PANGITI-NGITI si Katrina habang sinasabayan ang pagbirit ni Whitney Houston sa kantang "Run To You." Naging paborito niya ang kantang iyon sa dalawang dahilan: Una, noong nineteen siya ay in love siya kay Kevin Costner na bida sa pelikulang The Bodyguard kung saan ay isa iyon sa mga feature na kanta. Ikalawa, ngayong twenty-six na siya at patung-patong ang responsibilidad na pasan at mag-isa lang siya, pakiramdam ng dalaga ay para sa kanya ang lyrics ng kantang iyon. Kaya kapag mag-isa siya, natatagpuan ni Katrina lagi ang sarili na pinakikinggan ang kanta. And wishing she had someone to run to-iyong kasingguwapo ni Kevin.
Lumapad ang ngiti niya sa naisip na iyon. Actually, may nakilala na siyang hindi nalalayo sa crush niya ang tindig at porma. Dagli rin niyang ipinilig ang ulo. Tatlong linggo na ang lumipas mula nang mangyari ang kakatwang tagpo na iyon sa silid niya. Walang dahilan para isipin ni katrina ang pulis na iyon. Kung totoo nga na pulis ang lalaki. Wala namang nangyaring pagtatangka sa buhay niya kaya sigurado si Katrina na hindi siya balak paghigantihan ng lalaki sa ginawa niyang pag-atake sa pinakaiingat-ingatan nitong "yaman."
Napabungisngis si Katrina. Siguro kung makikita uli siya ng lalaking iyon, malamang ay uminit ang ulo nito kapag naalala ang ginawa niya. Hindi naman siya masisisi, pinrotektahan lang niya ang sarili.
"Each day, each day I play the role of someone always in control. But at night, I come home and turn the key. There's nobody there, no one cares for me..." Patuloy siya sa pagkanta. Dinagdagan pa niya ang speed ng kotse.
Patungo siya sa isang bahay sa Cainta kung saan daw siya imi-meet ng diumano ay Lolo Menandrino niya na mahigit isang buwan na niyang hinihintay na lumantad at harapin siya. Ito rin ang nasa likod ng DNA test result na ipinadala sa kanya, ng mga pagtawag na wala namang sumasagot sa kabilang linya, at pagsunud-sunod sa kanya na pakiramdam ni katrina ay may stalker na siya.
From Menandrino Zavina. Iyon lang ang nakalagay sa likod ng envelope na DNA test result ang laman. Dumating iyon ilang linggo pagkatapos ang walang permisong pagkuha ng buhok niya ng isang lalaki nang pasakay siya sa kotse niya. Bigla na lang lumitaw ang lalaking iyon, h-in-ostage siya, at bumulong na pahingi raw ng buhok niya. Pinakawalan din siya nito pagkatapos bumunot ng buhok niya. Napailing na lang siya nang wala na ito sa paningin niya. Naisip niyang baka napag-trip-an lang siya ng lalaking iyon. Kinalimutan na niya iyon. Hanggang sa natanggap niya ang sealed envelope na ang nilalaman ay resulta ng isang DNA testing. Lalong tumindi ang kanyang hinala na totoo ang mga natatanggap niyang impormasyon tungkol sa kanyang pagkatao nang sagutin siya ng katahimikan ng mommy niya nang itanong niya iyon dito. Pumasok pa sa eksena ang "pulis" daw na tinuhod niya at kinuhanan din siya ng buhok.
Wala siyang alam sa pagkatao ng tunay niyang ama dahil patay na raw ito ayon sa ina. Single mother at matatag na babae ang mommy niya na si Elissa. Nang nagdaang gabi lang niya ito napilit na umamin, nang sabihin niyang siya ang maghahanap ng sagot sa sarili niyang paraan. Nang banggitin niya rito si Menandrino Zavina ay napasinghap ito nang malakas. Nagpa-panic na tinanong siya kung paano niya nakilala ang lalaking binanggit. Sinabi ni Katrina ang detalye.
Nang mga sumunod na sandali ay inilahad na ng ina ang bahagi ng pagkatao niya na matagal nitong ipinagkait. Buhay pa pala ang ama niya at nasa Europe ito. Kinumpirma rin nito na lolo nga niya sa father side si Menandrino.
Sa paglalahad din ng mommy niya kaya nalaman ni Katrina na itinakwil ito ng ama na si Elmer Montrillo pagkatapos malamang walang kikilalaning ama ang ipinagbubuntis. Bata pa raw ang mommy niya ay ulila na sa ina. Spoiled daw ito sa ama kaya hindi natanggap ng lolo niya na magiging dalagang ina ang mahal at iniingatang anak.
Ang mommy niya ang nagkusang umalis sa poder ng lolo niya para hindi na mas masaktan pa ang huli. Hinarap nito ang mabigat na responsibilidad sa pagtataguyod sa kanya. Nagkaisip siyang hinahangaan ang tapang at tatag ng mommy niya.
Twelve years old si Katrina nang mamatay si Lolo Elmer. Bago nangyari ang plane crash ay binisita sila nito, isang bagay na lubos nilang ikinagulat ng mommy niya. Siya ang unang niyakap nito nang mahigpit. Maluha-luha si lolo Elmer nang haplusin ang buhok niya at hagkan siya sa ibabaw ng ulo. Sumunod na niyakap nito ang mommy niya na walang patid ang pag-iyak. Hinihintay pala sila ng lolo niya na bumalik sa bahay nito pero nagmatigas ang mommy niya at pinanindigan ang paglalayas. Hindi nito naisip na mag-isa na lang ang lolo niya at nalulungkot. Napahagulhol ang mommy niya habang paulit-ulit itong nag-sorry sa lolo niya. Bago umalis nang araw na iyon ang huli ay nagkaayos na silang tatlo. Nag-lunch pa sila nang sabay-sabay. Tumuloy ito sa airport para sa isang business trip. Hindi na ito nakabalik sa Pilipinas nang buhay.
Halos mawala na sa katinuan ang mommy niya. Nagbalik lang ito sa dati nang magkasakit siya. Unti-unti at mabagal ang naging proseso bago ito naka-recover mula sa lungkot at guilt. Ipinamana rito ni Lolo Elmer ang mga ari-arian nito. Ayon sa mommy niya ay hindi nito kayang ituloy ang naiwang negosyo ng ama dahil nagi-guilty pa rin ito. Lalo lang din daw itong masasaktan kapag doon sila tumira sa bahay ng lolo niya at tuwina ay maaalala nito ang ama. Kaya nagpasya ang mommy niya na ibenta ang bahay at negosyo ng lolo niya. Nanirahan sila sa ibang lugar at nag-invest ito sa bagong negosyo-ang convenience store na napaunlad nito at ngayon ay pinamamahalaan na niya. Lima na ang mga branch niyon sa Metro Manila.
Nasa high school pa lang si Katrina ay hinuhubog na siya ng ina sa paghawak ng pera at responsibilidad. Sinanay rin siya nito sa pagtatrabaho tuwing weekend. Mula sa pagiging cashier, inventory clerk, at administrative assistant hanggang sa personal secretary nito ay pinagdaanan niya. Ang resulta, hindi pa man siya nakakapagtapos sa kursong Accountancy ay nagagawa na niyang hawakan ang anumang responsibilad na ipinapasa nito sa kanya.
Isang taon pagkatapos niyang magtapos sa kolehiyo ay pormal nang inilipat sa kanya ng mommy niya ang pamamahala sa kanilang negosyo-dahil mag-aasawa na pala ito. Pinakasalan nito si Tito Charles, isang Canadian na nakabase sa Vancouver, Canada.
Sa una ay nagtampo siya sa mommy niya dahil hindi agad nito ipinaalam sa kanya na magpapakasal ito pero sa huli ay naintindihan rin niya . Hindi siya tumutol sa pag-aasawa ng ina. Halos buong buhay nito ay ibinigay sa kanya kaya ngayong nakatagpo ito ng lalaking magmamahal at magpapaligaya rito ay sinuportahan niya. Sa ngayon ay magtatatlong taon na sa Canada ang mommy niya pero nasa likuran pa rin niya ito sa malalaking desisyon na kailangan niyang gawin. Ina-update din niya ito buwan-buwan sa takbo ng negosyo. Nagbibigay naman ito ng mga suggestion.
Sa pagdating ng mga impormasyon na nag-uugnay sa kanya kay Menandrino Zavina ay napilitang umamin ang mommy ni Katrina. Hindi raw nito binanggit sa kanya ang tunay na kuwento dahil natatakot itong magbago ang tingin niya rito. Bunga pala siya ng isang gabing pagkakamali. Matalik na magkaibigan ang mga magulang niya. Paalis na raw noon ng Pilipinas ang daddy niya dahil ikakasal na ito sa iba. Pero nalasing ang mga ito at kapwa nakalimot. Ayaw ng mommy niya na masira ang kasal ng daddy niya lalo na at alam nito na mahal ng ama niya ang babaeng pakakasalan. Kaya kahit noong itinakwil ang mommy niya ni lolo Elmer ay hindi nito inamin kung sino ang tunay na ama niya. Hindi rin daw nito ipinaalam sa tunay niyang ama ang tungkol sa kanya dahil walang dapat panagutan ang ama niya sa parehong pagkakamaling nagawa ng mga ito.
Nagpapasalamat si Katrina na sa kabila ng lahat ay hindi ipinaramdam sa kanya ng mommy niya na bunga siya ng isang pagkakamali. Ngunit sa isang bahagi ng puso niya ay may hinanakit at panghihinayang siyang nararamdaman. Hinanakit sa mommy niya dahil inilihim nito ang totoo at panghihinayang dahil hindi man lang niya naramdaman kung paano magkaroon ng ama gayong buhay pa pala ito.
Huminga siya nang malalim at ilang segundong tiningnan ang bahay na sadya. Minsan pa niyang sinipat ang address na nakasulat sa papel na hawak bago siya tumuloy sa gate. Iyon na nga ang bahay ng lolo niya. Ginamit niya ang bungkos ng mga susing ibinigay sa kanya ng nagpakilalang abogado na si Atty. Vernes noong dumating ito sa opisina niya at sinabing makikipagkita na sa kanya ang lolo niya.
Ipinasok ni Katrina sa keyhole ang susi. Nagha-hum pa rin siya ng kanta ni Whitney Houston nang itulak niya ang pinto-upang mapatili lang nang matagpuan niya ang sariling nakaharap sa makisig na higanteng tinuhod niya tatlong linggo na ang nakalilipas.
Nakatayo ang buhok nito, inaantok ang mga mata, may hawak na isang basong tubig, at naka-briefs!
Tumili siya nang malakas. Dala siguro ng pagkagulat, naibuhos ng lalaki sa sarili ang laman ng basong hawak. Nabasa ang briefs nito kaya naman...
Mas malakas na napatili si Katrina!