Chapter Seven

7K 244 19
                                    

LUMILIPAD pa rin sa kawalan ang isip ni Gella. Well, actually, tungkol lang naman iyon sa nangyari kanina dalawang oras pa lang ang nakalilipas. Hinalikan ni Kelvin ang batok niya. At muntik pa siya nitong halikan sa mga labi. Ang mas nakakaloka pa, wala siyang ginawa para pigilan ito! Ni wala siyang naramdamang pagtutol nang tangkain nitong halikan siya.

Ano ba'ng nangyayari sa 'yo, Gella?

Wrong question! Bakit hindi mo tanungin kung ano ba ang nangyayari kay Kelvin?

Nauunawaan niyang lalaki ito kaya mahina sa tukso. Pero hindi naman niya ito inakit. Iyon ang unang pagkakataon na tiningnan siya nito na parang gusto siya nito.

Napahawak siya sa batok. Parang nararamdaman pa rin niya roon ang malambot at mainit nitong mga labi. Nag-init na naman ang mga pisngi niya. Hindi niya maitatangging nagustuhan niya ang sensasyong dulot ng halik na iyon sa kanyang buong sistema.

Damn! Matagal na niyang alam na naaakit siya kay Kelvin. Pero bakit dahil lang sa munting halik, bigla na lang nabuhay ang nararamdaman niyang iyon noon para kay Kelvin?

"Gella?"

Natauhan siya nang biglang sumulpot sa harap niya ang guwapong mukha ni Nuel. Ito ang date niya sa gabing iyon. Naroon sila sa isang marangyang events hall ng isang hotel kung saan ginaganap ang anniversary party ng Chen Corporation.

Nakangiting iniabot ni Nuel sa kanya ang isang baso ng champagne. "Here. Drink this. Mukhang kanina ka pa hindi mapakali riyan."

Tinanggap ni Gella ang baso at inisang-lagok iyon. Gumuhit ang init ng alak sa lalamunan niya at kahit paano ay kumalma siya. Nang hindi makontento ay kumuha pa siya ng dalawang baso sa dumaang waiter at inisang-lagok din ang mga iyon. Hanggang sa dumeretso na siya sa cocktail drinks at doon sumubok ng iba't ibang inumin. Hindi na niya alam kung nakakailang baso na siya nang pigilan siya ni Nuel.

"Lady, you're already tipsy."

Bumungisngis siya. Mukhang umepekto agad ang alak sa sistema niya. "Nuel, pasensiya ka na kung medyo aligaga ako ngayon. May iniisip lang ako."

"It's fine." Inilahad nito ang kamay sa kanya. "Do you want to dance?"

Mabilis na tinanggap niya ang kamay nito. Inakay siya nito papunta sa dance floor na may ilang pares nang nagsasayaw sa saliw ng romantic song na pumapailanlang. Pero mukhang nagkamali siya sa pagtanggap sa alok ni Nuel na makipagsayaw rito.

Nahagip kasi ng kanyang mga mata si Kelvin na kasayaw ang date nito. Sa opinyon niya, masyadong malapit ang babaeng iyon sa kaibigan niya. Sa hindi malamang kadahalinan ay naiinis siya.

Nagtama ang mga paningin nila ni Kelvin. He was looking at her as if he wanted to say something, like he was in pain or something. Dahil sa paraan ng pagtitig nito sa kanya, naalala tuloy niya ang naganap sa pagitan nila sa kuwarto niya kanina.

Bumaba ang tingin ni Gella sa mga labi ni Kelvin dahilan para mag-init ang batok niya. Napaisip tuloy siya kung ano ang pakiramdam na mahalikan nito sa ibang parte ng katawan niya... tulad ng kanyang mga labi. Natigil lang siya sa makamundong pag-iisip nang maramdaman ang mga braso ni Nuel sa kanyang baywang.

"You know, Gella, you're bad for my ego. You're with me, pero ibang lalaki ang tinitingnan mo," nakangiting sabi nito na hindi naman kakikitaan ng iritasyon.

Ipinatong niya ang mga kamay sa mga balikat nito nang magsimula na silang sumayaw. "Pasensiya ka na, Nuel."

'"Hindi ko na tatanungin kung ano'ng iniisip mo dahil ngayon pa lang, nakikita ko na kung sino 'yon. Si Kelvin 'yon, hindi ba?"

Marry My Best Friend (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon