3. Bistado

7.3K 191 9
                                    

3

Naagapan ang trangkaso ni Chesie. Dalawang araw lamang na nanatili ito sa ospital at nailabas din kaagad ni Sarah.

Alanganin siya na pumasok sa art class na pinagtuturuan. Si Ging ang pumilit sa kanya na pumasok na. Magaling na naman daw ito at sandali lang naman daw siyang mawawala. Babantayan daw nitong mabuti si Chesie.

Napilitan na rin siyang pumasok.

Tulad ng inaasahan niya, karamihan sa kanyang mga estudyante ay kasing-edad niya kung hindi man mas matatanda pa sa kanya.

Isang lalaking estudyante, si Pal Godinez, ang nagpakita kaagad ng interes sa kanya. Guwapo ito, matangkad, marahil ay nasa late twenties na, at mukhang palakaibigan.

Estudyante niya ito sa huling session niya. Nang pauwi na siya ay naabutan niya itong nag-aabang sa labas ng school building.

Lumapit kaagad ito nang makita siya. “May kasabay ka ba, Miss Posadas?” nakangiting tanong nito.

Gumanti naman siya ng bahagyang ngiti. “Wala. Magta-taxi na lang ako pauwi.”

“May dala akong kotse. Puwede kitang idaan sa bahay ninyo.”

“Huwag na. Malapit lang naman ang sa amin.”

“Hihiyain mo pa ba naman ako?”

“No, hindi panghihiya ang pagtanggi ko. Tinitiyak ko lang na walang masasabi sa akin ang school board habang nagtuturo ako sa eskuwelahang ito.”

“Pero wala naman sigurong masama kung—”

May parating na tricycle at pinara niya kaagad iyon. Hindi na siya makapaghihintay pa ng taxi. “Sige, Mr. Godinez, maiwan na kita.”

“'Bye, Miss Posadas.” Kumaway pa ito sa kanya.

Mula noon, tuwing may klase ito sa kanya ay pirming nagpiprisinta ito na ihatid siya pauwi. Iisa lang naman ang isinasagot niya rito ngunit patuloy pa rin ito sa pag-aalok. Hindi niya alam kung likas talagang na makulit ito o nakakatuwaan lang siya.

Nagpatuloy na ganoon hanggang isang gabi ay sinundan nito ang tricycle na sinasakyan niya.

Napapailing siya nang pagbaba niya sa tricyle ay lapitan siya nito. “What do you want, Mr. Godinez?”

“Wala na tayo sa loob ng classroom. At malayo na tayo sa school. Can we just drop the formalities at tawagin mo na lang akong ‘Pal?’ Tatawagin din kitang ‘Sarah,’ if you don’t mind.”

“All right, sa bahay na lang tayo mag-usap.”

Umagapay nga ito sa paglalakad niyang papasok sa bahay.

Nasa mga mata ni Ging ang pagtatanong nang pagbuksan sila nito ng pinto. Karga nito ang gising pang si Chesie.

“This is Pal, Ging,” pakilala niya sa kasama, “estudyante ko. Pal, si Ging, kasama ko rito sa bahay.” Nagbatian ang dalawa. “And this cute baby here is Chesie, my daughter.”

Nabawasan ang ngiti ni Pal pagkarinig sa sinabi niya. Hindi nito nagawang maupo agad sa sofa na itinuro niya rito. “I-I thought... Pero wala kang asawa?”

“Wala.”

Mukhang nakahinga ito sa narinig. Naupo na ito. Kinuha niya si Chesie kay Ging. Dinulutan naman sila nito ng malamig na mango juice.

“Nasaan ang ama ni Chesie? If you don’t mind my asking, that is.”

“Of course not. Patay na siya.”

“So, walang magagalit kung manliligaw ako sa iyo?”

“Meron.”

Nabura na nang tuluyan ang saya sa mukha nito. “Sino?”

Braveheart Series 8 Harmon Abreira (Masquerading Cynic) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon