The Greatest Love: Chapter 3

2K 117 19
                                    

Dumaan ang mga araw at hindi na makapaghintay si Joseph na makasamang muli ang kanyang Ina. Sa bawat araw na nagdaan ay patuloy pa rin ang binata sa pagpapakabuti sa loob ng bilangguan, para makamit ang kalayaang kanyang inaasam. Pilit niyang iniiwasan ang grupo ng kalalakihang kanyang nakasagupa kamakailan lamang, para hindi mapurnada ang parole na sa kanya'y ibinigay.

Hanggang sa umabot na ang araw ng kanyang paglaya, "Kosa! Wag mo kaming kalimutang dalawin o di naman kaya'y padalahan ng litrato't liham? paglabas mo rito ahh?" saad ni Ramon isa sa mga preso na nakasama ni Joseph sa loob ng selda.

"Oo naman kosa, paniguradong dadalawin ko kayo rito. Maraming aral akong natutunan dito sa piitan, kaya hindi ko kayo makakalimutan." saad ng binata habang inaayos ang kanyang mga gamit.

"Catapang nandyan na ang sundo mo." sigaw ng guwardiya, kaya't mabilis na isinilid ni Joseph ang kanyang natitirang gamit na nakakalat sa papag na kanyang tinutulugan.

"Paano mga kosa, ako'y mauuna na. Wag kayong mag-alala dahil bibisitahin ko kayo rito kapag naluwas kami ng aking Inay pa-maynila." pamamaalam ng binata bago tuluyang lumabas ng barandilya.

Nakangiting naglakad si Joseph papalabas ng kulungan, habang ang mga preso naman doon ay patuloy sa paghahatid ng kanilang pamamaalam sa binata. Nang tuluyan na siyang makalabas ng kulungan ay napakunot noo siya sa kanyang nakita, "Aling Choleng?" nagtataka niyang sambit sa kanilang kapitbahay.

"Joseph..." anito saka siya nginitian nang alanganin.

Kahit nagtataka ay nagpatuloy na lamang si Joseph sa kanyang paglalakad, hanggang marating ang kinatatayuan nang ginang. Agad nanlaki ang mga mata ng binata, nang salubungin siya nito ng isang mahigpit na yakap, at matapos ang ilang segundo ay agad din namang humiwalay sa pagkakayapos.

Kahit naguguluhan ay mas pinili na lang ni Joseph na balewalain ang lungkot na kanyang nabakas sa mga mata nito, "Aling Choleng, mabuti naman po at nakasama kayo ni Inay na pumunta rito," wika ng binata habang inililibot ang kanyang paningin sa paligid, para hagilapin ang kanyang Ina. "Nasaan po si Inay?" dagdag pa niya sa ginang.

"Joseph..." anito saka hinawakan ang kamay ng binata. "Tara, uwi na tayo at hinihintay ka na nang Inay Perla mo." saad ni Aling Choleng, at mababatid mo sa timbre ng boses nito ang paghihirap na isambit ang mga katagang iyon.

"S-sige po..." kahit naguguluhan ay um-oo na lamang ang binata, ngunit sa loob-loob niya ay parang may kutob siyang hindi maganda.

Mabilis namang tinungo nina Joseph at Aling Choleng ang bus patungo sa probinsiya ng San Lorenzo. Kabadong nakadungaw lamang ang binata sa bintana ng bus, habang ang kanyang kaisipan ay lumulutang sa kawalan, kakaisip kung ano ba talagang nangyari sa kanyang Ina.

Matapos ang halos anim na oras nang biyahe ay nakarating na ang bus sa terminal ng San Lorenzo, dagli namang sumakay sina Joseph nang pampublikong sasakyan at makalipas ang isang oras ay tuluyan nang narating ng binata ang kanilang baryo.

Nakangiting tinanaw ni Joseph ang kanilang tahanan sa hindi kalayuan. Ngunit biglang napalis ang mga ngiting iyon, nang masilayan ang matitingkad na ilaw na kulay dilaw sa kinatitirikan ng kanilang tahanan.

Sadsad ang mga paang naglakad ang binata patungo sa kanilang tahanan. Bawat hakbang na kanyang ginagawa ay parang may tangan-tangan siyang mabigat na bagay, na siyang dahilan para ang kanyang paglalakad ay pasadsad na dumadausdos sa lupa.

The Greatest Love (Complete) ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon