A few years later
AMINADO si Brave na hindi niya gustong magpatalo sa kalokohan ni Menandrino Zavina kaya niya pinatulan ang hamon: Na kumuha siya ng buhok ng hinihinala nitong apo. Nakatiraang babae sa bahay na ilang araw na niyang sinusubaybayan. Hindi raw tatanggap ng kahit ano ang matandang wala yatang magawa sa buhay at bored na, maliban sa buhok. Nakangisi pa ito nang sabihin sa kanya na huwag siyang magpapahuli sa apo nito. Masisira raw ang reputasyon niya bilang magaling na pulis at "Brave" ng Eastern Police District.
Kung tutuusin ay napakadali para kay Brave na gawin ang ipinagagawa ni Menandrino. Puwede niyang lapitan ang babae at pasimpleng bunutan ng buhok. Puwede rin niyang dukutin ito, patulugin, at kuhanan ng ilang hibla ng buhok. O kaya ay ipa-snatch niya ang bag nito para makuha niya ang suklay na sigurado siyang may mga hibla ng buhok. Pero ayon kay Menandrino ay hindi raw niya puwedeng gawin ang mga iyon. Para manalo siya sa challenge, kailangan niyang makuhanan ng buhok ang babae sa mismong silid nito—habang natutulog!
Kapag nagawa niya iyon, ibibigay ni Menandrino sa kanya ang bahay nito sa Cainta na tinutuluyan niya sa kasalukuyan. Inutusan siya nitong tumao roon. Kalilimutan daw nito ang pagkakaibigan nila kapag hindi niya pinagbigyan ang pabor na hinihingi nito—ang maging caretaker siya ng bahay.
Isa lang ang bahay sa maraming property nito. Hindi interesado si Brave na mapasakanya ang bahay. Gusto lang niyang patunayan kay Menandrino na hindi siya titiklop sa hamon nito. Kung makangisi kasi ang matandan habang magkausap sila, mukhang minamaliit ang kakayahan niya. Sinabi pang nagdududa ito na magagawa niya nang tama ang challenge sa kanya.
Malakas ang kutob ni Brave na sigurado na si Menandrino na si Katrina Montrillo ay ang nag-iisang babaeng apo nito na ipinapanahap dati pa. Kailan lang nito natuklasan ang tungkol doon. Sa kanya unang nagkuwento ang kaibigan ng mga plano nito. Nagbiro pa nga na kapag nahanap na raw nito ang apo ay irereto siya. Napahalakhak si Brave. Imposibleng gustuhin siya ni Katrina na base sa resulta ng personal investigation niya ay isang independent na babae.
Magaling na negosyante at single pa si Katrina. Namumuhay ang babae mag-isa. Dalawang beses sa isang buwan lang may kasambahay na pumupunta sa bahay nito para maglaba at maglinis. Sa ilang araw na pagsubaybay niya rito ay nalaman ni Brave na mukhang wala itong social life. Mula sa bahay ay dumideretso si Katrina sa convenience store, lumalabas nang isa o dalawang beses para makipag-usap sa ilang tao na sa hula niya ay business acquaintances nito, pagkatapos ay babalik din ito roon. Gabi na umuuwi ang babae. Tuwing Linggo ay nagsisimba ito, kumakain sa isang restaurant, at uuwi na sa bahay pagkatapos.
Sa tingin ni Brave ay ito ang uri ng babae na hindi kailangan ng lalaki para maging masaya. Accomplished woman si Katrina sa edad na beinte-sais. Hindi kawalan sa buhay nito ang isang boyfriend. At sigurado rin siyang hindi nito gugustuhin ang isang tulad niyang pulis. Kaya ang sinasabi ni Menandrino tungkol sa kanila ng "apo" nito ay isang malaking kalokohan. Hindi niya alam kung ano ang kalokohang binabalak ng matanda kaya siya hinamon. Bukod sa gusto siyang subukan at pikunin—na nagsisilbing enerhiya yata nito—ay malakas ang kutob ni Brave na may iba pang dahilan kung bakit gusto nitong mag-a la Spiderman siya sa bahay ni Katrina para magnakaw ng buhok nito.
Sa halos apat na taon ng pagkakaibigan nila ni Menandrino ay wala pa itong hamon na hindi niya kinagat at ipinanalo. Tuwang-tuwa ang matanda kapag nagagawa niya ang hamon nito. Si Brave naman, gustong pasayahin ang kaibigang mag-isa na lang sa mansion nito.
Ayon kay Menandrino, tatlong lalaki ang anak nito—ang dalawa ay abala sa pagpapaunlad pa ng emperyo nito at ang bunso na sinasabi nitong ama ni Katrina ay nakabase na sa Europa. Madalas daw ay nakakalimutan na ito ng mga anak kaya siya na lang daw ang maging anak-anakan nito. Naniniwala siyang nababagot ang matanda sa buhay; kung hindi ay hindi nito maiisip na ipagawa sa kanya ang kung anu-anong kalokohan. Pero ang huling challenge nito ay ang pinakamahirap sa lahat ng challenges—ang nag-iisang challenge na labag sa batas. Ang usapan nila ay magkakape sila sa susunod na araw at doon niya ibibigay ang buhok na nakuha at ito raw ang magbabayad ng kape nila.
BINABASA MO ANG
HOT INTRUDER: Brave (The Valiant Knight) Published, 2011
Storie d'amoreBrave and Katrina.