Part 3

694 21 2
                                    


BITBIT ANG BAYONG AT BILAO na pinaglagyan ng mga ibinenta niyang mga gulay sa puwesto nila ng nanay niya sa palengke, nagmamadali na si Hera na makauwi kaya lakad-takbo na ang ginagawa niya. May sakit kasi ang kanyang ina nitong mga nakaraang araw kaya siya na ang pumalit sa pagtitinda sa palengke. Excited si Hera na makauwi para maikuwento sa kanyang ina ang naging takbo ng unang beses niyang pagso-solo ngayon sa palengke. Kaya sa bagong tuklas na shortcut dumaan si Hera para mas mabilis siyang makauwi sa kanila.

Isa iyong pribadong daan na pag-aari ng isang exclusive highschool. Sa sobrang pagka-pribado niyon ay wala halos dumadaan doon na ibang uri ng sasakyan bukod sa mga mamahaling sasakyan ng mga estudyante. Mahaba ang kalsadang iyon na napapaligiran ng matataas na puno sa magkabilang gilid, kaya naman kinatutuwaan iyon ni Hera sa tuwing mapapadaan siya roon. Nakakadaan siya roon dahil suki na niya sa itinitindang turon at bananacue ang mga guwardiya ng paaralan na nagkataon namang kapitbahay nila ang isa sa mga iyon. At maliit lang naman daw kasi siya sa edad niyang dose anyos, kaya biro pa ng mga ito ay hindi na siya mapapansin ng mga tao sa loob ng eskuwelahan. Bukod doon ay sinabihan din siya ng mga guwardiya ng oras kung saan maaari siyang makadaan doon nang hindi nakikita ng mga estudyante o ng kahit na sinong empleyado ng eskuwelahan. Kaya tumitiyempo lagi si Hera sa oras dahil iyon ang pinakamalapit na daan patawid sa kanilang barangay na nasa kabila lang ng pribadong lupain na iyon.

Nagmamadali siya ngayon dahil malapit nang matapos ang palugit na oras na sinabi sa kanya ng mga guwardiya. At kapag hindi siya agad nakatawid doon, siguradong aabutin siya ng isang oras sa paglalakad sa kabilang daan. Hindi puwede. Kailangan niyang makauwi agad. Wala pa sigurong lutong ulam at kanin sa bahay nila dahil nga nakaratay sa sakit ang nanay niya. Magugutom ang kanyang ina at baka hindi pa makainom ng gamot sa tamang oras.

"Bilis, Hera! Bilis—aw!" Hilo si Hera nang bumagsak sa sementadong kalsada nang bumangga siya sa kung sino.

Ang maliit at patpatin niyang katawan ay walang panama sa katawan ng isang binatilyo na ngayon ay nakatayo na sa harapan niya na tila ba isang tuyong dahon ang tingin sa kanya na dumapo sa makinis at plantsado nitong uniporme.

Uniporme!

Doon lang napagtanto ng dalagita na estudyante ng pribadong paaralan ang nasa harapan niya ngayon. Hindi niya mapigilang humanga. Napasarap tingnan ng batang lalaki, napakaguwapo. Ilang buwan na siyang dumadaan doon, ngunit ngayon lang talaga siya nakakita sa malapitan ng estudyante mula roon. Totoo nga ang bali-balitang nasagap niya sa kanilang barangay tungkol sa napaka-pribadong paaralang iyon.

Ang mga pinakamayayaman lang ang nag-aaral doon.

Ang binatilyong ito ngayon sa harapan niya ang katunayan.

Pilit na tumayo si Hera, nang mapansin niya ang aklat sa paanan niya. Sa estudyante yata ang naturang libro, nahulog nang mabangga niya ito. Mabilis niya iyong dinampot at tumayo saka ibinigay sa bata.

"That's not mine," tanging wika ng estudyante na naglakad na palabas ng paaralan.

"Hindi rin sa akin ito," habol ni Hera. "Wala akong pambili ng kahit na anong libro, lalo na yung kasing ganda at kasing bago nito."

Tiningnan lang nito ang aklat. "It's dirty."

Sinipat ni Hera ang aklat. "Hindi naman, ah."

"You can have it." Iniwan na uli siya ng batang lalaki.

Naiwan si Hera na nakatayo lang at sinusundan ito ng tingin. Kung hindi pa niya narinig ang papalapit na ugong ng sasakyan ay hindi pa siya kikilos para magtago sa katawan ng pinakamalapit na puno. Pagkatapos ay lumabas na nga mula sa matayog na gate ng paaralan ang isang mahabang itim at napaka-eleganteng kotse. Huminto iyon sa tapat ng batang lalaki, at lumabas mula sa sasakyan ang dalawang unipormado ring matatangkad na lalaki. Saglit na kinausap ng mga ito ang batang lalaki na patuloy lang na naglalakad na tila ba walang naririnig. Walang nagawa ang mga tauhan marahil ng bata kundi ang sumunod sa likuran ng bata, habang naka-alalay din ang sasakyan sa mga ito.

HOLY CROSS ACADEMY (on-going)Where stories live. Discover now