Ikasampung Hiwaga

582 22 10
                                    

Tumingin siya sa akin at marahang nagpunas ng luha. Marahil siya ay kasing-gulang ko lamang, at nakasuot ng unipormeng hindi pamilyar sa aking paningin. Mistulang may katagalan na siyang lumuluha, hindi maikubli ng pagpahid ng daloy ng luha ang pamamaga ng kaniyang mga mata. Ang kanyang buhok na hanggang balikat ay pinagpapawisan, marahil na rin sa paglalakad.

Sa aking pagtatanong, kanyang nabanggit na siya ay nawawala, at sa Welcome Rotonda daw siya nakatira. Nakapagtataka na siya ay napadpad dito dahil napakalayo ng lugar na iyon sa amin, at siya ay naka-uniporme lamang. Nakalulungkot at nakagagambalang isipin na ang isang katulad niya ay maliligaw sa lugar na ito.

Sinubukan kong alamin kung paano siya umabot dito sa aming lugar, ngunit kung ano man iyon ay hindi pa siya handang ibahagi ito sa akin.

Inalok ko siya na samahan papunta sa kanyang sasakyan. Nagbakasakali na rin na makukuha ko ang numero ng kanilang telepono. Sa una ay hindi siya pumayag sa aking alok. Hindi ko siya maiwan sapagkat wala sa kaniyang hitsura ang may kaalaman sa daan patungo at paroon. Ngunit kalaunan ay akin rin siyang napapayag gawa na rin ng aking pamimilit.

Minasdan ko ang hinhin ng kaniyang kilos, ang kaniyang paglalakad, mga kamay na nananatiling magkahawak sa kaniyang harapan. Ganito ba ang mga babae sa Maynila? Diyata’t iba ito sa mga nakikita ko sa telebisyon. At ibang-iba ito sa mga kababaihan dito sa aming lugar, lalong lalo na ang babaeng ipinagkasundo sa akin ng aking mga magulang. Sa aking paningin, mistula niyang napakalambot, isang bagay na aking dapat alagaan at proteksiyonan.

“Sandali lang po”, bigkas niya, “bibili lang po ako ng maiinom.”

“Sige,” tugon ko.

Binantayan ko ang kanyang likuran. Palinga-linga sa mga maaaring maging dahilan ng kahit na ano mang uri ng kapahamakan. Dangkasi'y tawag-atensiyon ang kaniyang ayos at kasuotan.

“Ate, tama naman po ang bayad ko. Fifty po ito.”

Nilapitan ko siya at tinignan kung ano ang problema. Ako ay nagtaka ng aking makita ang hawak niyang pera. Napansin ko kaagad na mayroon itong pirma ng isang Pangulo ng Pilipinas na hindi ko kilala, ngunit ito nga ay nagkakahalaga ng Limampung Piso.

“Ate, luma na po ‘yan. Ito na po ang bago” wika niya.

Ako ay nagtaka. Gawa sa Pilipinas ang kanyang salapi, ngunit iba ang pirma at hitsura nito. Kung ito ay isang huwad, hindi ko makita ang dahilan upang ibahin nila ang hitsura at pirma nito.

“Iba na ba ang pera sa Maynila?” Nagbaka-sakali ako na pinapalitan na ang salapi ng bansa, at nagsisimula na ito sa Maynila. Hindi ito ibinalita kailanman sa radyo o telebisyon, kaya marahil ay malayo ito sa posibilidad. Baka naman isa itong collector’s item? Tama. Ngunit kung gayon ay hindi niya ito gagamitin upang ipambayad sa isang tindahan sa probinsiya.

Pinilit niya na iyon ang bagong hitsura ng Limampung Piso. Iyon na raw ang tinatanggap sa buong bansa, at luma na ang aming ipinapakitang salapi.

Sa aking awa ay aking binayaran ang kanyang inumin. Kunot-noo niyang ibinulsa ang kaniyang salapi.

Maingat na aming binaybay ang daan patungo sa kanyang masasakyan. Nagpasalamat siya sa akin, at kahit hirap ang aking kalooban na siya ay iwanan, marahan kong ihinakbang ang aking mga paa upang tahakin ang landas pauwi. Isa siyang misteryo. Nais ko siyang kilalanin. At kahit na alam ko na hindi dapat, napansin ko sa aking sarili na mataimtim na ipinagdarasal na huwag siyang makauwi ngayong gabi. Na sana ay makita ko pa siya sa umaga.

Buong magdamag na naglaro sa aking isip kung sino siya at ano ang kanyang pagkatao. Ipinikit ko ang aking mga mata, dala ang pag-asang makikita ko pa siya bukas sa aking pag-labas.

Hiwaga #PHTimesAwards2019 #YourChoice2018Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon