminit na ang sikat ng araw ay ipinasok na niya ang bata sa loob. Nagtuloy sila sa kanyang silid.

Hinagilap kaagad niya ang kanyang cellphone. Nag-text siya kay Ayanna. Ikinuwento niya rito ang tungkol kay Harmon.

Hindi makapaniwalang tinawagan pa siya nito. “Are you sure, si Mon nga ang nakita mo diyan?” hingi ng kompirmasyon nito.

Braveheart Series 8 Harmon Abreira (Masquerading Cynic) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon