“BABY, sino'ng mas guwapo sa'min ni Chris?” Mula sa pinapanood na parada ng banda at musiko ay bumaling ang tingin niya sa katabing si Chancellor.
“Huh? Bakit mo naman naitanong iyan?”
Nagkibit-balikat ito. “Gusto ko lang malaman.”
“Alam mo naman ang sagot diyan.”
Umangat ang sulok ng labi nito. “But I want to hear it from you, baby.”
“Si Chris—” Kitang-kita niya kung paano nagbago ang reaksiyon ng mukha nito.
“What—”
“Nagbibiro lang ako. Siyempre ikaw.”
Kumunot ang noo nito na tila na tila may hindi magandang naisip. “Hindi kaya may gusto ka rin kay Chris, baby? Hindi kaya ginayuma mo siya dahil—”
“Baliw ka, Chancellor,” putol niya rito. “Kaibigan ko lang ang kapatid mo. Imposibleng magkagusto ako sa kanya.”
Gusto niyang matawa habang pinagmamasdan ang mukha ni Chancellor. Hindi siya makapaniwalang nagseselos ito sa kapatid nito. At ang cute nitong magselos.
“I just couldn't help it, baby. Siya ang una mong nakilala. Siya ang matagal mo ng kasama...”
“Pero ikaw naman ang mahal ko.” Inihilig niya ang ulo sa balikat nito. “At ikaw ang mas guwapo.”
Kumislap ang mga mata nito. “Talaga? I kiss mo nga ako, baby.”
Bahagya siyang umingos. “Ikaw talaga. Gumagawa ka lang yata ng paraan para makahalik.”
Natigil sila sa pag-uusap nang lapitan sila ng dalagitang pamangkin ni Madame Corazon. “Doon po tayo sa plaza, ate Carol at kuya Chancellor. Masaya po doon ngayon.”
Sumunod sila kay Daisy. Naaaliw na tumingin siya sa mga nadadaanan nialng makukulay na ilaw at banderitas na nagpapaliwanag at nagpapasigla sa madilim na gabi. Napansin niya na halos lahat ng mga babaeng nakakasalubong nila ay panay ang titig kay Chancellor. Gusto niyang irapan ang mga babaeng iyon subalit wala siyang magagawa. Sadyang napakaguwapo naman kasi ng lalaki.
“Para sa pinakamamahal kong asawa, kahit lima na ang anak natin, mahal na mahal pa rin kita.”
Pagdating nila sa plaza ay naabutan nila ang isang may edad nang lalaki na nakatayo sa entablado at nagsasalita gamit ang mikropono.
“Ano'ng gagawin niya, Daisy?” tanong niya sa dalagitang kasama nila.
“Kakanta siya, ate,”anito sa kanya. “Taon-taon na itong ginagawa sa'min tuwing fiesta. Binibigyan ng pagkakataong umakyat sa stage ang mga lalaki para sabihin ang nararamdaman sa babaeng mahal nito. Pero kailangang may kasamang kanta ang mensahe.”
Maya-maya pa nga'y nagsimula nang kumanta ang ginoo sa stage. Umugong ang malakas na hiyawan at sigawan. Sumunod namang umakyat sa entablado ang isang binatilyo.
“Para sa babaeng nililigawan ko, Daisy. Mahal na mahal kita. Sana sagutin mo na ako.”
Nakangiting bumaling sila ni Chancellor sa dalagitang pulang-pula sa tabi nila. Inulan ito ng tuksuhan mula sa mga taong naroon.
“Sino pa ho riyan ang gustong magbigay ng mensahe at kanta sa mga babaeng espesyal sa inyo?” tanong ng emcee matapos bumaba ang binatilyo at dumiretso kay Daisy.
“Baby, you stay here, hmm?” Bumaling siya kay Chancellor na pinakawalan ang kamay niya.
“Ha? Saan ka pupunta?”
Kumindat lang ito sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya nang mapagtanto kung saan ito pupunta. Sa stage!
“Oh my gosh! Aakyat din si kuya!” patiling panunudyo ni Daisy sa kanya. Narinig niya ang bulong-bulungan ng mga tao sa paligid nila.