Seven

5.5K 119 7
                                    

"AYA, you'll be happy naman if I'm happy, right?" tanong niya sa kaibigan. Tapos na ang oras ng pagtatrabaho nila kaya nasa isang café sila at umiinom ng paborito nilang cappuccino.

"Oo naman," sagot nito. "Bakit? May napili ka na ba?"

Napangiti siya. Kaya lang naman niya naitanong iyon sa kaibigan ay dahil gusto niyang malaman ang sagot nito. Kung sakaling magkabalikan sila ni Jun. Kahit naiinis siya sa sarili dahil masyado siyang assuming ay hindi rin naman niya maiwasang umasa.

She and Jun were fine. Katulad na lang kahapon, sabay silang nag-dinner ng lalaki sa isang restaurant.

Just like before.

Napangiti siya sa naisip. Gaya nga ng dati. Sa tuwing naiisip niya ang lalaki ay napupuno ng ibang klaseng kaligayahan ang puso niya. Nararamdaman niya na napatawad na siya ng lalaki sa nagawa niya.

Hindi na nila kailangan pang balikan ang masamang nangyari noon sa kanila. Magkasabay silang magmo-move on.

"Bakit ka nangingiti d'yan?"

Napatingin siya sa kaibigan na mukhang naguguluhan sa ikinikilos niya. "Wala," sagot na lamang niya.

"Wala ka d'yan. Dahil ba kay Jun?"

Hindi na naman niya mapigilan ang ngumiti nang marinig ang pangalan ng binata. Para siyang teenager na noon lang nagka-crush. Tumango siya sa kaibigan. Hindi na naman niya kailangan na ilihim dito ang nararamdaman. Mahahalata rin naman nito.

"Toni, naman..."

Napabuntong-hininga siya. "Wala naman sigurong masama kung magmahalan kami ulit, 'di ba?"

"Wala ngang masama pero ikaw na rin ang nagsabi na nagbago siya. Paano mo masasabi na nagmamahalan nga kayo?"

"Hindi ko alam. Basta. Nararamdaman ko lang. Sinabi ko nga na nagbago siya, pero baka noong unang pagkikita lang namin iyon, marahil natuto na rin siyang patawarin ako kung ano man ang nagawa ko dati," aniya sa kaibigan.

"Sana nga, nakalimutan na niya 'yon," wika naman ng kaibigan niya. "Toni, kaibigan kita. Please don't think na di-ni-discourage kita, ang gusto ko lang, makita mo ang ibang pwedeng mangyari. Huwag kang pabigla-bigla, paano kung ikaw lang naman ang nag-iisip na mahal niyo pa rin ang isa't isa? Paano kung ikaw lang naman ang nagmamahal?"

Hindi siya nakasagot sa sinabi ng kaibigan. Kung sabagay ay may punto ito. Pero mas naniniwala siya sa nararamdaman niya.



"CONGRATULATIONS, boys!" masayang wika ni Sir Larry sa kanilang lahat. Naroon sila nina Andy, Chester at Phil sa studio.

Ibinalita sa kanila ng matanda na magkakaroon na sila ng sariling album dahil sa pagkuha sa kanila ng isang sikat na recording company. Bago ang kasal ni Phil ay gagawin na nila ang pagre-record ng kanilang kanta. Ibinalita na rin nila iyon kay Alex na sinabing uuwi para doon. Pati si Enrique. Masayang isipin na makukumpleto na sila. At magkaka-album na din.

"Cheers!" aniya sa mga kaibigan at kay Sir Larry.

"Cheers!" sabay-sabay na wika naman ng mga ito. Itinaas nilang lahat ang hawak nilang mga baso.

Masayang nagdiwang sila doon. Pagkatapos niyon ay dumiretso na siya ng uwi. Saktong-sakto na alas kuwatro na ng hapon. Malamang na nasa bahay na nito si Toni.

Nang makarating na siya sa kanyang bahay ay agad niyang ipinarada ang sasakyan sa kanyang garahe at nagpunta sa bahay ng dalaga.

Kumatok siya doon at ilang sandali pa ay pinagbuksan na siya ng dalaga. Mabilis niya itong niyakap papasok sa loob at isinara ang pintuan. Hindi na niya mapigilan ang sarili. Gusto niyang ibahagi sa dalaga ang saya niya nang mga oras na iyon. Natatawang gumanti ito ng yakap.

The One That Got Away  (Unedited) (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon