I love watching movies.
Not because you told me to but because I loved it first.
Kada nanonood ako ng pelikula, lagi kong iniisip ang sarili ko na nasa eksena na 'yun. Paano kung ako 'yung bida? Paano kung ako 'yung nasa eksena na 'yun? Pano kung nangyari kaya sa totoong buhay 'yun?
Nagsimula akong maadik manood nun nung nagkaroon ako ng sarili kong laptop at internet connection. Katulad na iba pang millenials, natuto akong magdownload ng mga pelikula online. Short films, full-length, documentaries kahit mga music videos. Basta nagstrike sakin 'yung napanood ko, ida-download ko siya at itatago sa external hard drive ko.
Madalas din, kapag hindi ako nanonood ay hinahanap ko 'yung kanta sa pelikula at dinadownload ko din. Sabay lagay sa phone at pakinggan habang nasa biyahe, naglalakad, naliligo o minsan kapag nakahiga o nakaupo lang. Doon ako lulutang na naman sa mundo kung saan ako ang bida o kahit ako ang gumaganap. Minsan nga, binibitaw ko pa lalo 'yung mga linya o ginagaya 'yung mga ekspresyon kahit nasa C. R. lang ako.
Akala ko ako lang ang baliw sa ganun hanggang dumating ka.
May kasabay na ko manood at ikaw naman ang nagpakilala sakin ng mga international t.v. shows. Koreanovela, Japanovela, Hollywood T.V. shows kahit mga anime kasi nga matagal siya matapos...at marahil nga para may dahilan tayo magkita kinabukasan. O magkasama ng mas matagal pa.
Para tayong tanga nun at may kasama na kong maging baliw. Basta magkasama tayo, pinaguusapan natin 'yung mga paborito nating mga eksena at ginagaya pa natin sila. Nabubuhay tayo sa buhay ng iba, sa buhay na hindi totoo at gawa-gawa lang sa ating imahinasyon. Mga buhay na pinahiram lang din satin ng iba.
At pinahiram ka lang din pala sakin ng buhay. Katulad ng mga istoryang napanood natin, natapos din 'yung gawa-gawa nating istorya.
Dati naghahanap lang ako nun ng mga palabas na maganda o kakaiba pero ngayon, mga palabas na makakaintindi sakin na ang mga hinahanap ko. Dito ko nadiskubre na ginawa din pala ang mga ito hindi lamang magpahanga ng mga tao o magpukaw ng imahinasyon ngunit para meron ding madamay sa nararamdaman at napagdadaanan nila. Ngayon, ako na talaga ang bida sa istoryang nangyari sakin. Ngayon, mas ginugusto ko ng tumakas sa eksena na 'to; may direktor na magsabi ng cut or may credits na mag-roll. Siguro, plot twist na mangyayari at may happy ending pala. Pero hindi...totoo na 'to. Walang cut or transition na mangyayari para makawala sa eksenang 'to.
Ako ay isang aktor at ikaw ay isang aktres. Tayo ang manunulat at direktor ng ating buhay. Isang habambuhay na trabaho ng pagkukunwari at pagiisip. Isang pelikula na walang titulo, isang istorya na walang katapusan. Marahil may kasunod pa, marahil wala na. Ikaw at ako ang magdedesisyon, tayo ang maghihintayan.
Hanggang ngayon nangangarap pa rin ako. Pero darating ang araw, titigil din ako at gagawa ng panibagong pelikula. Marahil, magiging artista sa istorya ng iba. Marahil, magiging direktor ng istorya naming dalawa.
Muli.
O hindi na. Magpakailanman.