Tatlo

8 1 0
                                    



   Hanggang sa isang araw, nahuli ako ni Mama sa aking kwarto na humihithit ng masamang uri ng gamot.


Pag-iyak.


   Tanging pag iyak ang tangi niyang nagawa. Humagulgol ng malakas. Hindi siya nag kumpas ng kaniyang mga kamay, hindi siya nagsenyas sa akin, hindi siya nagalit at nagsermon, sa halip ay humahagulgol siyang lumisan sa aking kwarto. Matapos matulala ay nakaramdam ako ng basa sa aking mukha..

Luha.


   Hindi ko namalayang nakaramdam ako ng sakit, hindi ko alam na may kakayahan pa pala akong umiyak. Ngunit pinunasan ko ito at ipinag kibit-balikat na lamang ang lahat ng nangyari.



   Kinabukasan ay pumuslit na naman ako sa kwarto ni Mama upang magnakaw ng pera. Nais kong mag-sugal ngayong araw.

  

    Ngunit sa aking pagka-gimbal ay nakita ko ang maputlang katawan ni Mama na nakaratay sa sahig ng kaniyang silid.

   Nakita ko ang kaniyang mga kamay na punong puno ng mga dugo, hindi kalayuan ay nakita ko ang isang kutsilyong malamang ay kaniyang ginamit. Napagmasdan ko ang mukha ni Mama, may mga natuyong luha ito at bakas sa mukha niya ang matinding paghihirap. Hind ko na alam ang ginagawa ko ng mga oras na iyon. Kung sumisigaw, nagwawala o lumuluha ba ako ay hindi ko alam.

   Namalayan ko na lamang ang mga pangyayari ng may lumapit sa aking pulis at iabot sa akin ang isang papel. Hindi ko ito nakuha agad dahil pakiramdam ko ay hinang-hina ako. Pakiramdam ko ay namamamhid ang buong pagkatao ko ngunit dala rin ng kuryosidad, sa hindi maampat na luha ay nanginginig ko itong kinuha ay binasa.





Anak,


   Masaya ka ba anak ko? Nasasaiyo na ang lahat ng gusto mo. Pero anong kapalit? Nagka ganiyan ka na anak ko.

   Kilala mo pa ba ang sarili mo? Alam kong malaking bahagi rin ang pagkukulang ko dahil hindi kita mapangaralan ng tama dahil hindi ako nakakapag salita. Oo anak, alam kong galit ka sa akin dahil ako ang dahilan kung bakit tayo iniwan ng Papa mo noong bata ka pa lamang, kaya tayo ganito, mahirap. Alam kong galit ka sakin dahil hindi ko maibigay ang mga gusto at hinihingi mo sa akin. Pero anak? Tinanong mo ba kung gusto ko? Ginusto ko ba anak? Ginusto ko bang iwan tayo ng Papa mo? Hindi lang ikaw ang nasasaktan, anak, ako rin. Si Mama rin nasasaktan kasi mahal na mahal ko ang Papa mo.

    Hindi ko rin ginustong hindi maibigay ang mga gusto mo. Anak, hirap na hirap na si Mama sa kaka trabaho para mapag aral ka sa mamahaling eskuwelahan, para mabili ang mga mamahaling damit na gusto mo, para mabili lahat ng pagkaing gusto mo, kahit ako, kahit hindi ko na mabili ang mga kailangan ko, kahit hindi na ako kumain sa loob ng dalawang araw maibili lang kita ng masarap na pagkain.

    Hirap na si Mama mag-trabaho ng walang sapat na pahinga anak pero hindi ako nagrereklamo dahil ginagawa ko lahat ng iyon para sayo, para matugunan ang lahat ng kailangan mo. Mula alas-sais ng umaga, nagtitinda si Mama ng almusal sa kanto. Alas-nuwebe hanggang alas-onse ay nagtitinda naman si Mama ng ulam, alas-dose naman hanggang alas-tres ng hapon ay nagiikot ikot na ako upang ilako ang nga meryendang hinango ko kay Aling Martha para makaubos agad ako, pagkatapos 'non, ay ang dalawang oras kong pahinga para makita ka at makausap, tanungin ng mga bagay-bagay na sinasagot mo ng pabalang.

    At simula naman alas-sais ng gabi hanggang alas-kwatro ng madaling araway security guard ako sa subdivision sa kabilang bayan kasabay ng pagtitinda ng balot. Araw-araw ko 'yong ginagawa para sayo, para mabigyan ka ng maayos na buhay pero bakit ganito naman anak? Alam mo ba anak, noong huli kitang makausap sa kwarto mo ay ibibigay ko na sana sayo ang teleponong pinapabili mo sa akin kasabay ng cake para sa kaarawan ko.

   Nakakatawa lang dahil aking kaarawan iyon ngunit ikaw pa ang aking bibigyan ng regalo. Dala ko na 'non ang teleponong pinag ipunan ko ng kay tagal, maging ang cake na nasa karton. Pero sa kasamaang palad, ay may isang lalaking humarang sa akin at tinutukan ako ng kutsilyo sa tagiliran, sinabing kung hindi ko raw ibibigay ang telepono ay sasaksakin niya ako...

   Nagmaka awa akong 'wag niyang kunin at 'wag niya akong saksakin dahil mawawalan ka ng kasama at para sayo ang regalong iyon, nagmakaawa ako anak. Takot na tako ako pero pinilit kong lumaban, hanggang sa sampalin niya ko dahilan ng pagka subsob ka sa semento at kuhanin ang teleponong regalo ko para sayo. Iyak ako ng iyak 'non anak, wala man lamang nakakita sa mga nangyari kaya umalis na rin ako bitbit ang cake nang may bigla namang limang bata ang makipag-agawan nito sa akin. Ayong ibigay pero lima sila anak, ang isang bata pa ay pinukpok ako ng bato sa ulo sanhi ng pagkatumba at pagkahilo ko kaya naagaw nila ang kahuli-hulihang regalo ko sana saiyo.

  Pero bakit naman ganon anak? Bakit walang halaga saiyo ang Mama? Araw-araw kitang tinatanong kung kamusta ka at kung pagod ka ba pero kahit isang beses anak, hindi mo tinanong si Mama kung pagod ba ako o kung kamusta na ako..

   Pasensiya kana anak kung huling beses na kitang matatanong, Miles.. anak ko.. kamusta ka na? Pagod ka ba anak? Kasi anak, si Mama, pagod na. Ayaw na ni Mama, suko na si Mama. Ayoko na anak. Ayoko na.

  Lagi mong tatandaang mahal na mahal kita anak at kahit hindi kapa humihingi ng tawad ay pinatawad na kita.


-Mama.

A letter to my daughterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon