September 4, 2016, Sunday, 8:00 AM
"Okay na mga gamit, Zach?" Tanong ng Mama ko. Nasa bahay kami at inihahanda ang mga gamit at damit ko at ipinapasok ang mga ito sa loob ng backpack. Si Papa ay naghihintay doon sa kotse. Pagkatapos kong maipasok ang lahat sa backpack ko ay isinukbit ko na ito sa aking likod. Maglilipat kami ngayon ng bahay. Ay hindi pala. Ako lang. Ihahatid lang ako nila Mama at Papa. Mabigat sa loob na naglakad ako palabas ng bahay papuntang kotse.
Si Papa ay kanina pa nasa loob ng kotse at nakaupo sa driver's seat. Nang makaupo na kaming lahat sa loob ng kotse, ako sa likod at si Mama naman ay katabi ni Papa sa unahan, ay pinaandar na ni Papa ang sasakyan.
Nakatulala lang ako. Paulit-ulit na nagp-play sa utak ko ang mga nangyari nung araw na iyon. Bumalik na naman ang sakit sa aking dibdib. Hindi ko matanggap. Hindi ko matanggap ang nangyari.
Hindi pa talaga namin bakasyon pero dahil sa nangyari ay pinagbakasyon ako ng school. Ako lang. Sila hindi. Ako lang...ako lang!
Ito na naman ang nangyayari sa akin. Nanginginig na naman ang buong katawan ko. Hindi ako makahinga nang maayos. Napapatirik ang mga mata ko dahil sa galit. Para akong sinasaniban sa sobrang panggagalaiti.
Alam niyo ang pakiramdam na gusto mong magwala pero hindi mo magawa dahil unang-una sa lahat, may makakakita at pangalawa, ayaw mo nang magwala nang dahil sa galit pero hindi mo na talaga mapigilan?
Ang pakiramdam na puro mali na lang ang nangyayari sa buhay mo?
Napatanong kung bakit sa dinami-dami ng tao sa mundo ay sa iyo pa ibinigay ng Diyos ang ganitong buhay? Bakit kakaiba ka? Bakit lagi na lang sa iyo ang pinakamalungkot na parte ng istorya?
Ganoon ang nararamdaman ko ngayon. Para akong napapaire sa mga ingay na nililikha ko dahil kanina ko pa pinipigil ang sumigaw. Ang likot-likot ko sa likuran. Pinipilipit ko ang mga paa ko. Tumitigas ang mga muscle ko sa katawan. Pinapasikip ko ang dibdib ko. Parang ayoko nang huminga.
Sa huli ay ipinadyak ko ang mga paa ko nang malakas sa sahig ng sasakyan. Agad nag-preno ang sasakyan. Naglikha ng ingay ang paghinga kong muli. Habol ko ito dahil sa matagal kong hindi paghinga.
Hindi pa rin ako umiiyak.
Hindi man ako tumingin kay Mama pati kay Papa na nasa unahan ng sasakyan dahil sa nakasandal ang ulo ko sa upuan at hindi pa sakto ang tangkad ng sandalan nito kaya nakatingala ako ay ramdam kong napalingon sila sa akin.
Lalo na ang galit na mukha ni Papa na nakaharap sa akin ngayon.
"Galit ka?! HA?!" Galit na sigaw ni Papa sa loob ng kotse. Nakakabingi ito dahil sa sarado ang lahat ng bintana kaya nakulong ang sound sa loob. Nailang ako kahit na hindi ako nakatingin sa kaniya kaya isinandal ko ang ulo ko sa glass window ng sasakyan at tumingin na lang sa tanawin sa labas. Unti ko pang iniharap ang mukha ko sa bintana at tuluyan ko na nga lang itinuon doon ang pansin doon para maiwasan kong mailang sa mga tingin na ipinupukol ni Papa sa akin. "Wala ka talaga."
Naramdaman kong humarap na si Papa sa manibela pagkatapos niyang sabihin iyon. Umandar muli ang sasakyan. Matatalim lamang ang aking mga paningin habang nakatingin sa labas. Nakabusangot ang mukha. Nakakunot ang noo.
Ganiyan lagi ang sinasabi nila sa akin. "Wala talaga." Wala lang ako. Wala lang... Okay lang. Sanay na ako...Sanay na ako...Sanay na ako.
Sanay na ako.
Ito na naman ako. Hindi na naman ako makahinga nang maayos. Ang sakit ng dibdib ko. Hindi ko na mabilang kung ilang mga problema, masasakit na mga salita, at mga alaala na parang mga matatalim na mga kutsilyo ang naiipong nakatusok sa puso ko na parang dart lang. Ang sakit...ang sakit sakit.
![](https://img.wattpad.com/cover/144369433-288-k49330.jpg)