"Titser Rose! Titser Rose!" hingal na tawag ng batang estudyante niya, si Iggi.
Nakaupo siya sa loob ng silid-aralan. Bumakas sa kanyang mukha ang pagkabahala nang makita ang natatarantang galaw ng bata. Pakiramdam niya ay may hindi magandang nangyari. "Bakit, Iggi?"
"Si Lyka po, nakikipag-away na naman!" sagot nito.
Dali-dali nilang pinuntahan si Lyka. Recess time nang magpaalam ang bata na pupunta lamang sa malapit na palikuran, ngunit heto ang maririnig niya, may kaaway na naman ang kanyang estudyante.
Natanaw niya ang ilang batang nakapalibot kina Lyka, ngunit wala kahit isa sa kanila ang nagtangkang umawat. Marahil ay nangibabaw sa kanila ang takot, dahil nasaksihan na nila noon ang kakaibang lakas ni Lyka kapag ito ay galit at nakikipag-away.
Nakita niyang sinasabunutan ni Lyka ang isang batang babae na malakas na umiiyak, si Tina. Nakahiga na ito sa semento at hindi nito kayang ipagtanggol ang sarili kahit ipunin pa nito ang buong lakas upang lumaban.
Nakadagan si Lyka rito. Nakakunot ang noo at ang kanyang mga mata ay nanlilisik. Nagngingitngit pa ang mga ngipin nito dahil sa galit. Ilang ulit nitong pinaghahampas si Tina na nais lumaban, ngunit hindi niya ito maitulak dahil sobrang lakas at mas malaki ito sa kanya. Wala na siyang magawa pa kung hindi salagin na lamang ng kanyang braso ang mga sabunot at hampas na natatamo, subalit hindi pa nakuntento si Lyka roon. Hindi ito tumigil hanggat hindi nito nakikitang nagdurugo ang braso ni Tina dahil sa kanyang mga kalmot.
"Lyka!" sigaw ni Rose. Agad niya itong hinawakan sa dalawang braso upang mapigilan ang pananakit nito at saka niya ito hinilang patayo nang buong lakas.
Nakakuyom ang mga kamay ni Lyka at napakatigas ng mga braso nito nang hawakan iyon ng guro. Mababakas ang matapang na ekspresyon sa maamo nitong mukha.
Itinayo rin niya ang batang si Tina mula sa pagkakahiga. May sugat at mga galos ito sa braso. Duguan din ang nguso nito dahil sa pumutok na labi. Napahawak sa bibig si Tina, humagulgol ito ng iyak nang makakita ng dugo sa kanyang kamay. Naalarma ang mga bata sa paligid. Ang iba ay tumakbo at humingi ng tulong.
"Lyka, bakit mo 'yun ginawa kay Tina? Tama ba 'yun?" tanong ni Rose.
Hindi ito umimik. Sa halip ay sumimangot lang ito sabay talikod at naglakad palayo sa kanya. Natanaw niyang pumasok ito sa pintuan ng kanilang silid.
"Iggi, sundan mo muna si Lyka."
"Sige po." Agad na sumunod ang bata at pumunta sa kanilang silid.
Nilapitan ni Rose si Tina at kinausap ito. Habang pinapatahan niya ang bata ay dumating si Ami. Nanlaki ang mga mata ni Ami at agad na nilapitan si Tina. Lalong lumakas ang pag-iyak ng bata nang yakapin nito ang kanyang guro.
"Ayos ka lang ba, Tina? Ano'ng masakit sa 'yo?" tanong ni Ami. Tiningnan nito ang mga natamong galos at sugat ng bata. Masasalamin sa mga mata nito ang matinding pag-aalala sa sinapit ng kanyang estudyante. "Halika, dalhin na kita sa klinik."
"Rose," nabubukod tanging sabi ni Ami sa kaibigan bago ito umalis. Bakas sa tinig nito ang pagkabahala. Alam nitong mananagot sila sa nangyari.
"Ako na ang bahala, Ami." Pilit na ngumiti si Rose.
Bumalik na ng silid-aralan si Rose. Pinagmasdan niya muna sina Lyka at Iggi na noon ay nakaupo na sa kanilang mga upuan. Nakatanaw sa malayo si Iggi, habang si Lyka ay may hawak na lapis at madiing gumuguhit ng kahit na anong imahe sa papel. Matalim ang sulyap ni Lyka kay Rose nang pumasok ito ng silid. Nakabusangot ang mukha nito habang ipinagpatuloy ang ginagawang pagguhit.
Matamang tinitigan ulit ni Rose ang dalawa. Para silang anghel, napakainosente ng mga mukha nila. Tila wala silang problema, ngunit sa kaibuturan ng puso ni Rose, alam niyang malubha ang pinagdaraanan ng dalawang anghel na ito.
BINABASA MO ANG
Hatak ng Budhi (Published under PNY)
General FictionDrama/ Mystery "Alangang 'di ko s'ya mahal, anak ko s'ya!" Ang madamdaming sigaw ng isang ama. May sukatan ba ang pagmamahal ng magulang sa kaniyang anak? Lahat ba ng pagkakataon ay handang ilaban nito ang karapatan ng kaniyang supling? O, may oras...