NAMIGAY ng invitation si Hideo para sa birthday party niya this week sa lahat ng classmates namin pero ako lang ang hindi niya binigyan. Kaya naman ganoon na lang ang gigil ko. Ako lang talaga ang hindi niya binigyan. Parang gusto ko tuloy mang-agaw sa isa sa nga classmate ko ng invitation sa oras na iyon. Alam na rin sa buong school na sina Hideo at Mirabelle na kaya naman mas lalo akong nanggigil. Malaya na silang nakakapag-PDA sa school kahit alam nilang bawal. Talagang inaasar ako ng Mirabelle na iyon, a. For sure, siya ang nagpakalat na sila na ni Hideo para wala nang makalapit dito. Pwes, nagkakamali siya. Dahil kahit sila na ni Hideo ay hindi ko pa rin ito titigilan! Over my dead body!
“Mirasol, look! May invitation ako frome Hideo! Ang bongga, 'di ba?” Maarteng sabi ni Dyosa sa akin habang kumakain kami ng lunch sa canteen.
Masama ko siyang tiningnan dahil parang nang-iinggit pa talaga siya. Inagaw ko sa kanya ang invitation at binasa iyon. Friday night pala ang party sa bahay nila. Tapos masquerade ang theme. Medyo bongga yata ang birthday party niya this year. Well, mayaman naman kasi ang family ni Hideo kaya hindi na nakakapagtaka kung gastusan man ng parents nito ang birthday niya.
“Uhm, Dyosa, nakahanap ka na ba ng magaling na make up artist?” tanong ko sabay balik sa kanya ng invitation.
Ibinalik na nito ang invitation sa bag. “Yes. Sobrang galing nito-- si Miss Melay! Ang make up artist ng mga sikat na celebrities dito sa bansa. Bakit ka ba nagpahanap sa akin ng make up artist? Malapit na ba ang burol mo?”
“Baka gusto mong mauna ka, Dyosa?!”
“'Eto naman. Joke lang! E, bakit nga kasi?” curious na usisa niya.
“Dahil pupunta ako sa birthday party ni Hideo!”
“Talaga? Isa pa, baka naman mapagkamalang children’s party iyon kapag nandoon ka.”
“At bakit naman?”
“Baka akala nila mascot ka, Mirasol!” Hindi pa nakuntento si Dyosa at tumayo pa ito at ipinagsabi sa iba na mukha akong mascot.
Nagtawanan tuloy ang mga nakarinig.
Wow, ha! Tawang-tawa? Nakakahiya naman sa magagandang schoolmate ko!
“Dyosa! Gusto mo pa bang mabuhay? Kung makalait ka sa akin parang hindi kita kayang ipatumba!”
“'Eto naman! Joke lang! Hindi ka pa ba sanay sa akin? Wait, may invitation ka ba?”
“Wala. Hindi ako binigyan ni Hideo and I know na si Mirabelle ang nag-utos kay Hideo na huwag akong bigyan. Knowing my brat sister, gagawin niya iyon para lang hindi ako maging masaya!”
“So, paano ka makakapunta niyan? Sa gate pa lang, hindi ka na makakapasok. Ipahabol ka pa sa aso or haharangin ka agad ng guards nila kapag nagpumilit ka.”
“Makakapunta ako, Dyosa. I’ll be there… You know me, lahat nagagawan ko ng paraan!” At isang makahulugang ngiti ang sumilay sa aking labi.
“Okay, sabi mo, e,” anito.
Tumingin ako sa malayo habang naniningkit ang mga mata. Medyo napapangiti-ngiti pa ako dahil binubuo ko na sa utak ko ang aking mga plano.
-----ooo-----
HINDI ako sure pero alam kong may kinalaman si Mirabelle sa hindi pagbibigay ni Hideo sa akin ng invitation. Parang hindi ako makaka-move on sa ginawang iyon sa akin ni Hideo. Sa totoo lang, wala pa akong concrete plan laban sa kakambal ko. Naisip kong sabihin sa lahat na nagbabait-baitan lang ito pero nagback-out ako. Ako lang kasi ang lalabas na masama. Sasabihin lang nila na hindi totoo ang sinasabi ko about Mirabelle at sinisiraan ko lang ito. Of course, alam nila na maldita ako at baka balaigtarin pa ako ni Mirabelle. Kaya dapat akong umisip ng magandang plano. Hindi dapat ako magpadalus-dalos sa mga move ko.