Ikawalong Hiwaga

639 22 25
                                    

Natanaw niya na lumabas ang dalaga kasama ang binata. Hindi niya intensyon na manloob, gusto lamang niya makita kung ano man ang nasa loob ng kubo. Laging may liwanag ng kandila. Mga kakaibang salitang binibigkas at ang biglang pagliyab ng tila ba apoy pagkatapos. Nais niyang malaman kung anong kababalaghan ang ginagawa ng dalaga sa loob ng kubo.

Tinanaw niya ang dalawa hanggang sa mawala ito sa kanyang paningin, at dahan-dahang lumakad patungo sa pinto ng kubo. Nakita nya ang isang dream catcher na nakasabit rito. Ang kahoy na sahig na nababalutan ng lupa at lumot na animo'y nabubulok na. Iba't ibang klase ng mga halaman. Mga buto ng animo'y ibon na nagkalat sa paligid, mga tambak na kahoy na hugis krus na basa, nilulumot, at umaalingasaw.

Dahan dahan niyang itinulak ang pinto. Sa una'y bumara ito sa isang mumunting pako na nakausli sa isang sulok nito, na bahagyang bumaluktot ng itinulak nya ito ng mas malakas pa. Nag-iwan ito ng isang mahaba at malalim na gasgas sa mamasa-masa at unti-unting nasisirang sahig ng kubo.

Sumalubong sa kanya ang malakas na amoy ng mga bulaklak at dahon na nagpakati sa kanyang ilong. Matalas na inobserbahan niya ang paligid. Iba't ibang uri ng gamit na hindi niya maipaliwanag. Ngunit ang kumuha ng kanyang atensyon ay ang isang itim na salamin sa gitna ng isang bilog ng asin sa sahig, may mga iba't ibang kulay ng kandila na nakasindi. "Ano ito?" Tanong niya sa sarili.

Sa patuloy niyang pagmamasid ay natanaw niya ang isang itim na aklat na may pentagram sa harap. Hinawakan nya ito at hinaplos. Nalilito ngunit nahuhumaling siya sa mga nakikita.

Binuklat niya ang munting aklat, tinignan ang mga laman nito. Mga kakaibang guhit. Mga iba't ibang klase ng ritwal, mga kakaibang uri ng timplang gamot at marami pang iba.

Isang partikular na pahina ang kumuha ng atensyon ng binata. Nakasulat dito ang titulong, "Time Travel". May mga nakasulat, ngunit tila bang hindi pa tapos ang kabuuan nito. Putol ang instructions, at blangko ang ibang parte ng kagamitan at pahina.

Habang binabasa ang kabuuan ng ritwal, napansin nya ang ilang mga mali. Parang pelikula sa Hollywood tungkol sa paglalakbay sa panahon. Tila bang ang ritwal na nakasulat ay para masilip lamang at makilala ang iyong hinaharap. Imposible ang pisikal na makarating ka sa ibang oras at panahon. At sa hindi malamang kadahilanan, kinuha ng binata ang panulat, binura ang titulong "Time Travel"  at pinalitan ng "Kilalanin ang Iyong Hinaharap."

Nabasa ng binata ang pangangailangan ng abo at dugo sa ritwal. Hindi na kailangan ang abo at dugo, isip nya. Asin lamang at kandila ay sapat na. Tutal, pagsilip lang naman ito at imposible ang pisikal na paglipat ng katawan ng tao sa ibang oras at panahon.

Binura ng binata ang abo at dugo na nakalagay sa aklat, at pinalitan ng asin at kandila. Binasa nyang muli ang nilalaman nito at ng masiyahan, dahan-dahan niyang ibinalik ang aklat sa pinagkuhanan.

Maingat niyang isinara ang pinto, kinuskos ng marahan ang gasgas sa sahig sa pagbabaka-sakaling mabawasan ang lalim ng sugat nito sa kahoy.

Lakad-takbo siyang umalis sa kubo, dala ang kaisipan na kakalimutan ang ginawang pakikialam sa ginagawa at panloloob sa munting tahanan ng dalaga.

Hiwaga #PHTimesAwards2019 #YourChoice2018Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon