Lumipas ang bente-kuwatro oras na wala pa ring balitang natatanggap si Rose na nakita na si Lyka. May usapan sila ni Dante na pupunta sila sa pulisya para i-report na nawawala ang bata, subalit hindi na siya binalikan nito.
Napagpasyahan niyang pumunta na lang sa pulisya. Nasa bungad pa lang siya ay dinig na niya ang isang pamilyar na boses.
"Sir, nawawala po ang anak ko! Nakikiusap po ako, tulungan ninyo akong hanapin siya!" Halos hindi maintindihan ang sinasabi ni Linda dahil sa sunod-sunod na paghikbi nito.
"Teka Misis, huminahon ka. Pakalmahin mo muna ang sarili mo," iritableng sabi ng pulis habang nagkakape ito.
Pinahid ng kamay ni Linda ang luha sa kanyang mukha at saka siya huminga nang malalim. "Kahapon po ng umaga, nawala ang anak ko. Hinanap na po namin siya sa aming lugar at sa iskul niya, pero wala talaga, hindi namin siya nakita!"
"Hahanapin namin siya, Misis, huwag kayong mag-alala. Kaso sa ngayon ay kulang pa kami sa tao. Nakikita mo naman, kaunti lang kami ngayon, nasa espesyal na operasyon ang ibang mga pulis."
Lalong humagulgol ng iyak si Linda sa narinig ngunit wala siyang lakas ng loob na kontrahin ang sinabi ng pulis.
"Manang Linda," tawag pansin ni Rose kay Linda. Kitang-kita ng guro sa mga mata nito ang matinding kalungkutan. "Tama na po. May balita na ba kayo kay Lyka?"
"Mukhang ayaw akong pakinggan ng mga pulis dito. Nagkamali yata ako nang paglapit sa kanila," mahinang sabi niya pero sapat para marinig ni Rose ang kanyang hinaing.
Inaasahan ni Rose na reresponde agad ang mga pulis dahil tungkulin nila ang maglingkod sa bayan. Nabalot ng inis at pagkadismaya ang dibdib ni Rose kaya naman galit na lumapit siya sa pulis at kinuha ang atensiyon niyon.
"Sir, nawawala ang estudyante ko at naparito ang nanay niya para humingi ng tulong, pero binalewala lang ninyo! Buhay ang nakasalalay rito kaya dapat kumilos kayo agad!" buong tapang na sabi ni Rose. Siya ang nagsilbing tinig ni Linda na takot ipaglaban ang karapatan, ang karapatan sa mabilis na serbisyo ng lipunan.
"Tulad ng sinabi ko kanina, gagawa kami ng paraan na mahanap ang bata. Maghintay lang kayo na makabalik ang ibang kasamahan namin. Madadagdagan na ang mag-aasikaso nito," katwiran ng pulis.
"Ano? Hindi ba kayo puwedeng humingi ng tulong sa ibang pulisya? Isang bata ang pinag-uusapan natin dito!" bulyaw ni Rose.
Umiling ang kausap na pulis."May kanya-kanya kaming jurisdiction. Sa ngayon, idetalye na lang ninyo sa akin ang nangyari. I-blotter natin at mag-iwan na rin kayo ng larawan ng bata."
Naging emosyonal na naman si Linda. Walang nagawa si Rose kung hindi tapikin na lang ang likod nito. Kahit alam niyang hindi maiibsan ng bawat tapik ang sakit na nararamdaman ng isang ina. "H'wag po tayong mawalan ng pag-asa. Mag-iisip ako kung sino pa ang puwede nating hingan ng tulong."
Kasalukuyang binabaybay ni Rose ang daan palabas sa pulisya nang may kumalabit sa kanyang likuran. Agad siyang lumingon.
"Grace?" hindi makapaniwalang tanong ni Rose.
"Well, sino pa bang Grace ang kilala mong maganda?"
Napangiti si Rose sa sinabi ng kaharap. Volunteer ito ng isang organisasyon para sa espesyal na bata. Journalist din ito at kaya marahil nasa pulisya ito ay para makasagap ng ibabalita. Halos ilang buwan rin silang hindi nagkita. "Na-miss kita! Kailan ka pa dumating?"
"Kahapon lang, tapos na ang proyekto ko sa Davao." Binuksan ni Grace ang hawak na payong. Takot itong tamaan ng araw dahil ayaw nitong mangitim. "May problema ka ba? Pinagmamasdan kita kanina pero parang lutang ka, hindi mo man lang ako napansin!"
BINABASA MO ANG
Hatak ng Budhi (Published under PNY)
Genel KurguDrama/ Mystery "Alangang 'di ko s'ya mahal, anak ko s'ya!" Ang madamdaming sigaw ng isang ama. May sukatan ba ang pagmamahal ng magulang sa kaniyang anak? Lahat ba ng pagkakataon ay handang ilaban nito ang karapatan ng kaniyang supling? O, may oras...