14 | Sindakama

69 5 0
                                    

May sindak na hatid ang malambot
na kama sa sulok ng kuwartong iyon:
nagtatago sa hibla ng kobre-kama,
humihimlay sa  bulak ng unan,
at lumilingkis sa himulmol ng kumot.

Sa bawat tulirong pagpihit ng seradura,
nakatungong tutungo ang dalaga sa katabing
aparador upang hindi muling magunita
ang bangungot na nanginginain ng haraya:

pigil na luhang kasing-pait ng apdong
dinurog ng batong ipinukol sa dusa,

impit na palahaw na ikinubli sa labing
binusalan nang pilit ng halik at dila,

pagpupumiglas ng katawang nilukob
ng hayok at hayop na lunggati sa laman,

lunos na kaselanang binaboy ng ningas
ng di-masawatang libog at kasakiman,

pagmamakaawa ng ngumangawang tinig 
sa mala-demonyong pangdurusta ng kabalbalan,
at lugaming dangal na winarak ng pagkaganid
sa sahol at lansa ng kabalbalan.

At ang aparador na lamang na likha mula sa roble
ang nagpapaunawa ng kaibahan ng panaginip sa alaala,
na ang dalaga ay largado sa kirot na ipinamana.

Na mas nanaisin na mauhaw ang puso kaysa
muling magnaknak ang sugat at dumanak ang dugo.

Kaya hindi na maiuusal ang pag-ibig sa tainga
ng katre: Amang nagpalango sa dalurok ng laman,
nagpakalayaw sa silaw ng nanghihikayat na pagnanasa.

Kung maaari sanang mapagpasiya ang dalaga
para sa sarili, nais nitong bumalik sa pagiging alabok
at sa ibang lupalop tumahan.

Kalawakan ng Kawalan | Laya sa Kubli At Iba Pang Mga TulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon