“WHAT? Nakipaghiwalay ka kay kuya? Bakit?”
Napapikit si Carol nang sigawan siya ng kaibigang si Chris habang nakaupo sila sa bench sa garden ng campus nila.
Isang linggo na ang nakalilipas mula nang umalis siya sa poder ni Chancellor. Nakahanap na siya ng isang maliit na apartment, bumalik na siya sa part time job niya sa library at simula na ang second semester niya sa kolehiyo. Bumalik na sa normal ang buhay niya, subalit pakiramdam niya ay hindi na babalik pa sa dati ang lagay ng puso niya.
“Iyon ang tamang gawin, Chris,” malungkot na wika niya sa lalaki. Sa bawat araw na lumilipas, lalong lumalalim ang hapdi at sakit sa puso niya.
“Tamang gawin?” Nagsalubong ang kilay nito.
“Hindi ako mahal ni Chancellor.” Muli siyang pumikit at inilahad rito ang naging paghaharap nila ni Grace.
“Dapat hinayaan mo munang magpaliwanag si kuya. Paano kung hindi naman pala totoo ang sinabi ng babaeng iyon?”
Naluluhang umiling-iling siya. “Bakit pa, Chris? Para saan pa kung hindi rin naman niya ako mahal. Ayoko nang marinig sa kanya ang katotohanan?”
“Paano kung ang katotohanan ay mahal ka niya,” singhal sa kanya ng lalaki. “Masyado kang nagpadalos-dalos. At ito namang si Kuya Chancellor, bakit pumayag na makipaghiwalay sa'yo?”
Kinagat niya ang ibabang labi. “Sinabi ko kasi sa kanya na hindi ko siya mahal. Na ikaw ang mahal ko.”
“Ano?” mataas ang boses na reaksiyon nito. “Hindi ako nagalit sa'yo nang painumim mo ako ng gayuma. Pero gusto kong magalit sa'yo ngayon, Carol. Hindi mo dapat sinabi iyon kay kuya! Kilala ko ang kapatid ko, Carol. Kahit isang beses ko lang kayong nakitang magkasama, nakita ko na mahal ka ng kapatid ko. Seryoso sa'yo si kuya Chancellor. Malaki ang posibilidad na mahal ka talaga niya!”
Sa sinabi ni Chris ay biglang pumasok sa isip niya ang mga sandaling magkasama sila ni Chancellor. Ang mga pagkakataon kung kailan niya naramdaman ang pagmamahal sa kanya ng lalaki. Sa araw-araw na magkasama sila, wala siyang natatandaang araw na hindi niya naramdaman na hindi siya nito mahal.
“Ikaw ang makakapagsabi kung totoong mahal ka ng kapatid ko,” makahuulgang wika nito sa kanya.
Naalala niya ang mga sandali kapag naglalambing sa kanya si Chancellor, kapag sinasabi nito na mahal siya nito at siya ang pinakamagandang babae para rito. Tumulo ang luha sa mga mata niya. “M-mahal ako ni Chancellor.” Humikbi siya. “Tama ka, Chris. Dapat hinayaan ko muna siyang magpaliwanag. Masyado akong nagpadala sa insekyuridad na nararamdaman ko...” Pinahid niya ang luha at tumayo sa bench. “Pupuntahan ko siya, Chris. Itatama ko ang pagkakamali ko.”
Malungkot na umiling ito sa kanya. “Umalis si kuya, Carol. Lumipad siya pa Australia three days ago.”
BUMUNTONG-HININGA si Chancellor habang nakatingin sa tumutunog na cell phone. Ang kapatid niyang si Chris ang tumatawag.
Nagdadalawang-isip siya kung sasagutin iyon at kakausapin ang kapatid. Sa loob kasi ng isang buwang pamamalagi niya sa Australia, pilit na iniiwasan niyang sagutin ang mga tawag na nagmumula sa kapatid.
Hindi siya galit sa kapatid, hindi niya ito dapat sisihin kung ito mahal ni Carol. Ayaw lang niyang makausap muna ang kapatid dahil ayaw niyang makarinig ng anumang bagay tungkol kay Carol.
Napapikit siya habang inaalala ang eksenang nagdulot sa kanya ng matinding sakit at pagkabigo. Noong mga sandaling sinabi sa kanya ni Carol na si Chris ang mahal nito, pakiramdam niya ay nawasak ang puso niya. Noon lamang siya nakaranas ng matinding sakit. Noon lamang siya nasaktan ng ganoon ng isang babae.
BINABASA MO ANG
Under Your Spell (Published under PHR/Unedited Version)
Storie d'amorePublished under PHR