Mabilis lumipas ang mga araw at patuloy sa paghihintay ng muling pagdalaw ng kanyang Ina, si Joseph. Nasasabik kasi ang binata na ipaalam kay Aling Perla, na nakatanggap siya ng isang magandang balita mula sa pamunuan ng bilibid. Gusto niyang i-kwento sa kanyang Ina, na nabigyan siya ng parole kung saan may pagkakataon na siyang makalaya't tuluyan nang makalabas sa piitan.
Ngunit lubos ang pag-aalala ngayon ng binata, dahil tatlong miyerkules na ang nagdaan simula noong huling beses siyang dinalaw ng kanyang Ina. Balisang naghihintay si Joseph sa apat na sulok nang nakakasulasok na kulungan, sa pagbabaka-sakaling matawag ng guwardiya ang kanyang pangalan at sasabihin nito na siya ay may dalaw.
Nagulat na lamang ang binata nang biglang makarinig siya ng pagtuktok ng kung anong bagay sa rehas ng piitan. Mabilis itong binalingan ni Joseph at nakita niya ang guwardiya na nakatayo roon, "Catapang, may dalaw ka." anito na siyang dahilan para mapabangon siya sa pagkakahiga.
Dali-daling naglakad si Joseph papunta sa bukana ng bilangguan, at nagmamadaling pinagmamasdan ang pagbukas ng barandilya. Nang tuluyan nang bumukas ang rehas, ay nagmamadaling tinungo ng binata ang pasukan kung saan naghihintay ang kanyang Inang si Aling Perla.
"Inay!" masiglang turan nito at hindi na hinintay pa ang pagluwang ng pagbubukas ng gate. Dali-daling tinakbo ni Joseph ang kinatatayuan ng kanyang Ina saka ito niyakap ng sobrang higpit. "Mabuti po at napadalaw kayo, akala ko po kinalimutan niyo na ako." madamdaming saad niya bago humiwalay sa kanilang pagkayapos.
"Pagpasensyahan mo na si Naynay, anak. Sumama kasi ang aking pakiramdam nitong mga nakaraang linggo, pabalik-balik ang aking trangkaso kaya hindi ako nakadalaw sayo." masiglang bungad pabalik ni Aling Perla bago hinaplos ang pisngi ng kanyang anak.
"Inay, ayos na po ba ang pakiramdam niyo ngayon? Nakitawag ho ako noong nakaraan sa telepono rito, pero hindi ko po kayo nakausap. Dahil sabi ni Aling Choleng ay hindi po kayo nadaan sa tindahan nila. Kaya't lubos-lubos ang pag-aalala ko ho sa inyo." mahabang litanya ni Joseph habang inaalalayan paupo si Aling Perla.
"Masama talaga ang aking timpla anak, gustuhin ko mang lumuwas ay hindi kayanin ng aking katawan. Ako man ay nag-aalala, dahil alam kong hinihintay mo akong bisitahin ka." ani Aling Perla habang hinahaain ang mga pagkaing kanyang bitbit.
"Inay... May importanteng bagay po akong sasabihin sa inyo." ani Joseph saka kinuha ang platong hawak ng kanyang Ina.
Kunot noong napatigil naman si Aling Perla sa kanyang ginagawa sabay sabing? "May problema ba, anak?" kabadong saad nito bago pinagsaklob ang kanyang mga kamay sa ibabaw ng mesa.
Hinawakan naman pabalik ng binata ang malayang kamay ng kanyang Ina sa ibabaw ng lamesa, saka huminga humugot ng isang malalim na hininga, "Inay, gusto ko pong ibalita sa inyo na..." pambibitin ni Joseph bago tiningnan nito diretso sa mga mata ang ginang. "Nay... Gusto ko pong ipaalam sa inyo na, sa susunod na buwan ay makakalaya na po ako." naluluha niyang turan dito.
Halos pigil ang hiningang natulala si Aling Perla, sa magandang balitang kanyang narinig. Sa sobrang katuwaan, ay hindi niya alam kung papaano tutugon sa sinabi ng kanyang anak.
"Inay, ayos lang ho ba kayo?" nag-aalalang sambit ni Joseph bago umupo sa silya, katabi ng kanyang Ina.
"A-anak totoo ba ang balitang narinig ko?" hindi makapaniwalang wika ng ginang, habang ang kanyang mga luha ay nangingilid sa sobrang katuwaan.
"Opo, Inay... Magkakasama na po tayong muli." ani Joseph bago niyakap ang kanyang Ina.
Yumapos naman pabalik si Aling Perla rito at ang kanilang mga luha ay nagpatuloy lamang sa pagbagsakan. Ngunit sa pagkakataong iyon, ay luha na ito nang kaligayahan. Kaligayahan dahil sa loob ng maraming taon nang pagkakaaalay, sa wakas ay magkakasama nang muli ang mag-Inang Aling Perla at Joseph.
*****
Don't forget to tap the star ⭐️ button to vote.
Vote | Comment | Share
Facebook Page: Everjoy Condes #anaknikikodora
Facebook Group: THELABSSQUADWP
Facebook Official: Everjoy Condes
BINABASA MO ANG
The Greatest Love (Complete) ✔️
Short Story(Complete) Highest Rank Achieved #593 in Short Story -(May 15, 2018) A Mother's Day Special. ❤️ THE GREATEST LOVE Written by: © Everjoy_Condes