Chapter Two

6.6K 145 0
                                    

“I'M sorry, Carol. Kailangan ko kasing samahan si Aina ngayon. Next time, babawi ako sa'yo!”

Huminga ng malalim si Carol at tipid na ngumiti sa kaharap na si Chris. “Sige na. Puntahan mo na iyong girlfriend mo. Baka magalit pa sa'yo iyon.”

Hinawakan nito ang kamay niya at nginitian siya. “Thank you, Carol. Promise, babawi ako next time.”

Tinanguan lang niya ang lalaki. Muli siyang bumuntong-hininga at pinanood ang pagtalikod ni Chris sa kanya.

Magpapasama sana siya kay Chris na dalawin ang puntod ng lola niya. Iyon nga lang ay hindi uubra ang kaibigan dahil ayon dito ay kailangan nitong samahan ang nobya nito.

Mahigit isang linggo na ang nakalilipas nang sabihin sa kanya ni Chris na sinagot na ito ng babaeng nililigawan nito. Masaya siya para sa kaibigan, lalo na't nakikita niya ang kislap sa mga mata nito na alam niyang dulot ng pakikipagrelasyon nito.

Subalit habang lumilipas ang mga araw, ang sayang nararamdaman niya para kay Chris ay napapalitan ng pagtatampo. Sumula kasi nang magkaroon ito ng nobya, dumadalang na rin ang pagkikita nila ng lalaki. Naiintindihan naman niya ang kaibigan. Natural lamang na mas bigyan nito ng prayoridad ang nobya kasya sa kanyang kaibigan lang nito. Subalit kapag naaalala niya ang ipinangako sa kanya ng binata, hindi niya maiwasang hindi makadama ng tampo. Dalawang buwan na ang lumipas subalit hanggang ngayon ay nananatili pa rin ang matinding sakit at kalungkutan sa puso niya sa pagkawala ng lola niya. At sa mga panahong mag-isa siya, kailangan niya si Chris. Kailangan niya ang nag-iisang kaibigan niya.

Kinagat niya ang ibabang labi. Nasaan ang ipinangako nitong lagi lang itong nariyan sa tabi niya?

Umiling-iling siya at pinagalitan ang sarili. Hindi siya dapat magkaroon ng sama ng loob sa kaibigan niya.

“Carol, mag-usap tayo.”

Isang hapon habang nagbabasa siya sa library ay nilapitan siya ni Aina, ang nobya ni Chris.

“Uhm, tungkol saan?” Isang beses na niyang nakaharap ang babae. Iyon ay nang ipakilala siya ni Chris kay Aina bilang kaibigan nito.

“About Chris.”

Nagtatakang sumunod siya kay Aina sa isang sulok na bahagi ng library. Ito ang unang beses na lapitan siya ni Aina na hindi kasama si Chris. Wala rin siyang ideya kung anong bagay tungkol sa kaibigan niya ang gusto nitong pag-usapan nila.

“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, Carol.” Naghihintay na nakatingin siya sa magandang mukha ng kaharap. Noong ipakilala sa kanya ni Chris ang babae, agad niyang napagtanto na bagay ang babae para sa kaibigan niya. Tulad ni Chris ay mabait at maamo ang mukha ni Aina.

“Hindi kita gusto bilang kaibigan ni Chris.”

Napaawang ang mga labi sa narinig.

Nagsalubong ang kilay ng babae. “Look at you, Carol. Sa tingin mo ba, bagay kang maging kaibigan ni Chris? Hindi di ba? Kahit saang anggulo tingnan—”

“Tumigil ka, Aina,” mahina ngunit mariing putol niya sa babae. Hindi siya makapaniwala na sa likod ng matamis na ngiti at maamong mukha ng babae ay nagtatago ang masamang ugali nito. At ngayon ay nakikita na niya ang tunay na kulay ni Aina.

Nanunuyang nginitian siya ng kaharap. “Bakit? Natatakot kang marinig ang totoo? Hindi ka nararapat maging kaibigan ni Chris. Kaya ngayon pa lang, sinasabi ko na sa'yo na layuan mo na ang boyfriend ko. Ayokong nakikita ng ibang tao na may kaibigan siyang ‘weirdo.’”

Mariing kinuyom ang magkabilang palad. “Kahit ano'ng sabihin mo, Aina, magkaibigan kami ni Chris. Hindi mo mababago iyon. At kahit ilang tao ang magsabing hindi niya ako dapat maging kaibigan, wala akong pakialam.” Huminga siya ng malalim at matalim na tinitigan si Aina. “Kahit girlfriend ka ng kaibigan ko, wala ka pa ring karapatan na utusan akong layuan siya. Si Chris lang ang may karapatang magsabi sa'kin niyan.”

Under Your Spell (Published under PHR/Unedited Version) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon