CHAPTER SIX

6.9K 160 5
                                    


PARANG alam na ni Katrina kung ano ang nangyari sa lalaki.  Sigurol sa gulat nito nang marinig ang kanyang sigaw  ay napabalikwas ito ng bangon at aksidenteng natabig ng paa  ang initan ng tubig at napabuhos dito iyong laman niyon.

My God! Ngayon lang niya naalalang naka-plug pa pala sa outlet ang initan ng tubig. Mabuti na lang at automatic na nag-o-off iyon kapag kumulo na ang tubig.

Gayunpaman, mainit ang tubig at mukhang grabe ang pagkakapaso ng paa ng lalaki.

Nakatingin si Katrina sa paa ni Aidan. Nakita niyang namumula iyon.

"Sana naisip n'yong hindi ligtas na ilagay ang initan ng tubig malapit sa higaan ng pasyente n'yo."

"I-I'm sorry..." tanging nasambit niya.

Marahas itong napabuga ng hininga.

"K-kailangan mo ng first aid."

"Hindi na. Uuwi na ako at baka kung ano pa'ng mangyari sa akin dito," matigas na pahayag nito at hinagilap ang hinubad na T-shirt sa ibabaw ng higaan.

"Hindi naman ako ang gagamot sa 'yo," iritadong ganti ni Katrina.  Ito na nga ang pinagmamalasakitan, pagsusungitan pa siya. Kasalanan ba niya kung aanga-anga ito at magugulatin?

"Dadalhin kita sa ospital."

Tiningnan siya ng lalaki nang pairap bago iika-ikang naupo sa couch.

Nakadama naman siya ng awa rito. Nadagdagan pa tuloy ang idinadaing nito sa katawan. Masakit na nga ang likod, nalapnos pa ang paa.

"M-makakalakad ka ba?"

"Bakit?" Masungit pa rin ang tono nito gayong kanina lang ay hindi man lang ito napikon kahit pinagsungitan niya.

"Aalalayan kita—"

"Huwag na. Huwag ka munang lalapit sa akin."

Umabot yata sa anit ang pagtaas ng kilay ni Katrina dahil kung makaasta ito ay para bang kasalanan niya ang nangyaring disgrasya rito.

Paika-ika itong humakbang.

Paano kung ihabla siya nito dahil sa nangyari?

Wala sa loob na hinabol niya ito at inalalayan sa isang braso.

"Pasensiya ka na..." nangingiming sabi niya.

"Naluto yata ang kanang paa ko," daing nito. "Mahapdi, ah."

Wala na siyang maisip na sasabihin sa lalaki . Napansin kasi niya na habang inaalo ay lalo yatang lumalakas ang loob nito na magtaray sa kanya.

"Siguro, sinadya mong sumigaw para manggulat talaga."

"Huwag kang magbibintang diyan."

"Mainit naman talaga ang dugo mo sa akin. Hindi ko alam kung bakit. May nagawa ba akong atraso sa 'yo?"

Hindi niya ito sinagot. "Kailangang madala na kita sa ospital para ma-treat 'yang paa mo. Huwag ka nang umangal dahil nagmamagandang-loob na akong gawin iyon sa 'yo."

"At ikaw ang magdadala sa akin?"

Nang-uuyam ang ngiti niya. "Ayaw mo?"

Humugot ito ng malalim na hininga. "Ngayon pa nangyari ito kung kailan hindi ako nagdala ng kotse."

"Bakit, kaya mo bang magmaneho na ganyang lapnos ang paa mo?"

"Kakayanin ko basta makarating lang agad sa ospital. Ayoko pang mamatay."

THE STORY OF US 1: KATRINA AND AIDAN Published under PHR #1836Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon