Ikalabing-limang Hiwaga

784 24 14
                                    

Kadiliman. Katahimikan. Ang kamay niyang umaabot sa kawalan habang patuloy na tumatakbo sa hindi maipaliwanag na hangin o tubig. Kalawakan? Ito ba ang kalawakan? Wala siyang maramdaman. Wala siyang makita. Sumisigaw siya, ngunit hindi niya ito marinig. Pinilit niyang lakasan pa ang kanyang sigaw, ibinigay ang kanyang lahat at-

Dumilat. Liwanag. Bahagya siyang nakaluhod, ang kanyang kamay ay tila may inaabot. Napansin niyang basa ang kanyang mga mata at pisngi. Siya pala ay lumuluha. Pinunasan niya ang kanyang mga mata. Napansin niyang nakaharap siya sa salamin sa loob ng isang bilog ng asin, kandila sa kanyang harapan. Maliwanag ang paligid. Nasa loob na pala siya ng kanyang kwarto.

Lumingon siya sa paligid. Walang tao. Dahan-dahan siyang tumayo at pinagpag ang sarili. Ano’ng nangyari? Narinig niya ang sigawan ng mga batang pauwi na sa kanyang bintana. Kanya itong sinilip. “Yung assignment natin sa history!” Narinig niyang sigaw ng isa sa mga bata.

Ano’ng nangyari? Nararamdaman ng katawan niya ang buong pagod. Panaginip lamang ba ang lahat? Ngunit parang totoo ang lahat ng mga pangyayari.

Umupo siya sa gilid ng kanyang kama. Tinignan ang mga nakakalat na asin, salamin at kandila sa sahig ng kanyang kwarto. Tuliro, malalim ang iniisip. Blangko ang kanyang utak, at hindi niya alam kung saan magsisimula.

“Nandito na ‘ko!” Narinig niyang sigaw mula sa ibaba. Bumalikwas, nagmamadali niyang iligpit ang mga kagamitang nakakalat sa loob ng kwarto. Humarap siya sa salamin. Nagulat siya ng hindi niya makita ang sarili niya dito. Ikinurap niya ang kanyang mga mata. Isa. Dalawa. Tatlo, apat. At dahan-dahang lumabas ang kanyang mukha sa salamin. Maputla, mukhang pagod. Magulo ang buhok.

Inayos niya ang kanyang sarili, at agad na bumaba. Dumating na ang kanyang ina. Humalik siya sa pisngi nito. “Mukhang madami kang inasikaso sa eskwela, ang putla mo. May sakit ka ba?”  at pinakiramdaman niya ng palad ang noo nito. “Wala naman. Pero may dala akong sabaw. Halika at kumain na tayo. Magbibihis lang ako.”

Inabot niya ang sabaw at nag-ayos ng hapag. Nagtataka pa rin siya. Ano ang nangyayari? Panaginip lamang ba talaga ang lahat?

Lumipas ang magdamag at hindi siya kaagad nakatulog. Walang ibang laman ang kanyang isipan. Henry, nasaan ka na. Nandirito ka ba?

Mabagal siya na nag-ayos papasok sa eskwela. Wala siya sa kahit na anong kundisyon upang kumilos. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman. Ikukwento niya ito sa matalik na kaibigan mamaya.

Mabagal ang hakbang niya papasok sa kaniyang classroom. Walang nagbago. Normal ang lahat. Tinignan niya ang silya ng matalik na kaibigan, ngunit hindi pa ito dumarating.

“Wala pa si Nadi?” Tanong niya sa isang kaklase.

Nagtataka itong tumingin sa kanya at sinabing, “Sino si Nadi?”

“Ha?” Nagtataka niyang sagot. “Wala, wala.”

Lumipas ang araw at hindi niya nakita ang matalik na kaibigan. Ang mga kaklase, guro, at ibang mga kaibigan ay kanya ng tinanong, ngunit wala ni isa man na nakakakilala sa kaibigan. Isa ba itong biro? Kung ganon, hindi ito maganda.

Nagmamadali siyang umuwi at dumaan sa bahay ng kaibigan, at nagpatao-po. Nang bumukas ang pinto, isang hindi kilalang babae ang sumagot nito. “Ano iyon?”

“Nandiyan po ba si Nadi?”

“Walang Nadi dito. Umalis ka na.” Sagot ng babae sa kanya.

“Imposible. Dito siya nakatira.”

“Ang kulit mo. Walang nakatira dito na Nadi ang pangalan.” Sabay talikod nito at sinara ang pinto.

Masakit ang kalooban na tinahak niya ang daan pabalik sa kanilang bahay. Itatanong niya sa kanyang ina kung alam kung nasaan ang kaibigan.

Ang ilang minuto ng paghihintay ay parang ilang oras na lumipas, at ng makarating ang kanyang ina ay agad niya itong tinanong.

“Sino si Nadi? Wala akong kilalang Nadi. Wala kang nakukwento sakin.”

“‘Wag mo kong niloloko, ma. Seryoso. Kahit sa eskuwela ay hindi siya kilala.”

“Baka panaginip mo lang yan.” Tinapik siya nito sa balikat. “Tigilan mo na iyan.”

Naramdaman niya ang bahagyang pagkainis ng kanyang ina sa kanyang kakulitan, at itinigil na niya ang pagtatanong.

Bakit ganoon, parang hindi siya kilala ng lahat? Iba na rin ang nakatira sa kanilang tahanan. Nadi, nasaan ka na ba?

Naalala niya na nabanggit ng kaibigan na siya ay uuwi sa probinsiya ng magulang. Malapit lamang ito, at nagpaalam siya sa magulang sa kadahilanang may lakad silang magkakaklase. Pumayag ito sa kundisyon na babalik siya bago dumilim, o magsasabi kung siya ay magpapalipas o gagabihin.

Ng ang bus ay nakarating sa probinsiya ng kaibigan, unti-unting naging pamilyar ang mga lugar sa kanyang paningin. Nag-iba man ang kulay at ayos nito, ngunit nanatili ang lahat ayon sa kanyang nakita. Ang terminal ng bus. Ang mga daan. Tinahak niya ang landas patungo sa kubo, ngunit wala na ito doon. Naiwan ang mga halaman, at isa na lamang itong bakanteng lote.

Tumakbo siya patungo sa tulay sa parke kung saan huli niyang naalala ang lahat bago siya nagising. Dapat magkaroon ng linaw ang lahat. Sana ay isa lamang itong masamang panaginip.

Nakita niya ang isang lalaki, nakatayo sa mumunting tulay at nakatingin sa malayo. Pamilyar sa kanya ang itsura ng lalaki, saan ba niya ito nakita?

Napatingin sa kanya ang lalaki. Naluluha ang kanilang mga mata.

Sa malayo, ang araw ay nagpakalat ng kulay dugo na tila umaagos sa kalangitan.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 22, 2018 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Hiwaga #PHTimesAwards2019 #YourChoice2018Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon