Araw ng miyerkules. Abala ngayon si Aling Perla, sa pag-aasikaso ng kanyang mga dadalhin na pagkain para sa kanyang anak na si Joseph. Sa buong linggo ay ang araw ng miyerkules ang pinaka-paboritong araw ng ginang, ito kasi ang araw kung saan maari niyang mabisita ang kanyang anak na nakakulong sa bilibid.
Maagang gumigising si Aling Perla para lumuwas ng kanilang probinsya. Linggo-linggo niyang pinag-iipunan ang pamasaheng kanyang gagamitin papunta sa Maynila, para mabisita lamang ang kanyang anak. Sa edad nitong limampu't lima, ay mababakas mo na ang katandaan sa pisikal na pigura nito. Kumpara kasi sa mga Ina na kasing edad niya'y malayong-malayo na ang itsura ni Aling Perla sa mga ito.
Ang kanyang balat ay bahagyang nasunog at maagang nangulubot dahil sa kanyang maghapong pagbababad sa sikat ng araw. Madalas kasing maglako ng kanyang itinitindang kakanin si Aling Perla sa kanilang kalapit bayan at uuwi ito nang takip silim para magbenta ng balot at penoy sa gabi.
Mag-lilimang taon na pamuhat nang makulong ang kanyang anak na si Joseph sa bilangguan, sa kadahilanang nasangkot ito sa isang ilegal na pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. Gustuhin mang ilabas ni Aling Perla ang kanyang anak sa nakakasulasok na piitan, ay hindi niya magawa dahil sa kakapusan at pagkasalat sa buhay.
"Magandang umaga po, Nanay Perla," nakangiting bati ng isang guwardiya na nakatoka sa oras na iyon. "Mukang masarap po ang dala niyo ngayong putahe." dagdag pa nito bago nagmano sa kamay ng ginang.
"Magandang umaga rin sa'yo, Donny. Heto, dinalahan na rin kita ng para sa'yo." magiliw na saad ni Aling Perla rito.
"Naku! Masarap na naman ang tsibog ko ngayong tanghalian." anito bago hinimas pa ang kanyang tiyan sa kagalakan.
"Sigurado akong magugustuhan mo ang niluto ko, paborito rin ng aking anak na si Joseph ang pritong isda at ginisang monggo, sigurado akong magugustuhan niya ito."
"Panigurado po iyon, Nanay Perla. Sige po, pumasok na kayo sa loob para makita niyo na si Joseph." ani Donny saka niluwagan ang bukas ng gate.
Nakangiting pumasok sa loob si Aling Perla at naupo sa isang bakanteng lamesa roon. Sa ilang minuto nang kanyang paghihintay, ay nasilayan niyang muli ang pigura ng kanyang anak. Mabilis siyang tumayo sa kanyang kinauupuan bago ito nilapitan, "Anak!" salubong niya rito bago hinagkan ng sobrang higpit ang tatlumpu't walong taong gulang niyang anak.
"Nay..." walang ganang saad nito bago humiwalay sa pagkakayapos ng kanyang Ina. "Anong dala niyo, nagugutom na ako." nakasimangot na turan nito bago naupo sa bangko na yari sa kahoy.
"A-anak, nagluto ako ng paborito mong putahe," wika ni Aling Perla bago inilabas sa kanyang bayong ang mga pagkain. "Heto, monggo at pritong isda. Alam kong naiibigan mo nang kumain niyan." magiliw na sambit ng matanda bago naupo sa katapat nitong upuan.
Sa ilang minutong pagmamasid ni Aling Perla sa kanyang anak, ay napansin nito na may mga pasa ito sa braso at putok na ang ibabang bahagi ng labi ng binata. Nag-aalalang hinaplos ni Aling Perla ang braso nang kanyang anak sabay sabing, "Napaano ang mga ito, Anak?" naluluhang saad nito, dahil ang pinaka-iingatan niyang anak ay nagalusan.
"Tsk! Wala 'to!" inis na anas ni Joseph bago sumubong muli ng pagkain.
"Anak, nag-aalala lang si Nanay. Napaaway ka ba sa loob?" saad ng ginang habang pilit na hinuhuli ang paningin ng binata.
"Sinabi nang wala to eh! Ang kulit niyo naman, Nay!" sa puntong iyon ay napasuklay na lang ng kanyang buhok si Joseph, dahil sa kanyang pagkabalisa.
Natigilan naman si Aling Perla sa pagbulyaw ng kanyang anak. Bagsak ang balikat na napayuko na lang ito, dahil iniisip niya na ibang-iba na ang Joseph na inalagaan niya noon, kumpara sa Joseph na kaharap niya ngayon.
Nang makita naman ng binata ang kalungkutan na bumalot sa kanyang Ina, ay mabilis napalis ang galit sa kanyang puso saka niya ito hinawakan sa kamay, "Pagpasensyahan niyo po ako, Inay. Hindi lang po maganda ang umaga ko, ngayon."
Mabilis namang hinawakan pabalik ni Aling Perla ang kamay ng kanyang anak sabay sabing, "Nauunawaan ko, Anak. Pasensya ka na kung makulit si Nanay. Hindi ko kasi matanggap na wala akong magawang paraan para mailabas ka sa bilangguang ito. At mas lalong masakit para sa akin ang makitang ganiyan ang itsura mo."
"Ayos lang po ako, Inay... Ako naman po ang may sala kung bakit ako napasok sa piitan na ito. Ang importante po ay magkasama tayo ngayon."
"Mahal ka nang Nanay, palagi mong tatandaan iyan." ani Aling Perla at sumilay ang isang ngiti sa kanyang labi.
"Mahal ko rin po kayo, Inay," wika ni Joseph saka ipinaghanda ng plato ang kanyang Ina. "Tara na po't sabay na tayong kumain."
Masayang nagsalo ng tanghalian ang mag-Ina, hanggang sa natapos na ang oras ng pagbisita sa bilibid, "Paano Anak, ako'y uuwi na sa atin. Ingatan mo ang sarili mo rito." pamamaalam ni Aling Perla bago hinagkan ang kanyang anak.
"Mag-iingat din po kayo Inay sa biyahe, mahal ko po kayo." pamamaalam ni Joseph dito.
Bago tuluyang makalabas ng gate si Aling Perla, ay muli niyang nilingon ang kanyang anak na si Joseph. Pinabaunan siya nito ng isang matamis na ngiti, bago kumumpas ang kanang kamay tanda ng pamamaalam nito. Kumaway naman pabalik ang ginang sa binata, at nakita niyang tumalikod na ito papasok sa kulungan kasunod ang isang guwardiya.
Hindi maintindihan ni Aling Perla kung bakit siya biglang kinutuban, sa hindi niya malamang dahilan. Nagkibit balikat na lang itong nagpatuloy sa kanyang paglalakad papalabas ng bilangguan.
"Nanay, mag-iingat po kayo sa biyahe." bati ni Donny habang ini-inspeksyon ang bayong ng ginang.
"Maraming Salamat, Anak. O ako'y gagayak na, magkita na lang tayo ulit sa susunod na miyerkules." ani Aling Perla saka isinukbit ang kanyang bayong sa braso.
"Sige po Nanay, salamat po ulit sa masarap na tanghalian." ani Donny.
Nakangiting tumango lamang si Aling Perla rito, bago tuluyang lumabas ng gate at tuluyang nilisan ang piitan.
*****
Don't forget to tap the star ⭐️ button to vote.
Vote | Comment | Share
Facebook Page: Everjoy Condes #anaknikikodora
Facebook Group: THELABSSQUADWP
Facebook Official: Everjoy Condes
BINABASA MO ANG
The Greatest Love (Complete) ✔️
Short Story(Complete) Highest Rank Achieved #593 in Short Story -(May 15, 2018) A Mother's Day Special. ❤️ THE GREATEST LOVE Written by: © Everjoy_Condes