NASAAN na ba si Mirabelle? Napakatagal naman ng bruha na iyon na mag-ayos. Siya na nga itong maganda sa aming dalawa, siya pa talaga itong may ganang magtagal. Hindi ba’t dapat ako itong pangit ang matagal mag-ayos dahil maraming dapat ayusin sa mukha ko? Pero hindi ko iyon ginagawa. Bakit pa ako magpapaganda kung wala naman akong gandang mailalabas. 'Wag na. Sayang lang ang aking time and effort. Gagamitin ko na lang ang time and effort na iyon sa ibang importanteng bagay. Like… pagmamaldita.
Naitirik ko ang aking mata nang marinig ko ang boses ni Mirabelle na kumakanta-kanta. Mabuti naman at pababa na ang kakambal kong ubod ng ganda! Kanina pa kaya ako naghihintay dito. Bakit ba kasi hindi na lang ako bigyan ng daddy at mommy ng sarili kong car para naman hindi ko na kailangang sumabay pa kay Mirabelle? Allergic kaya ako sa kanya.
Hindi ko napigilan ang pagtaas ng isa kong kilay nang makita ko na siyang pababa ng hagdan. And look at that bitch! Talagang ginaya pa ng twin sister ko na si Mirabelle ang red ribbon ko sa aking buhok. At talagang full smile pa siya nang makita niya ako habang pababa siya sa hagdan. Ang sarap niyang itulak para magpagulong-gulong na siya paibaba.
Obviously, gusto niya lang na maipagkumpara na naman kami kaya niya ginaya ang ribbon sa ulo ko. Ang mahaderang iyon! Gusto niya talaga ay palagi niya ang kinakabog at tinatalbugan.
“Ate! Look! Same tayo na may red ribbon! Talagang we’re twins!” Pagbibida pa niya sa akin. Umikot-ikot pa siya.
Okay. I admit it. Mas maganda siya sa akin in her red ribbon. Tanggap ko na naman iyon, e. Matagal na. At tanggap ko na rin na mas mahal siya ng tao sa paligid namin dahil maganda siya at mabait daw. May “daw” dahil feeling ko ay kaplastikan lang ang pagiging mabait niya. Gusto lang niya na makuha ang simpatya ng lahat. Ganoon si Mirabelle para sa akin.
Naiinis akong tumayo ako mula sa pagkakaupo sa sofa at hinablot ang ribbon sa buhok niya sabay tapon sa sahig. Gigil na tinapak-tapakan ko pa iyon. “Hindi bagay sa iyo! Manggagaya ka talagang bruha ka! Wala ka nang ginawang matino!” Nanlilisik ang mga mata na bulyaw ko sa kanya. Para akong mabangis na hayop na handang umatake anumang oras.
Nangilid agad ang luha sa mata ni Mirabelle. “Pero, ate--”
“And don’t call me ate! Kambal tayo! Magkaedad lang tayo! 'Wag kang assumera! At wala akong pakialam kung sino ang una at huling inilabas sa atin. Basta parehas tayo ng birthday kaya 'wag mo akong ma-ate-ate!”
First day of school at sinira na agad ni Mirabelle ang importanteng araw na ito sa buhay ko. Kung ang iba ay ayaw pumasok sa school, ako gusto ko. Bukod kasi na this is my last year as a high schooler dahil fourth year high school na ako, makikita at makakasama ko na naman ang aking super handsome and talino na crush na si Hideo dela Vega.
Haaay… That Hideo! Alam kong nagpapakipot lang siya sa akin pero I can feel it na may gusto rin siya sa akin.
Sikat na sikat si Hideo sa school dahil bukod sa gwapo ay ubod pa siya ng yaman like our family. Mayaman din kami.
Maya maya ay bumaba na ang mommy namin at kasunod niya si daddy.
Aba, ang bruhang si Mirabelle, tuluyan nang umiyak nang makita sina mommy. Akala mo ay inapi siya nang todo sa akting niya. Kaya naman napagalitan na naman ako dahil sa nagmaldita na naman ako sa aking nag-iisang kapatid.
Bruha talaga! Kung ganiyan ba naman kaarte ang kapatid ko, mas okay na sa akin na mag-isang anak na lang ako. I really hate her! Pabida, pabibo, pabebe!
Porket maganda siya at chaka ako ay may karapatan na siyang mag-inarte? Well, hindi siya uubra sa akin.
Nakasimangot na naglakad ako palabas. Napagalitan na ako. Okay na ako.