"ANO'NG nangyari sa paa mo, Aidan?" usisa ni Rachel nang magtungo ang kapatid sa kanyang pad at makita nitong may benda ang isang paa niya.
Nagsasama na si Rachel at ang boyfriend nito sa iisang bahay. Tatlong linggo na lang at ikakasal na ang magkasintahan sa simbahan.
Napapadalas ang pagbisita ni Rachel sa kanya nang nag-iisa sa kabila ng pagbabawal dito ng kanilang mama na huwag mag-aaalis ng bahay kung hindi rin lang kasama si Roldan.
"Nasaan si Roldan?" usisa agad niya sa kapatid.
"May pinuntahan. Ayaw akong isama," tila batang nagmamaktol na sumbong nito.
Inabutan ni Aidan ng iced tea sa baso ang kapatid. Tinawag niya ang kanyang kasambahay na si Manang Conching at nagpadala siya ng baked macaroni para makapag-merienda ang kapatid.
"Wala ka yatang lakad ngayon?"
"May injury, eh."
"Napapadalas yata ang disgrasya mo, Aidan," nakasimangot na sabi nito.
Dalawang taon lang ang tanda niya kay Rachel. Lima silang magkakapatid—apat na lalaki at si Rachel ang nag-iisang babae. Kaya para sa kanila, ito ang baby ng pamilya. Sa kanilang apat, sa kanya pinaka-close si Rachel, palibhasa'y sila ang magkasunod nito kaya nagkakasundo sa lahat ng mga kalokohan noong mga bata pa sila.
Kaya naman noong mabigo ito sa pag-ibig, may dalawang taon na ang nakararaan ay ginawan talaga nila ng paraan na makalimot si Rachel. Kung hindi lang mortal na kasalanan, ha-hunting-in niya iyong nanloko't nagpaiyak sa kanyang kapatid. Nang magtangkang magpakamatay si Rachel sa pamamagitan ng pag-inom ng ilang tabletang sleeping pills, talagang balak na niyang hanapin ang lalaki upang patikimin ito ng lupit ng kanyang kamao.
Subalit nawala na parang bula ang boyfriend ni Rachel. Pero kung gugustuhin lang nila ng mga kapatid ay matutunton nila ang lalaki. Pero hindi na niya gusto pang pag-aksayahan ng panahon ang walang-kuwentang lalaking iyon.
Mas dapat nilang asikasuhin si Rachel na noong mga panahong iyon ay sobra ang nararamdamang depression. Nagdesisyon silang pagbakasyunin ito sa malayong lugar. Siya ang sumama rito nang magbakasyon ito sa Amerika, sa tita nila na naka-base sa Texas.
Hindi nagtagal ay may nakilala si Rachel sa isang party, isa ring Pinoy. Hanggang sa nakita na lang niyang unti-unti nang nakaka-recover ang kapatid. Bumalik na ang dati nitong sigla.
Hanggang sa ito na ang kumumbinsi sa kanyang bumalik na sa Pilipinas dahil napapabayaan na niya ang kanyang mga negosyo.
Iniwan niya muna si Rachel ngunit regular niya itong tinatawagan para kumustahin ang mga ginagawa nito. At nalaman niyang engaged na ito at ang Pinoy boyfriend nito.
Nais ni Rachel na umuwi na sa Pilipinas pero natatakot itong magyaya sa nobyo. Natatakot ito sa maaaring maging desisyon ng nobyo. Maganda kasi ang trabaho ni Roldan, malaki ang sahod. Isa pa, lahat ng mga kapatid nito ay naroroon na sa Amerika.
Nagpasya siyang kausapin si Roldan. Nais ni Aidan na makatiyak kung ano talaga ang plano nito para sa kanyang kapatid. At noon nito ipinagtapat sa kanya ang tungkol sa babaeng iniwan nito sa Pilipinas. Nagalit siya subalit tiniyak sa kanya ng binata na mas mahal nito ang kanyang kapatid at nakahanda itong pakasalan si Rachel.
Dahil sa malasakit at pagmamahal ni Aidan sa kapatid kaya nagawa niya ang gayon—ang siguruhing pakakasalan ni Roldan si Rachel. Siya na ang nagsabi kay Roldan na bumalik na sa Pilipinas kasama ang kanyang kapatid upang maidaos ang kasal ng mga ito at siya na ang bahala rito.
BINABASA MO ANG
THE STORY OF US 1: KATRINA AND AIDAN Published under PHR #1836
RomanceMatagal nang pinanghihinaan ng loob si Katrina sa mga naririnig niya sa kanyang mga kaibigan tungkol sa estado ng relasyon niya kay Roldan-- ang boyfriend niyang nangibang- bansa. Kaya naman madali niyang natanggap nang malamang nakabalik na pala it...