Part 5

485 22 2
                                    


PURO PUTIK NA ANG MGA paa at tsinelas ni Hera. Umulan kasi kagabi at dahil wala namang sementadong kalsada kanilang barangay, puro putik at tubig-baha na naman sa lugar nila. Maputik kapag umulan, maalikabok naman kapag tag-araw. Sabi ng mga naririnig niya sa mga kapitbahay nila kapag nag-uusap ang mga iyon, iskwater daw kasi sila kaya hindi na sila pinapansin ng mga nasa barangay. Pero tuwing may botohan naman kapag eleksyon, marami siyang nakikitang mga nangangampanya sa kanilang lugar. Ilang beses din niyang narinig sa mga nangangampanya na iyon na aayusin ang lugar nila kapag ibinoto ang mga ito. Pero hanggang ngayon, ganito pa rin ang lugar nila. Kaya nasanay na lang silang mamuhay sa kahit na ano pang itsura ng kanilang lugar.

Wala namang reklamo si Hera. Namulat na siyang ganito ang kanilang lugar at dito na siya lumaki at nagka-isip. At kapag naman hindi niya masyadong nagugustuhan ang nakikita niya, ginagaya na lang niya si Anne Shirley of Green Gables.

Huminto siya sa paglalakad at tiningnan ang kanyang paligid. 'Yung mga puno na parang naghihingalo na dahil iilang dahon na lang ang meron ang mga ito at mukha pang pinagkaitan pa ng ganda, sa paningin ni Hera ay parang nagkabuhay ang mga ito salamat sa patak ng ulan kagabi. Parang mas naging berde ang kulay ng mga aandap-andap na dahon. Tapos kapag natatamaan pa ng sikat ng araw ang tubig na natira sa mga dahon, parang kumikislap pa ang mga ito sa paningin ni Hera.

Masaya siya para sa mga punong iyon. "Masarap maligo, hindi ba?"

Walang mga tao sa kalsadang iyon. Wala ring mga bata na madalas na naglalaro doon. Siguro kasi maputik nga, at baka nasa eskuwelahan pa ang karamihan sa mga iyon.

Libreng-libre si Hera na mangarap.

Sa kanyang paningin ay nagbago ang lahat sa kanyang paligid. Ang pangit, maputik at baku-bakung kalsada na nilalakaran niya ay naging isang maliit na ilog na tahimik na dinadaluyan ng malinis na tubig. Na gaya ng mga dahon ng puno sa gilid niyon, kumikislap din ang tubig sa ilog kapag tinatamaan ng sinag ng mayuming sikat ng araw. Nag-umpisang tumalon-talon si Hera sa mga bato roon, habang sa imahinasyon ay inaabot ng malamig na tubig ng ilog ang mga paa niya. Patuloy siya sa pagtalon-talon habang patuloy din ang pagganda ng kanyang paligid. May mga ligaw na halamang namumulaklak na sa gilid ng ilog, at may mga maliliit na isda na ring lumalangoy doon. Habang sa itaas ng mga puno ay maririnig ang mga ibon na masayang humuhuni sa mga sanga ng punong may mayayabong nang dahon.

Sa isang iglap, nagbago ang paligid ni Hera. At sa kanyang tabi, kasabay niyang nagtatampisaw sa mababaw na ilog, naroon si Anne Shirley, ang paborito niyang bata sa paborito niyang libro. Tumatawa rin ito at masayang naglalaro sa tubig. Si Anne Shirley, ang naging kaibigan niya at laging kasa-kasama sa tuwing nararamdaman ni Hera na nag-iisa siya. Si Anne Shirley na nakilala niya sa librong buong puso niyang binasa ang bawat salita sa mga pahina niyon.

Si Anne Shirley...na ngayon ay naibalik na niya sa totoong nagmamay-ari rito.

Pero sa isip ni Hera, mananatili ang pagkakaibigan na namuo sa kanila ng makulit, masigla at masayahing bata na nakilala niya sa pinakapaborito niiyang libro sa buong mundo. At gaya nga ng sabi ni Anne Shirley, masyadong malaki at masaya ang mundo para maging malungkot. Kaya nagpatuloy siya sa buhay, at sa masayang mundo na binuo niya sa kanyang imahinasyon sa tulong ni Anne Shirley.

Ipinatong ni Hera ang bitbit na bilao sa kanyang ulo saka tumalon-talon uli sa mga bato sa dinaraanan niya, habang hindi niya mapigilan ang mapahagikgik sa tuwing tatalsik ang tubig sa paanan niya. Hanggang sa makarating siya sa isang kanto at lumiko siya roon. Sinalubong siya ng hilera ng mga barong-barong at mga tao na kanya-kanya ng pinagkakaabalahan sa buhay. Nakangiti lang na nagpatuloy sa paglalakad si Hera, dahil sa isip niya ay hindi pa rin naglalaho ang magandang mundo na kasama ang natatangi niyang kaibigan.

HOLY CROSS ACADEMY (on-going)Where stories live. Discover now