"KAT, MAY I have a moment with you?" anang kasama niyang si Azenith o mas nakasanayan nilang tawaging Ace. Kumare niya ito dahil inaanak niya sa binyag ang unica hija nitong si Lian. Pero hindi naman nila nakagawiang magtawagan ng "mare".
Mukhang seryoso ito, ah, sa loob-loob ni Katrina at pagkuwa'y umupo sa kanyang swivel chair na kaharap ng mesang puno ng mga papel, layouts, old magazine issues, at mga crepe papers.
Simple lang ang kanilang opisina sa Sikatuna Village ngunit maganda at very creative ang interior decoration. Bahagi pa iyon ng bahay ng kanilang presidente na si Winona Guillermo. Ang bise presidente nilang si Charlyn Yap ay kasalukuyang nagbabakasyon sa Palawan.
Taong 1999 nang magsimula ang Bubuyog Storytellers Club. Dati raw iyong barkadahan na binubuo ng mga career-oriented people. Sampu ang orihinal na miyembro ng samahan na pawang mga writers, illustrators, at professors sa kilalang unibersidad sa Quezon City. Sa kasalukuyan ay nasa mahigit treinta na ang miyembro niyon bagaman ang aktibo lang ay wala pa sa disiotso.
"Okay ka lang?"
"Yeah..." nagugulumihanang sagot ni Katrina. "Ano nga pala'ng sasabihin mo?"
Naupo ito sa silyang nasa tapat ng kanyang mesa. Tulad niya ay nasa late twenties na rin si Azenith, single mom sa isang three-year-old na cute at hyperactive na batang babae—si Lian.
"I don't know how to say this... Pero nabalitaan mo naman na siguro."
"Ang alin?"
"Ang tungkol kay..." Halatang pinag-iisipan pa muna nito kung itutuloy ang sasabihin sa kanya. "Kay Roldan."
"What about him?"
Si Azenith at ang club nila ang naging daan upang makilala niya ang binata. Kabilang si Roldan sa mga orihinal na miyembro ng Bubuyog Storytellers Club.
Pareho sila ni Azenith na nagsusulat sa isang magazine na publisher din ng mga kuwentong pambata na ini-storytelling naman nila sa mga kabataan. Author din ang kaibigan ng dalawang kuwentong pambata na nai-publish na.
"Have you received an invitation?"
"What invitation?"
"Wedding invitation..."
Mabilis niyang nahulaan kung ano ang ibig nitong tukuyin.
Napakagat-labi ito. "I'm sorry..."
"Okay lang," kibit-balikat na sagot ni Katrina.
Sa totoo lang, hindi niya alam kung ano talaga ang eksaktong nararamdaman. Para kasing namanhid na lang ang kanyang pakiramdam mula nang gabing malaman niya kay Didith na dumating na sa Pilipinas ang kanyang nobyo na may kasamang magandang babae.
Nasaktan siya, nagalit. Ngunit isang gabi lang niyang iniyakan ang nangyari. Pagkatapos niyon ay pilit niyang ikinondisyon ang kanyang isip na huwag nang mag-dwell sa depresyon.
Ang payo nga sa kanya ni Didith ay makipagkita raw siya kay Roldan. Kailangan daw makipagliwanagan siya rito at komprontahin sa pagtataksil nito sa kanya.
Ngunit hindi niya ginawa iyon. At wala siyang balak gawin iyon sa mga darating na araw. Hindi niya alam kung bakit. Para ano pa?
Nais nga ba niyang maghabol kay Roldan? Gusto nga ba niyang ipaalam dito kung gaano kasakit ang ginawa nito sa kanya? Makakaya nga kaya niyang isumbat ang lahat-lahat, makaganti man lang kahit papaano sa ginawa nito sa kanya?
Basta ang alam ni Katrina, ayaw na niyang makita si Roldan. Period.
Kung kay Didith daw nangyari ang nangyari sa kanya ay maghahalo raw ang balat sa tinalupan.
BINABASA MO ANG
THE STORY OF US 1: KATRINA AND AIDAN Published under PHR #1836
RomanceMatagal nang pinanghihinaan ng loob si Katrina sa mga naririnig niya sa kanyang mga kaibigan tungkol sa estado ng relasyon niya kay Roldan-- ang boyfriend niyang nangibang- bansa. Kaya naman madali niyang natanggap nang malamang nakabalik na pala it...