Part 1

3.6K 80 0
                                    

GUSTONG ibalibag ni Brave ang wallet pagkakita sa iilang tig-iisang daan na laman niyon. Sa mga nakalipas na taon na iginugol niya sa PNP, hindi kailanman naging issue sa kanya ang sinasahod—dahil ang pagiging pulis talaga ang gusto niyang propesyon mula bata pa lang siya. Gusto niyang magsilbi sa mga sibilyan na nangangailangan ng serbisyo niya, at sa bansa sa pangkalahatan.

Pero nang mga sandaling iyon ay gusto niyang mainis sa sarili na ganoon lang halaga ng pera sa wallet niya. Paano iyon magkakasya para sa operasyon ng paborito niyang kapitbahay na si Tapang?

"Gregory" ang totoong pangalan ni Tapang. Kinse anyos lang ito pero hindi hadlang ang kanilang edad sa pagkakaibigan. "Tapang" ang pet name nito dahil hilig nitong magpaka-superhero sa lugar nila. Pangarap nitong magpulis dahil idolo raw siya. Kapitbahay niya ang teenager—at ang ina nito na si Consorcia—sa inuupahang apartment sa Pasig kung saan mag-isa siyang namumuhay.

 Anak si Brave sa pagkadalaga ng ina na si Rodora. May bagong pamilya na ito sa Benguet. Isa ring sundalo ang panganay na anak nito sa pangalawang asawa—si Brendon. Namatay ang kapatid niyang tumutupad sa tungkulin.

Nang nagdaang gabi ay umiiyak na kumatok sa bahay ni Brave si Consorcia para magpatulong na dalhin nila sa ospital si Tapang. Bukod sa mataas ang lagnat nito ay namimilipit daw sa sakit ng tiyan ang bata at halos wala nang kulay ang mukha. Hindi iyon ang unang pagkakataon na ininda ng bata ang pananakit ng tiyan. Minsan pa nga raw ay nagsuka ito, na binale-wala lang ni Consorcia dahil magastos daw sa ospital. Inisip nitong baka may nakain lang daw ang bata na dahilan ng pagsama ng tiyan nito.

Nang marinig ni Brave iyon, agad na kinabahan siya. Nang ma-diagnose ng doktor kung ano ang sakit ni Tapang, napahagod na lang sa batok si Brave. Tama ang hinala niya na hindi lang simpleng sakit ng tiyan ang nararamdaman nito. May appendicitis ito at kailangang maoperahan sa lalong madaling panahon.

Walang tigil sa pag-iyak ang ina nito. Saan daw ito kukuha ng halagang kailangan? Sa kanya nito ibinunton ang lahat ng saloobin. Single mother si Consorcia kaya naintindihan ni Brave na wala itong ibang malapitan at mapagsabihan. Naalala niya rito ang ina na abut-abot ang pag-aalala tuwing nagkakasakit siya noon. Wala rin na katuwang noon ang kanyang ina bago nakilala ang naging asawa nito na si Bernelle.

Kinalma ni Brave si Consorcia. Sinabi niyang magagawan nila ng paraan ang problema. Pagkatapos nilang mag-usap ay nagtungo siya sa isang bahagi ng ospital para sumagap ng hangin. Pakiramdam niya ay naninikip ang dibdib niya. Nang tingnan ni Brave ang wallet, parang lalo siyang nanghina. Dalawang linggo pa bago ang suweldo!

"Kailangan mo ba ng pera, hijo?"

Natigilan si Brave, saglit na nagduda kung siya ang kinakausap ng may-ari ng boses na iyon. Hindi siya umimik. Mayamaya ay naramdaman niyang nasa tabi na niya ang may-ari niyon. Sa sulok ng mga mata, nakita niyang nakatanaw rin ito sa ibaba ng ospital. Nasa ikatlong palapag sila nang mga sandaling iyon. Sa marahang kilos ay bumaling siya rito. Nalingunan niya ang isang matandang lalaki na sa tantiya niya ay nasa sesenta na ang edad. Base sa tindig nito at magandang pagdadala ng damit ay nahulaan na ni Brave na hindi ito katulad niya na namomroblema sa pera.

"Kaanu-ano mo 'yong babae at bata?"

Napakunot-noo siya. Paano nito nalaman ang tungkol doon? Sinusubaybayan ba nito ang kilos niya o masyado lang malakas ang pag-iyak ni Consorcia kaya narinig ng matanda? May mga tao kasi sa paligid nila habang umiiyak sa harap niya ang babae. Hindi niya napansin kung kasama sa mga taong iyon ang matandang ito.

"Kapitbahay ho," sagot ni Brave.

Tumangu-tango ito. Ilang sandaling tiningnan siya nito bago inilahad sa kanya ang isang kamay. "Menandrino," pakilala nito sa sarili. "Madalas ako sa ospital na ito at nag-oobserba sa mga nangyayari sa mga tao."

Napakunot-noo si Brave. Bumalik sa isip niya ang isang eksena sa pelikula kung saan ay nasa paligid si "Death" at nanunundo ng mga taong nakatakda nang magpaalam sa mundo. Hindi naman siguro nagkatawang-lupa sa katauhan ng matandang ito ang espiritu na iyon. "Robbin ho," pakilala rin niya at tinanggap ang pakikipagkamay nito.

"Narinig ko ang pinag-uusapan n'yo kanina."

Wala siyang ibang kinausap kundi si Consorcia kaya alam niyang ang babae ang tinutukoy ng matanda. "Philantropist ba kayo? Baka puwede ninyong tulungan 'yong mag-ina," magaang na sabi niya. Ipinanalangin niya na sana ay magpadala ng anghel sa lupa ang Diyos at tulungan siya. Dahil kung lalapit siya sa mga kasamahan ay mangangailangan pa siya ng sapat na panahon para maipon ang halagang kailangan.

"Walang problema, basta samahan mo akong magkape at magkuwentuhan tayo," sabi ng matanda at saka ngumiti.

Napatitig siya rito. Hindi agad niya naunawaan agad ang ibig sabihin ng matanda. Naintindihan lang niya iyon ni Brave nang maglabas ito ng checkbook at ball pen mula sa inner purse ng jacket nito.

"Magkano ba ang kailangan mo?"

Wala sa loob na sinabi ni Brave ang halagang binanggit ni Consorcia. Mabilis na nagsulat sa tseke ang matanda, pagkatapos ay pinunit nito iyon at iniabot sa kanya. Binasa niya ang nakasulat sa tseke at nakaawang ang mga labi na ibinalik ang tingin sa matanda. Ibinibigay talaga nito ang halagang kailangan ng mag-ina!

"Hindi na kailangang i-encash 'yan. Ibigay n'yo na lang sa doktor ng bata at alam na niya ang gagawin. Kilala nila ako. Sabihin mo sa ina ng bata na huwag na siyang mag-alala. Magiging okay ang lahat. At ikaw, balikan mo ako rito pagkatapos ninyong mag-usap. Samahan mo akong magkape, hijo." Tumingin uli ito sa ibaba ng ospital.

Sa ilang taon niya sa PNP na pulos masamang-loob at kriminal ang nakaengkuwentro niya, nang mga sandaling iyon siya naniniwala na nananahan pa rin sa mundo ang mga anghel na nagkatawang-tao. Nagpasalamat si Brave sa Diyos. "Babalikan ko ho kayo. Salamat!" sabi niya sa matanda. Nagmamadaling binalikan niya si Consorcia para sabihin na wala na itong dapat alalahanin. Tamang-tama dahil naroon ang resident doctor ni Tapang kaya nakausap niya ito.

"Masuwerte ang batang ito," anang doktor.

"Kilala n'yo nga siya, Doc?" usisa niya. Curious siya sa katauhan ni Menandrino.

Tumango ito. "Walang hindi nakakakilala kay Sir Menandrino sa ospital na ito. Naghahanap talaga siya ng mga pasyenteng matutulungan kaya siya madalas narito." Pagkasabi niyon ay nagpaalam na ito.

Nakahinga si Brave nang maluwag. Maooperahan na rin si Tapang. Nang balikan niya si Menandrino ay naroon pa rin ito, payapang-payapa ang anyo habang nakatitig sa tanawin sa ibaba ng ospital. Walang tunog ang mga hakbang niya pero naramdaman pa rin siya nito.

"Kung nagkataon na nagkaroon ako ng babaeng apo, ikaw ang gusto kong maging asawa niya, hijo."

Tumawa si Brave. "Paano n'yo naman ho nahulaan na binata ako?"

Nilingon at nginitian siya nito. "Alam ko lang. Magkape na tayo."

"Ako na ho ang magbabayad ng kape."

"Dapat lang. Matanda na ako, hindi ka dapat nagpapalibre sa matanda."

Nagtawanan sila.

Magkasabay silang naglakad para lumabas ng ospital...   

HOT INTRUDER: Brave (The Valiant Knight) Published, 2011Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon