“OH MY goodness? What happened to you, Sasha? Ano iyang nasa balat mo?”
“Allergy daw sabi ng doctor.”
“Sigurado kang allegy iyan?”
Isinara ni Carol ang binabasang libro at bumuntong-hininga. Hindi siya makapag-concentrate sa reviewer na pinag-aaralan niya dahil sa ingay ng mga kaklase niya.
Sumulyap siya sa orasang nakasabit sa dingding ng silid at hiniling na sana ay dumating na ang propesor nila.
“Hoy, Carol!”
Nag-angat siya ng tingin. Nakatayo sa harap niya ang dalawang babaeng kaklase. Sina Sasha at Lindy.
Fourth year college na siya sa kursong Education sa St. Claire University. Block section ang klase nila kaya halos apat na taon na rin niyang kaklase ang dalawang babae.
“Bakit?” Inayos niya ang suot na salamin sa mata. Bata pa lang siya ay may kalabuan na ang mga mata niya kaya hindi maaaring wala siyang suot na salamin.
Matalim na tiningnan siya ni Lindy. “Umamin ka nga Carol. Ito ang may gawa nito kay Sasha, 'no?”
Bumaling ang tingin niya kay Sasha. Agad niyang napansin ang maliliit na pantal sa braso nito at sa mukha.
“Wala akong alam sa sinasabi mo, Lindy,” kunot-noong sagot niya sa babae.
“Huwag ka ngang magmaang-maangan, Carol,” sikmat sa kanya ni Lindy. “Umamin ka. Kinulam mo si Sasha kaya nagkaganyan ang balat niya! You nerdy witch!”
Kinuyom niya ang palad sa pang-aakusa sa kanya ni Lindy. “Hindi ako mangkukulam, Lindy!”
Unang araw pa lang niya sa kolehiyo ay hindi na nakaligtas sa kanya ang mga kakaibang tingin na ipinupukol sa kanya ng mga estudyante ng St. Claire dahil sa kakaibang hitsura at pananamit siya.
Kung ang mga kasabayan niyang mag-aaral ay pulos mamahalin at sunod sa usong mga damit ang suot, siya naman ay kabaligtaran niyon. Malaking salamin, mahabang manggas na blouse at hanggang sakong na palda ang araw-araw niyang suot. Hindi na niya mabilang kung ilang beses na siyang pinagtawanan sa mala-manang na porma niya.
Noong una ay naapektuhan siya sa panlilibak ng mga ito sa kanya subalit kalaunan ay nawalan na rin siya ng pakialam, unti-unti na siyang nasanay na huwag pansinin ang mga iyon. Napagtanto niya na wala namang masama sa suot niya, sadyang masyado lang mapangkutya ang mga taong nakakasalamuha niya. Isa pa, kahit gustuhin din naman niyang magsuot ng mga modernong damit, hindi niya kaya.
Lumaking mahirap si Carol. Ayon sa kanyang lola na siyang tumayong mga magulang niya, sanggol pa lang siya nang sabay na namatay ang mga magulang niya sa isang aksidente.
Simula noon, ang Lola Zeny na niya ang siyang nagtaguyod sa kanya. Ito ang nag-iisang kasama niya sa buhay. Buong buhay niyang ipinagpapasalamat sa Diyos na kahit hindi man niya nakilala ang mga magulang niya, nandiyan pa rin ang lola Zeny niya para sa kanya.
Kahit mahirap ang buhay, sinikap nitong buhayin siya at palakihin ng maayos. Panghuhula ang trabaho ng lola niya. May kakahayan itong malaman ang hinaharap ng buhay ng sinuman. Bukod sa panghuhula, may kakayahan din itong gumawa ng mga anting-anting at mga gayuma na siyang ibinebenta nito sa Quiapo church. Hindi niya ikinahihiya ang trabaho ng lola niya, dahil sa trabahong iyon kaya sila nabubuhay.
Hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling iyon ang trabaho ng lola niya. Ang kita nito roon ay siyang ipinangtutustos nila sa araw-araw nilang pagkain, habang ang allowance na nakukuha niya mula sa scholarship at pagtatrabaho sa library ng esuwelahan at inilalaan niya para sa pag-aaral niya at mga gastusin nila sa bahay.