Story
"Kumuha ka ng piraso ng papael at do'n isulat ang 'yong kahilingan."
Papel, kailangan ko ng papel. Mabilis kong kinuha ang bag ko saka do'n pumilas ng papel.
"Isulat mo ang kung anong gusto mong hilingin."
Mabilis kong sinulat ang hiling ko kasabay ng pagpikit ng aking mga mata ng matapos kong isulat 'yon.
"Kapag natapos kana. Pumunta ka sa kagubatan. Hanapin mo ang gitna ng Gubat at do'n mo makikita ang balon na tumutupad ng kahilingan."
Kasalukuyan 'kong tinatahak ang gubat. Madilim ang paligid, nakakatakot. Pakiramdam ko may mga matang nakamasid sa bawat pag-hakbang ko. Pero kaya ko 'to, kakayanin para sa kahilingan ko.
Sandaling lumipas ang mga minuto hanggang ngayon hindi ko parin makita ang sinasabi nilang balon. Nasaan na ba 'yon?
Mula sa kadiliman ng paligid bigla na lamang akong nasilaw sa pagsibol ng liwanag harapan ko. Sa sobrang liwanag no'n ay kinakailangan ko pang takpan ang aking mukha.Nang sa pakiramdam ko ay humupa na ang liwanag saka ko lang inalis ang braso ko. Hindi kalayuan sa kinatatayuan ko kita ko ang balon, lumiliwanag pa 'to at parang may maliliit at makukulay na liwanag ang nakapalibot dito.
Ito na ba 'yon? Ito na ba ang balon na sinasabi nila? Napasulyap ako sa papel na hawak ko saka ko muling binalingan ng tingin ang balon.
Dahan-dahan akong lumakad palapit dito. Dama ko ang kabang namamayani sa 'king dibdib. Nandito na ako, wala ng atrasan 'to. Inangat ko ang papel na kanina ko pa hawak. Ang papel na kinakailangan ko nalang ilaglag. Isang malalim na buntong hininga ang ginawa ko saka ko hinayaang malaglag ng tuluyan ang papel.
Parang i-slow motion ang pag-bagsak ng papel.
"Sana matupad" Tipid kong bulong.
Nang tuluyan ng mawala sa paningin ko ang papel ay saka pa lamang ako umalis sa lugar.
'Yon ang ginawa ko. Ginawa ko para pansinin ako ng taong gusto ko. Humiling ako na sana mapansin niya ako.
Ilang taon na ang lumipas simula ng magtagpo ang landas namin. Unang pagkakataon pa lamang na Makita ko siya, sabi ko; Ito na. Siya na.
Dati hanggang pagsilay lang ang ginawa ko, hanggang tamang kilig at inspirasyon lang. Sa ganoong paraan kuntento na ako. Pero hindi, hindi parin pala kayang makuntento nitong puso ko. Gusto ko siya! Desperada. Gano'n siguro ang tingin sa akin. Gano'n siguro ang maitatawag sa akin.
Tinupad ng balon na 'yon ang kahilingan ko. Napansin ako ni Ryan, lalaking naging dahilan para patusin ko ang balon na 'yon. Lalaking dahilan para lang pagtuunan ko ng pansin ang pag-hiling.
Niligawan niya ako, sinuyo at binigyan ng atensyon na gusto ko. Ay hindi. Ginawa niya pala 'yon dahil 'yon ang hiniling ko. Sa bawat araw na lumipas nagkaka-usap kami, naranasan kong ihatid-sundo. Naranasan kong pahalagahan ng lalaking gusto ko.
Pero hindi pala do'n matatapos ang lahat. Hindi. Dahil sa bawat kabutihang ginagawa niya sa akin ay siya namang pagdating ng mga kakaibang nangyayari sa buhay niya.Namatay ang magulang niya sa aksidente, bumagsak ang negosyo nila, nabaon sila sa utang at pinalayasan sila sa subdivision na tinitirahan nila. Maski ako nagulat sa mga nangyari. Bakit gano'n? Ba't kailangng mangyari 'yon?
Minsan kapag kasama ko siya pakiramdam ko hindi siya ang kasama ko. 'Yung pakiramdam na isa na lamang siyang duplicate.
Unti-unti rin siyang humina, nawala ang sigla niya. Bigla nalang siyang dinapuan ng hindi maipaliwang na sakit.
Isang araw habang naglalakad ako pauwi ng bahay may nakasalubong akong matandang babae."May ginawa kang naka-apekto sa iba. Itama mo ang pagkakamali mo, gamitin mo 'to." Sabay abot niya ng isang stick.
Simula no'n hindi ko na ulit siya nakita pang muli. Inisip ko kung anong ginawa ko na naka-apekto sa iba.
Ang paghiling ko ba? Ito ba ang kabayaran sa ginawa ko?
Nang dalawin ko sa Hospital si Ryan pansin ko ang unti-unti niyang panghihina. Nanunuyo narin ang balat niya. Kahit ang lotion ay hindi na umuubra. Hindi na siya makakain at maging tubig ay tinatanggihan niya.
Hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Mabilis kong kinuha ang stick na ibinigay sa akin ng matanda.
Sa kalaliman ng gabi muli kong tinahak ang kagubatan. Hinanap ko ang balong tumutupad ng kahilingan.
Malayo palang tanaw ko na ito pero ang nakakapagtaka lang may pigura ng tao akong nakikita malapit sa balon."Siya ang kabayaran ng kahilingan mo." Sambit nito saktong makalapit ako.
"Binabawi ko na ang hiling ko!" Sigaw ko.
"Hindi mo na pwedeng bawiin dahil naganap na ang 'yong kahilingan."
Unti-unting lumandas ang luha sa mga mata ko. "Hindi! Hindi ako papayag! Ako nalang ang kunin mo!"
Unti-unti itong lumingon paharap sa akin. Bahagya akong napa-atras ng Makita ko ang itsura nito. Itsurang tao na may mahabang tainga.
Napatingin ako sa stick na ibinigay sa akin ng matandang babae. Kusang kumislap ang dulo no'n at nagmistula itong isang wand.
Nang umakto itong susugod ay bigla kong itinutok sa kanya ang bagay na hawak ko. Kitang-kita ko ang bumulusok na liwanag at sinalo 'yon ng kaharap ko.
Kitang-kita ng dalawang mata ko ang unti-unting paglamon ng liwanag sa kanina lamang ay kausap ko.
Napaluhod ako ng wala sa oras saktong mawala sa paningin ko ang nakasagupa ko. Tinignan ko ang hawak kong stick. Hindi na 'to stick ngayon kundi isang maliit na bote.
Mabilis akong tumayo at wala sa sariling sumalok ako ng tubig na galing sa balon.
Matapos kong gawin 'yon ay kaagad na akong umalis sa lugar diretso sa lugar kung nasaan si Ryan.
Walang tao sa lugar ng makarating ako. Sinamantala ko 'yon para lumapit kay Ryan.
"Pakiusap inumin mo 'to. Makakatulong 'to."
Ilang sandali ang lumipas ng magliwanag ang anyo ni Ryan. Unti-unting bumalik sa dati ang itsura niya, ang balat nito ang katawan nito bago ito malugmok sa pagkakahiga.
Sunod-sunod ang pagpatak ng luha sa mga mata ko. Para itong sirang gripo."Salamat Carmen." Sambit niya. "Alam kong humiling ka sa sinasabi nilang balon, patawad at ako pa ang naging dahilan nito.
Napabuntong hininga ako. "Ako ang dapat na humingi ng tawad. Ako ang may kasalanan nito. Handa akong managot."
"Wala kang papanagutan. Lahat ng nangyari ay babalik sa normal."
Natigilan ako sa sinabi niya.
"Anong---"
"CARMEN!"
"Huh?" Tanong ko saka 'ko mabilis na tinignan ang paligid. Nakita ko ang mga kaklase kong nagtatawanan.
"Lagi kang natutulog sa klase ko! Ipapatawag ko ang magulang mo!"
"Sorry ma'am." Tanging nasambit ko.
"Go out!"
Nataranta ako dahil sa sigaw ni ma'am kaya naman mabilis akong tumayo sa pagkaka-upo at naglakad palabas ng room.
Nadaanan ko pa si Ryan na nakatingin sa akin at may kakaibang ngiti sa kanyang labi. Nilagpasan ko na lamang siya. Palabas na sana ako ng bigla akong matigilan dahil sa alaalang bigla na lamang rumehistro sa isip ko.
Si Ryan. Nang ibinalik ang tingin sa kanya ay naka-pokus na siya sa discussion. Nagdududang tinitigan ko siya bago muling nagpatuloy sa paglalakad. Weird.
--WAKAS--
Title: Wishing Well
Author: ImRemus15
Genre: Fantasy
BINABASA MO ANG
The Wishing Well
FantasyIsa lang ang gusto ni Carmen at 'yon ay mabalingan siya ng pag-ibig ni Ryan kaya naman ng malaman niya ang tungkol sa balon na tumutupad ng kahilingan ay kaagad niya 'tong sinubukan. Lingid sa kaalaman niya na may kapalit pala ang kahilingang 'yon...